CHAPTER FIVE
LAGPAS HATING-gabi na nang makauwi si Kaniel sa bahay. May sarili naman siyang susi kaya hindi na niya kailangan pang manggising ng magbubukas sa kaniya ng pinto.
Malinis na bahay ang bumungad sa kaniyang paningin kaya gumaan ang kaniyang pakiramdam. Parang nawala ang kaniyang pagod at puyat.
Dati kasi, kapag umuuwi siya ay lalo siyang nakakaramdam ng pagod dahil sa dumi ng kanilang bahay. Kaya nga siguro mas gusto niya pang maglagi na lang sa lugawan kaysa magpahinga sa kanilang bahay.
Hindi naman siya inoobliga ng mommy niya na magpagabi sa lugawan pero siya ang may gustong gawin iyon. Wala kasi siyang kunsuwelo na umuwi ng maaga sa kanilang bahay.
Kung ganito lagi ang dadatnan niyang bahay ay tiyak na gaganahan siyang umuwi ng maaga at manatili sa kanilang bahay. Maayos at malinis ang lahat ng gamit. Mukhang may katuwiran ang mommy niya sa pambubuyo nito sa kaniya kay Sasha.
Kanina nga lang ay para na namang bubuyog ito na sunod ng sunod sa kaniya. Iginigiit nitong ligawan na niya si Sasha. Gustung-gusto talaga nito ang dalaga.
Gusto niya rin naman si Sasha kaya lang ay nag-aalangan siyang gumawa ng mga advances dito. Sa tingin niya kasi ay napaka-inosente pa nito pagdating sa pag-ibig.
Hindi ito katulad ni Serena na bago niya naging girlfriend ay ilang lalaki na nauna sa kaniya dito.
Tumuloy siya sa banyo para mag-shower. Ibang-iba na ang amoy ng banyo nila ngayon.
Nang matapos siyang magtoothbrush ay pumasok na siya sa kaniyang kuwarto. Napansin niya na wala ng laman ang laundry basket. Naglaba na yata si Sasha.
Napapahanga siya ng dalaga. Napakasipag nito at napakalinis nitong magtrabaho. Sa tingin niya nga ay magiging uliran itong may bahay kasi alam nito ang ginagawa. May diskarte ito kung paano mamalakad ng pamamahay.
Naalala niyang bigla ang anak. Nais niyang hagkan ito bago siya matulog na gaya ng lagi niyang ginagawa gabi-gabi.
Lumabas siya ng kuwarto at tinungo ang kabilang kuwarto kung saan naroon si Sasha at si baby Meryll. Pinihit niya ang pinto para i-check kung nakabukas ba iyon. Nagpasalamat siya nang pumihit naman iyon pabukas kaya itinulak niya iyon.
Bukas ang lamp shade kaya tumambad kaagad sa paningin niya ang nakakatuwang posisyon ng mga ito. Magkayakap ang mga itong natutulog.
May kung anong damdamin siyang biglang naramdaman. Ito ang gusto niyang makita sa tuwing darating siya sa gabi. Madadatnan niya sanang magkayakap na natutulog ang kaniyang mag-ina.
Kaso hindi gano’n ang madalas na datnan niya. Ang anak niya ay nakabuyangyang sa kama habang si Serena ay umuusok ang nguso habang naninigarilyo at nakaharap sa laptop nito.
Napakabatang natutong manigarilyo ni Serena. Kasi naman ay nasa abroad ang both parents nito kaya walang gaanong guidance. Mga pinsan lang nitong puro kalokohan din ang alam ang kasama nito sa bahay nila sa Maynila. Kaya nga malaya nilang nagawa ang mga bagay na hindi pa sana nila dapat ginawa dahil wala naman kasing matinong bantay itong si Serena. Kunsintidor naman ang mga pinsan nito.
Lumapit siya sa kama at naupo sa gilid no’n. Natitigan niya si Sasha habang tulog. Napakaamo ng mukha nito, at dahil nakatagilid ito ay kita niya ang mga kurba ng katawan nito. Tumaas din ng konti ang suot nitong shorts kaya lumantad sa paningin niya ang makinis nitong hita.
Hindi niya napigilan ang sarili na titigan ito. Iyon talaga ang weakness niya sa babae, sexy body at makinis na legs. Bigla tuloy uminit ang pakiramdam niya. Para tuloy nais na niyang makumbinsi na pwede ngang mahulog ng husto ang loob niya kay Sasha. Ngayon nga lang ay nae-excite na siya nito.