Mangha kong pinagmasdan ang halamang nasa aming harapan. Ngayon lamang ako nakakita ng ganito kagandang halaman. Kasing-laki ito ng rosas ngunit kulay dilaw. May anim na talulot ito na sobrang malambot kung hahawakan.
Sabik na napatili ang aking kaibigan at niyugyog ang aking balikat.
"Ang ganda hindi ba? Ang ganda!"
Napatango ako.
"Ngayon lamang ako nakakita ng ganito kagandang bulaklak."
Tumingin sa'kin si Sierra na may pagmamalaki.
"Napakatalas talaga ng maganda kong mata kaya't magaganda din ang napupuna." Puri niya sa sarili.
Pinaikot ko ang aking mata at sabay kaming tumawa. Ang pagbubuhat niya ng sariling bangko ang isa sa kinatutuwa ko sa kaniya.
Binungkal namin ang lupa at inilipat ang halaman sa paso. Dadalhin namin ito sa aming bahay-patubuan at pararamihin.
Masaya kaming nagkwentuhan ng kung ano-ano habang pauwi sakay ng aming mga kabayo.
"Oo nga pala, uuwi si ama at Lorenzo bukas. Magkakaroon kami ng munting salo-salo para sa kaarawan ni Lorenzo. Pumunta ka ha, matutuwa 'yon." humagikhik siya sa tinuran, napasimangot ako.
"Matutuwang awayin ako?"
Si Lorenzo ay ang nakatatandang kapatid ni Sierra. Tatlong taon ang tanda nito sa'min. Nag-aaral ito sa isang sikat na paaralan sa sentro. Madalas ako nitong inaaway noong bata pa kami kaya't ilag ako sa kanya.
"Hmp, edi para sa'kin nalang pumunta ka. May kasama siyang mga kaibigan, siguradong maraming makikisig na binata doon hahaha!"
Maloko siyang tumungin sa'kin at nagtaas baba pa ng kilay.
Napailing nalang ako. Anong bago sa isang Sierra?
"Magugulat 'yon dahil limang taon nang huli kayong nagkita. Bakit naman kasi hindi kasi kayo lumuluwas."
"Alam mo naman ang trabaho ni ama."
Napayuko ako. Mula pagkabata ay hindi pa ako nakakapunta sa ibang lugar o kahit makaluwas man lang sa sentro. Umaasa lang ako lagi sa mga librong nababasa at sa mga kwento ni Sierra kapag lumuluwas sila. Tuwing nagtatanong ako sa aking mga magulang, sinasabi nilang luluwas din kami at ipapakita nila sakin ang tunay na mundo sa tamang oras, hanggang sa magkasakit si ina...
"Alam mo ba, nais ko na rin sanang mag-aral sa Sentro. Balak ko sanang sumama kay Lorenzo pagbalik niya. Ikaw, magpaalam ka rin sa iyong ama para magkasama tayo. Mag-aral tayo."
"Gusto ko rin sana ngunit kailangan kong samahan ang aking ama dito. Malungkot 'yon."
Napabuntong hininga siya. Nginitian ko nalang siya, sinasabing ayos lang.
"Kwentuhan mo ako pag balik mo ha"
Malungkot siyang tumingin sa'kin.
"Kailangan mo ring maranasan ang buhay sa labas ng maliit na nayong ito. Malaki na tayo, Victoria."
"Ano ka ba, siyempre darating din ako diyan. Hindi pa nga lang sa ngayon."
Natatawa ko siyang hinampas ng mahina para pagaanin ang pag-uusap namin.
"Sayang talaga Victoria, matalino ka pa naman. Kung luluwas ka, kailangan kasama mo ako ha. Pagkakaguluhan ka ng mga lalaki don."
Tumawa siya ng malakas ng sariling tinuran. Napakunot ang aking noo.
"Bakit naman?"
"Basta"
Nang makarating kami sa bahay, inilipat namin ang halaman sa hardin ng mga bulaklak.
BINABASA MO ANG
Victoria's journey
FantasyKailan ma'y hindi pa nakakalabas si Victoria sa bayang kinalakihan nito. Lumaki siyang kasama ang kanyang ina at ama na mga eksperto sa halaman at hayop. Payak at maayos ang kanilang pamumuhay hanggang sa mamatay ang kaniyang ina at nawala ng parang...