Sabado noon at ala-singko na ng hapon. Pauwi ako ng Pampanga. May mga reblocking na naman na ginagawa sa EDSA kaya siguradong traffic na naman. Siguradong gagabihin na ako ng uwi. Naisipan kong kumain na muna dahil isang pandesal lang ang kinain ko sa buong maghapon at matagal pa ang byahe. Chowking ang pinakamalapit na kainan na nadaanan ko kaya doon na ako tumuloy.
Walang nakapila sa counter. Sayang. Yun pa namang oras sa pagpila sana ang panahon ko upang pagisipan kung ano ang gusto kong kainin. Kaya paglapit ko sa counter sabay bati sa'kin ng "Welcome Ma'am/Ser" ng cashier, naorder ko yung unang naalala kong pagkain dito: Chinese-style fried chicken lauriat. Naalala ko ito kasi nabibwiset ako sa endorser nito.
Binayaran ko ang order ko, kinuha ang number at inumin, tsaka na ako naghanap ng upuan. lumipas ang limang minuto ay dumating na ang order ko. Una kong tinira ang chicharap, sinawsaw ko sa gravy ng fried chicken kaya parang fried chicken na rin ang lasa nito. Wow. Crispy. Naubos ang gravy dahil sa chicharap. Nagpa-refill ako ng gravy sa service crew, kasi feeling ko nasa mamahaling restaurant ako at pwede kong utus-utusan ang service crew na parang waiter kahit hindi naman talaga n'ya trabaho ang pagsilbihan ako.
Habang hinihintay ko ang gravy e kinain ko naman ang pansit. Masarap naman. Medyo may kalasang instant na pansit canton. 2 lang ibig sabihin n'yan. 1) Bumababa na ang standard ng Chowking at naglalasang instant na lang ang pansit nila, o 2) Tumataas na ang standard ng mga instant na pansit nagiging kalasa na nila ang pansit ng fastfood.
Sa puntong ito dumating na ang gravy. At dahil asshole ako at hindi ko pa sinabay nung una ko utusan ang service crew, nagpakuha na rin ako ng toyomansi at chili sauce para sa dalawang piraso ng siomai. Pagbalik ni crew, naubos ko na ang siomai kaya sabi ko di bale na lang, tagal mo eh.
Main event na ngayon, sinimulan ko na ang fried chicken at kanin. Ayos solb na solb na ako. Pero meron pang isang piraso ng pagkain sa plato ko, ang buchi.
Hindi ko gusto ang lasa ng buchi. Ayoko na kainin ito. Pero naisip ko kung iiwan ko na lang ito dito, baka naman i-recycle nila at ibenta pa nila sa ibang customer. Swerte naman nila, 1 for the price of 2. Binayaran ko itong buchi na ito kaya dapat maidispose ko rin ito. Tinawag ko ulit si service crew at humingi ako ng tissue, kasi dalawang manipis na piraso lang ang binigay nila sa akin nung una.
Pagbigay sa akin ng tissue nung medyo naiinis na na service crew, binalot ko yung buchi at umalis na ako. Ibibigay ko na lang itong buchi sa kung sino mang pulubi sa daan na makita ko. May nakita akong grupo na mga pulubi, hindi ko sa kanila ibinigay kasi nga 5 sila at isa lang ang buchi na dala ko. Baka pagawayan pa nila. May nakita naman akong gusgusin na caller ng jeep. Sa kanya ko na lang ibinigay kasi mas deserve n'ya ito. Hindi lang kasi s'ya pulubi na umaasa sa awa ng ibang tao para kumita. At least, s'ya nagsusumikap naman kahit papaano na magtawag ng pasahero para sa mga jeep para kumita ng kaunti.
Inabot ko sa kanya ang buchi na nakabalot ng tissue, hindi man ako tumingin sa mukha n'ya at wala man ako sinabi. Tinanggap naman n'ya ito. Paalis na ako ng tinawag n'ya ako, "Kuya".
Lumingon ako at napatingin sa kanyang mukha. Ang aking nakita ay isang matamis na ngiti, punung-puno ng kaligayahan. Makikita mo ang pag-asa na nagliliyab sa kanyang mga mata.
"Maraming salamat, kuya", ang sabi n'ya sa akin. Nginitian ko lang s'ya at paalis na ako nang bigla n'ya akong tinawag ulit.
"Kuya"
Tiningnan ko s'ya ulit.
Nagtitigan kami...
At ang sumunod na sinabi n'ya ay hindi ko inasahan.
.
..
...
....
.....
"Wala bang panulak?"