Liwanag

20 3 0
                                    


Away, gulo, suntukan, sabunutan, iyak ng sanggol, mga matatandang maghapong nagmamajong, mga nag-iinuman sa kanto, mga nagtatakbuhang bata habang walang suot na sapin sa paa, mga kabataang walang tigil sa pagpapatugtog ng malakas at nakaiiritang kanta, mga tambay sa kanto na naghihintay maambunan ng swerte na hindi man lang naisipang magsuot ng damit upang matakpan ang katawan nilang puno ng tattoo habang dahan-dahang ibinubuga ang usok na nagmumula sa kanilang yosi, isang matandang dalagang walang humpay sa paghampas ng pinto upang maningil ng mga pagkakautang, isang lalaking patuloy na naghahanap ng trabaho upang may maitustus sa pangangailangan ng kaniyang pamilya, isang mapagmaltratong tiyahin na walang ibang alam kundi bugbugin at pahirapan ako sa tuwing uuwi ako sa kanilang bahay at ako na isang simpleng estudyante na sawang-sawa na sa pang araw-araw na buhay ko.

Ito ang araw-araw na eksena rito sa eskwater. Magulo, maingay, walang kapayapaan, walang katahimikan.

Gusto ko ng mamatay. Wala ng dahilan upang mabuhay pa sa mundong ito. Sawang-sawa na ako sa sakit at paghihirap na nararanasan ko.

Araw ng Lunes, dapat nasa eskwelahan ako, nakikipagkaibigan, nakikipag-usap sa katabi, sumasagot sa blackboard pero heto ako ngayon, nakahiga sa manipis at masurot na kama at walang balak na pumasok sa paaralan. Wala na akong pakialam kung pagalitan ulit ako ng masungit kong guro.

Gusto kong mapag-isa, gusto kong pumunta sa mapayapang lugar.

Hindi ko namalayang unti-unti na pala akong nakakalayo sa aming munting bahay na yari sa pinagtagpi-tagping kahoy.
Hindi ko alam kung saan ako patungo. Bahala na.

Hanggang sa dinala ako ng mga sarili kong mga paa rito sa lugar kung saan ako palaging pumupunta, sa lugar na pansamantalang nakararamdam ako nang konting kasiyahan, sa lugar na pumapawi ng aking kalungkutang nararamdaman, ang playground.

Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko at umakyat ako ng puno. Mula rito sa itaas, tanaw na tanaw ko ang magulong lugar namin. Napatingin ako sa bughaw na kalangitan at halos abot kamay ko na ito.

"Nay, Tay, masaya ba diyan sa langit? Diyan na lang ako, please? Ayaw ko na rito..."

Gusto ko ng lisanin ang mundong ito nang matapos na ang pagdurusa ko.

Hinanda ko ang sarili ko sa pagtalon. Desidido na ako, wala ng makakapigil sa akin. Handa na ako para sa katapusan ko. Huminga muna ako nang malalim at bumwelo.

Isa... Dalawa... Tatlo.

Ito na—




"Psst! Miss! Huwag kang tatalon!"

"Ay! Kabayong bundat!" Nagulat ako sa biglaang pagsigaw sa akin ng isang lalaking may hawak-hawak ng teddybear na nasa ilalim ng punong ito habang nakatingala sa akin.

"Miss! Bumaba ka diyan bilis! Baka mahulog ka!"

Wala na akong nagawa kundi bumaba na lang tulad ng gusto niya.

"Anong ginagawa mo sa itaas ng puno?" Sabi niya na punong-puno ng pagtataka ang kaniyang mukha.

"Tatalon," tipid kong sagot.

"Bakit ka naman tatalon?"

"Magpapakamatay ako," walang emosyong hatid ko. Sandaling rumehistro ang pagkagulat sa kaniyang mukha, namilog ang mata at napa-awang nang bahagya ang kaniyang bibig kasabay ng pagkahulog ng dala-dala niyang teddybear sa lupa.

"Ano!? Baliw ka ba! Bakit ka magpapakamatay!?" Medyo nakaramdam ako ng pagkahilo dahil sa biglang pag-alog niya nang malakas sa mga balikat ko.

"Hindi ako baliw. Gusto ko lang talagang mamatay."

Liwanag [One-shot] Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon