Hindi pa man sumisikat ang araw ay otomatiko na akong nagising sa pagtulog. Naramdaman ko ang bigat sa aking tiyan na pagkakita ko'y mga libro pala na aking binasa kagabi.
Nagpalit ako ng damit at bumaba upang gawin ang araw-araw kong gawain.
Dahan-dahan ang aking pagbaba ng hagdan dahil ayokong basagin ang katahimikan. Binuksan ko ang malaki naming pintuan at dinama ang malamig na hangin. Lumabas ako na may dalang bayong at dumiretso sa burol malapit sa'min.
Araw-araw tuwing umaga akong umaakyat sa burol at pinapanuod ang pagsikat ng araw.
Kasama ang puntod ni ina.
Ang unti-unting pagsilip ng araw ay nagdudulot sa'kin ng kakaibang saya. Marahil ay dahil sa panibagong araw na aking haharapin at sa bagong pag-asang pinapahiwatig nito.
"Magandang umaga, ina" masiglang bati ko kahit alam kong hindi niya ako naririnig. Ito ang ginagawa kong paraan upang maging parte siya ng aking araw.
Isang oras akong nanatili bago ko napagpasyahang bumalik sa aming tahanan.
Sa paglalakad ko'y simple akong pumipitas ng mansanas sa mga abot kong puno at inilalagay sa dala kong bayong. Sa aking pag-uwi'y nadatnan ko ang aking amang nagbabasa ng libro sa hapag kainan. Isang tingin lamang ang ginawad niya sakin at bumalik ulit sa librong binabasa niya.
"Magandang umaga po, ama"
Isang tango ang binigay niya saka nagsalita.
"Nanggaling ka nanaman sa burol, anak?"
Ngumiti lamang ako.
Napabuntong hininga siya't tinanggal ang salamin. Parehas kaming tumitig sa bintana tanaw ang araw.
"Victoria, hindi siya kailanman nawala dahil lagi siyang nasa puso natin."
Pinigilan ko ang namumuo kong luha at ngumiti na lamang. Kinuha ko ang bayong at pinakita ang dala kong mansanas. Sabay naming kinain ang luto niyang hindi niya pa ginagalaw dahil sa paghintay sakin.
Nagwawalis ako sa hagdan nang may kumatok sa aming pinto. Dali-dali akong tumungo doon at tumambad saking harapan ang isang lalaki na sa tingin ko'y ka-edad lang ng aking ama.
Madalas na pumupunta ang mga propesor at mga doktor galing sa kabilang nayon dito sa amin dahil kay ama. Kilala siya dahil bukod sa pinag-aaralan niya ang mga halamang gamot at mga hayop ay ipinagbebenta niya rin ang mga ito.Namumukhaan ko kaagad ang mga taong madalas na bumibili sa kaniya ngunit ang isang 'to ay hindi pamilyar at siguradong ngayon ko lang nakita.
"Ikaw marahil ang anak ni Favian . Nasaan ang iyong ama, binibini?"
Magalang niyang tanong at binaba ang sombrero.
Sa pag-aakalang isa lamang siya sa mga bagong kostumer ni ama, inihatid ko siya sa silid kung saan ito nagta-trabaho.
Nadatnan ko ang aking ama na pinag-aaralan ang isang halamang gamot. Nang maramdaman ang aming presensiya'y tumingala ito.
"May bisita ho ka-"
hindi natapos ang aking sasabihin nang malaglag niya ang hawak niyang lente at nanlalaking matang lumapit sa lalaking bisita niya.
Kita ang gulat at saya sa kanyang mukha nang makilatis kung sino ang lalaking iyon.
"Hugo, ikaw ba iyan?"
"Ako nga kaibigan. Nabalitaan ko ang pagpanaw ng iyong asawa limang buwan na ang nakakaraan kung kaya't napagpasyahan kong pumarito. Pasensiya na't labing-walong taon akong hindi nagpakita sa'yo."
"Ako'y natutuwa sa ating muling pagkikita, Hugo. Maraming salamat at naisipan mong dumalaw kahit na mahirap para sa iyo ang pumunta rito."
Ramdam ko ang saya ni ama. Dahil sa kanilang pag-uusap ay nagkaroon ako ng konklusiyon na ang lalaking ito ay ang matalik na kaibigan ni ama. Napatitig ako dito. Naalala ko na tulad niya, isa rin itong eksperto sa mga halaman at hayop. Madalas niya itong ikwento sa'kin dati.
"Ito nga pala ang aking anak, si Victoria."
Yumuko ako bilang paggalang.
"Ikinagagalak ko pong makilala kayo senyor."
Ngumiti at tumango siya sa'kin.
"kamukhang-kamukha niya si Natalia." tumitig siya sa'kin na para bang may malalim na iniisip. Bumalik ang kaniyang tingin sa aking ama.
"Favian, may mahalaga akong sasabihin sa'yo. Isa pang dahilan kung bakit ako naparito."
Alam kong hudyat iyon upang ako'y lumisan na sa silid.
"Maiwan ko muna po kayo."
Nagpasalamat siyang muli at dumiretso na ako sa bahay-patubuan upang magdilig.
Habang ako'y nagdidilig, may tumamang maliit na buto sa aking leeg. Hindi ko man lingunin ay alam ko na kung sino ang may gawa non.
"Hay nako, paano ka nanaman kaya ulit nakapasok?" Sabi ko na parang kumakausap sa hangin.
Lumabas naman agad ang matalik kong kaibigan na nagtatago sa halamanan. Oo, masasabi kong eksperto ito sa pag-akyat bahay.
"Syempre ako pa!" tatawa-tawa pang sambit ng matalik kong kaibigan mula pagkabata na si Sierra.
"Ano ba iyan, Sierra. Hindi 'yan kaibig-ibig na kilos lalo para sa isang dalaga. Ganyan ba ang pagpapalaki sa iyo o sadyang sutil ka lamang?" Lintanya ko habang nakapamaywang na kunwari'y isang matanda na pinagsasabihan siya.
"Para naman hong magugunaw na ang mundo niyo, donya. At wala ho kayong magagawa kung ginawa ko 'yon pagka't tapos na."
Napahalakhak ako sa sinabi niya.
"Sige, sabihin mo 'yan sa susunod kay Donya Clarita kapag nahuli ka niya ulit ha." Sabi ko habang tumatango-tango at pinanlalakihan siya ng mata.
Napanguso siya habang pinapaypayan ang sarili.
"Hmp. Baka masampal pa non ang bibig ko 'no."
Natawa nalang ako sa reaksyon niya. Malapit lang kasi ang mansion ng mga Tenero dito sa aming bahay. Si Donya Clarita Tenero ay ang may bahay ng isang kilalang negosyante dito sa San diego. Minsan na nitong nahuli si Sierra na umaakyat sa bakod kaya pinagalitan niya ito at kinuwento pa ang tagpong iyon sa ibang tao na siyang kina-inis ng aking kaibigan.
Lumiwanag bigla ang kanyang ekspresyion nang may maalala. Kumapit siya sa kanang braso ko at tumalon-talon.
"Samahan mo ako sa sapa! Alam mo bang may nakita akong magandang bulaklak? Paramihin natin!"
Sabik niyang saad. Sumang-ayon nalang ako dahil gusto ko ring mamasyal ngayon.
"Sige, magpapaalam muna ako kay ama."
Nadatnan ko si ama at Senyor Hugo na masinsinang nag-uusap. May hawak na papel si ama at nakakunot ang noo nito. Kumatok ako sa pinto na nakabukas at nakuha ko naman ang kanilang atensiyon.
"Paumanhin po, magpapaalam lang po ako ama. Mamamasyal po kami ni Sierra ngayon at dadalhin ko si Sebastian."
"Sige anak, mag-iingat kayo."
"Opo, ama."
Ngumiti ako sa kanila at umalis. Hindi ko mawari kung ano bang pinag-uusapan nila. May kutob akong hindi ito maganda dahil sa kanyang ekpresyon kanina. Tatanungin ko na lamang siya mamaya.
Dumiretso ako sa kuwadra para kunin ang kabayo kong si Sebastian.
Nadatnan ko sa doon si Sierra na kumakain ng mansanas habang tuwang-tuwang pinapakain din ang ilang kuneho na nakakulong. Mukhang kinuha niya ang mansanas sa hapag namin dahil wala namang malapit na puno ng mansanas dito.Ang babaeng ito talaga.
Kumapit siya sa'king braso nang makita ako.
"Hindi na ako makapaghintay na mapakita sayo ang kakaibang bulaklak na iyon!" sabi niya habang ngumunguya.
"Nauusisa na ako sa bulaklak na 'yan. Kung ano ba ito para maging ganyan ka kasabik."
***************
BINABASA MO ANG
Victoria's journey
FantasyKailan ma'y hindi pa nakakalabas si Victoria sa bayang kinalakihan nito. Lumaki siyang kasama ang kanyang ina at ama na mga eksperto sa halaman at hayop. Payak at maayos ang kanilang pamumuhay hanggang sa mamatay ang kaniyang ina at nawala ng parang...