***"Gising na ba? Hindi na ba gigising yan?" ang sabi ng isang boses na galing yata sa isang babae.
"Sigurado akong nasalo ko siya bago siya tumama dun sa may lupa eh." ang sabi naman ng boses na galing yata sa isa namang lalaki. Maririnig yung pagkamot niya sa batok niya.
Dahan-dahan kong iminulat yung mata ko. Isinarado ko din agad dahil sa matinding sikat ng ilaw. Nung sinubukan ko ulit na imulat, nakita ko ang dalawang mukha. Isa sa babae at isa sa lalaki na parehong nakatingin sa akin.
Napabangon ako agad mula sa pagkakahiga at agad namang umiwas yung dalawa bago pa man mag-untog ang mga ulo namin. Yung bangon na hindi nakatayo pero bangon na nakaupo.
Napatingin ulit ako sa kanila. Yung mata ko na puno ng pagtataka ay tila ba mga CCTV camera na pinagmamasdan silang dalawa.
"Oh, gising ka na pala." ang bungad nung babae. Mukhang hindi siya masaya sa nakita niya kasi nakakunot yung noo niya.
"Diba, sabi ko naman sayo nasalo ko siya?" ang may ngiting sabi nung lalaki sa babae. Lumingon siya dito at tumingin ulit sa akin.
Para pa rin akong tanga na nakatingin sa kanilang dalawa. Hindi ko alam ang nangyayari. Sa pagkakatanda ko ay dapat.... patay na ako? Naalala ko yung paghulog ko mula sa veranda, nahulog ako ng parang nalaglag ako sa kawalan. Naalala ko yung mabagal na paghulog na para bang huminto ang oras. Naalala ko ang pag-flash ng mga ala-ala ng buhay ko sa paningin ko na para bang naka-fast forward na times 16, yung isang bagay na sinasabi nilang nangyayari pag ikaw ay malapit ng mamatay.
Pero buhay ako. At sa harap ko ngayon ay dalawang taong hindi ko naman kilala.
Sinubukan ko na ibuka ang bibig ko. "S-sino kayo?" ang pautal na tanong ko sa kanilang dalawa.
Tumingin sila sa isa-t isa at tila ba nakabuo sila ng mahinang kasunduan sa tinginan nila.
Naunang humarap sa akin yung lalaki. Yung buhok niya ay naka undercut na para bang... fucc boi? Tapos yung porma niya ay isang fit na itim na sando at may suot na kulay-abong jacket. Yung pang-ibaba niya ay kulay abo din na sweat pants tapos kulay itim sneakers na Converse ang sapatos. Isang typical fucc boi starter pack pero hindi ako manghu-husga, sa ngayon.
Ngumiti siya sa akin at binungad ako ng dalawang dimples niya. "Okay ka lang?" ang tanong niya sa akin habang nakangiti pa rin.
"Sino ka? Nasan ako?" ang tanong ko sa kanya. Puno pa rin ako ng pagtataka sa mga nangyari.... nangyayari... at mga maaring mangyari sa akin.
Sa pagkakataon na 'to, lumingon na din sa direksyon ko yung babae at nakakunot pa rin yung noo niya. Hindi ko masasabing nakakatakot o nakakairita yung ginagawa niya. Sa totoo lang ay maganda siyang tignan lalo na sa suot niyang kulay pink na t-shirt na may pocket sa bandang kanan at may pusang may nakakalokong ngiti sa itaas nito. Ang pang-ibaba naman niya ay fit na pantalon na maong at naka sneakers ding Converse na kulay peach at ang pinaka-kakaiba sa lahat ay ang bob-cut niya na may kulay abo na streak malapit sa tenga.
Bumuntong hininga siya, umirap at tumingin sa akin ng diretso. "Ako si Jia, siya si Jansen. Nandito kaming dalawa para sunduin ka." ang diretsong sabi nung babae.
Napatingin ako kaagad doon sa lalaki. Jansen?
Napili ko nalang na palagpasin. Coincidence lang siguro. Hindi sinasadya. Ilang tao ba ang may pangalang Jansen sa mundo, sa Pilipinas? Coincidence lang.
BINABASA MO ANG
Donnie Demakita: Ang Mata ng Bukas
FantasyA fantasy/adventure series starring Donnie Demakita, a 16 year old boy and his journey on finding out the truth about the outbreak of aswangs and other Filipino otherworldly creatures.