May mga bagay nga siguro na kahit gaano mo pa kagustong ipaglaban, darating tayo sa puntong iisipin na lang nating sumuko at bumitaw. Masakit, oo. Mahirap, oo. Pero hindi mo naman maaaring ipilit ang hindi na pwede at hindi na dapat. Masakit, oo. Mahirap, oo. Ngunit naisip mo ba na kapag mas lalo mong ipinagpatuloy, mas masakit, mas mahirap?
Nakakapagod din. Nakakapagod din pala. Iyong ikaw, laban kung laban. Nag – iisip ka pa ng mga solusyong pwedeng gumamot sa lahat. Habang siya, wala nang ibang naisip na paraan kung hindi ang sumuko at lumayo na lang. Masakit, oo. Mahirap, oo. Pero dahil hindi na naman siya lumalaban para sa iyo, para sa inyo, mas pipiliin mo na lang ding pumayag sa gusto niya. Masakit oo. Mahirap, oo. Ano pa bang magagawa mo? Ikaw na lang naman nagpupumilit na maaayos lahat kahit alam mong wala na, talo ka na.
Hindi mo kasalanan kung iniisip mong ikaw ang may pagkukulang. Hindi niya rin kasalanan kung sinabi niya sayong wala na. Hindi niya kasalanan kung nawala na lang bigla at hindi niya alam kung bakit o di kaya’y sabihin niyang hindi na ganoon ang nararamdaman niya sayo. Nangyayari nga siguro ang ganoon. Masasaktan ka, oo. Mahihirapan ka, oo. Hindi naman kasi ganoon kadali mawala ang nararamdaman mo. Hindi niya rin kasalanan kung naunang mawala ang kaniya kaysa ang sa iyo. Masakit, oo. Mahirap, oo.
Sinungaling ka kung sasabihin mong hindi ka masyadong apektado o hindi ka galit. Iyong tipong sasabihin mong, “Hindi naman ako galit sa kaniya kasi naiintindihan ko siya.” Aminin mo man o hindi, hindi mo siya kahit kailan maiintindihan. Pinipilit mo lang siyang intindihin kasi mahal mo siya. Pero iyang galit at sakit? Hindi mo pa nararamdaman kasi natatakpan. Pinipilit mong magpakasaya na para walang problema. Pinipilit mong malimutan pero nandiyan pa rin iyan. Masakit, oo. Mahirap, oo. Pero kailangan tanggapin. Magiging okay ka rin.
Iyong dapat mong gawin? Tanggapin tsaka magsimula ka ulit. Hanggang sa mawala na iyong sakit at makapagmahal ka na ulit. Siguro kapag makikita mo siya, masasabi mong mahal mo pa siya. Pero iyong pag – asang maibabalik ulit iyong dati? Malabo na. Siguro sa ngayon, Masakit, oo. Mahirap, oo kasi nagmahal ka pero kasama naman kasi lagi iyon kapag sumusugal ka sa pag – ibig. Kaya dapat handa ka. Dapat malakas loob mo. Dapat matapang ka. Dapat may lakas ka ng loob.
Dahil masakit, sobra. Mahirap, baka di mo makaya.