"Oh dalawa na lang, dalawa na lang!" sigaw ng kuya bago kami pumasok ni Ate Fenech sa jeep.
Pagkaupo namin ni Ate Fenech ay tinapik tapik na ni Kuyang sumisigaw ang jeep. Lumapit ito sa drayber at inabutan sya nito ng kaunting barya.
Sa kabila nang mainit na araw, ang pagod sa pag sigaw at ang hirap ng pagkumbinsi sa iba na sumakay ay katumbas lamang ng kakaunting barya. Nairehistro na kaagad ng utak ko ang katotohanang iyon ngunit masakit pa din kung iisipin.
Nakakalungkot man pero ito ang uri ng lipunan na kinabibilangan natin.
"Ate makikisuyo lang po" sabi sa akin ng katabi ko at iniabot niya ang barya sa akin. Napapatitig lamang ako dito.
Hindi ko alam ang gagawin.
Mabuti na lamang at alerto si Ate Fenech at napansin ako. Agad niya kinuha sa akin ang barya at ginawa ang katulad na prosesong ginawa ng ateng katabi ko hanggang sa makarating ito sa drayber.
'Ganun pala iyon', naturan ko na lamang sa aking sarili.
Nag jeep lang kami ni Ate Fenech ngayon. Sabi kasi ni Tita ay mag commute daw kami upang makita ko kung papaano ang byahe na tatahakin ko papunta sa mapipili kong pasukan na eskwelahan. Si Ate Fenech ang sumama sa akin dahil ang iba kong pinsan ay may lakad daw.
Nang sandaling huminto ang jeep na sinasakyan namin dahil na naman sa trapiko ay napansin kong biglang umingay sa labas. Bahagya akong sumilip sa bintana ng jeep at napukaw ng isang helerang mga tindahan ng iba't ibang streetfoods ang ang aking pansin.
"Herito" nagulat ako sa biglang pagsasalita ni Ate Fenech sa tabi ko.
"Herito ang tawag sa lugar na ito. Ito ang paboritong lugar ng mga hindi naman mahihirap pero sabihin na nating kapus palad"
Sandaling sinuyod ng aking mga mata ang mga tao roon. Karamihan sa kanila ay mga halos hindi na maitsurahan ang damit dahil mas lamang ang dumi roon.
Ang iba naman ay tila ba binagyo dahil sa itsura ng kanilang buhok.
Umandar muli ang sasakyan.
Pagkababa namin ng jeep ay sumakay pa ulit kami ni Ate Fenech sa isang tricycle bago namin narating ang paaralan.
Sheridan University.
Isa ito sa kilalang paaralan dito sa Manila. Sa itsura pa lamang ng gate ng paaralan na ito ay makikita mo na ang karangyaan dito.
Naunang pumasok si Ate Fenech. Kasunod nya ako ngunit napahinto ako ng bigla akong hinarang ng guard at kapkapan.
Alam ko naman kung bakit ganoon.
Hindi na lamang ako umimik at nagpatuloy sa paglalakad matapos na kapkapan.
"Good morning. Mag iinquire lang po sana kami" masayang bati ni Ate Fenech pag pasok namin sa Student Admission Office.
Ang lamig.
"Have a seat, pls" ani ng babae sa amin
"Thank you" sagot naman ni Ate Fenech
"Freshmen po ba ma'am or transferee?" tanong ng babae kay Ate Fenech. Ang kinis ng balat nya at ang puti nya. Halatang naalagaan. Hindi katulad ng balat ko. O siguro dahil na rin sa mas maayos at malinis na lugar naeexpose ang kanyang katawan.
Isa pa iyan sa mga napansin ko dito. Ang mga tao ay sadyang maalaga sa katawan. May ilang tao naman na ganoon sa Mindoro ngunit siguro marahil ay karamihan sa kakilala ko roon ay hindi ganoon ka sensitibo pagdating sa kanilang pisikal na anyo.