Kung Kailan Huli Na

309 4 8
  • Dedicated kay Marie Joy " Mayeth" Nabiong
                                    

Kung bakit kasi laging ganito: na kung kailan kailangan mo ng tulong siya namang ramot ng pagkakataon, at kung kailan di mo kailangan siya namang buhos ng biyaya. 

Seguro nga sadyang malas lang niya. Sa panahong siya ay may sakit, at nangangailangan ng doktor para matignan ang kanyang kalusugang unti unting ginigiba ng virus, wala ni isa mang gusto siyang tulungan. Sabihin na nating naging manhid ang mga taong dapat sanay mulat sa nangyayari. Naging bingi, bulag at pipi ang bawat isa na dapat sana ay nakatulong sa kanya. 

Mahirap ang kanyang pinagdaanan. Alam ko na kung ako yun, di ko kakayanin. Ang sakit na nararamdaman, ang hapdi sa kaluluwa lalo na't alam mong may pwede namang tumulong. Dangan nga lamang, dala ng kamangmangan marahil....

Di ko na kaya, Nay! Ang hiyaw niya palagi.

Di ako makatulog sa tuwing siya ay sinusumpong ng kirot. Nagsusuka, walang ganang kumain...bugnutin. 

Sino nga naman ang mapapanatag kung ikaw ay may limang bukol sa ulo, at isang malaking bukol sa may bandang leeg?  At ang bawat isa nito ay makirot o mahapdi...

Sabi ng doktor, pigsa lang yan. I-drain nyo lang....

Inom ng antibiotic. Vitamins. Etc.

Hanggang sa napansin na lang na hirap na siyang huminga.

Naniniwala ang aking ina na siya ay kinukulam. Dangan kasi mayroong isang babae siyang nakaaway at sinabi na siya ay kukulamin. Nung isang taon yon. Bago mangyari ang biglaang pagbabago sa kanyang kalusugan. 

Nung hapon na dadalhin na namin sa siya sa doktor.  Di siya sumagot. Marahil lito na ang isip niya. Nagiba na ng virus pati utak niya. 

Di ako makakita, Nay...madilim.

Nagsimula na siyang umihi sa saluwal. Naisip ko ito na to. Katapusan na 'ata ng kapatid ko. 

Sa madaling sabi di sya nadala sa doktor. Albularyo ang kailangan niya sabi ng nanay ko. Nag dadalawang isip tuloy kami. Hanggang sa gumabi na.

Ayaw niyang kumain. Sayang lang daw ang pagkain....isusuka lang daw niya.

Alas onse ng gabi. Tulog na ako nun... nagkakagulo na sa bahay. Sinusumpong na naman siya. Init na init raw siya kaya siya naghubad ng damit...Binihisan siya habang siya ay hirap nang huminga. Di na raw niya kaya... hanggang sa ilabas ng bahay at dalahin sa ospital.

Subalit...

Sa daan pa lang, humihinga na siya sa bibig. Sige lang ng pisil ng pinsan ko sa palad at  braso niya para daw magcirculate ang oxygen sa katawan... hanggang sa nalagutan na siya ng hininga.

Di ko alam ang gagawin. Di ko alam ang sasabihin. Gusto kong umiyak. Wala man lang luha sa aking mga mata. Nakita kong lumuha siya matapos niyang malagutan ng hininga.

Gusto kong sumigaw. Magmura. Magwala. 

Ano, isusugod pa rin ba natin siya sa hospital? Magbabayad pa kayo ng malaki. Diretso na lang natin sa punerarya. Sabi ng kasama namin. 

Hindi tayo ang pwedeng mag-confirm na wala na nga siya...sagot ko.

Kaya isinugod pa rin namin sa hospital kahit DOA na... para ma- confirm ng doktor na wala na nga siya talaga. 

Masakit pala na mawalan ng kapatid. At doble ang sakit lalo na't alam mo na may  pagkukulang ka. May di ka nagawa para sa kanya. Sana ginawa ko ang ganito...at ganoon...para siya madala sa hospital ng siya ay buhay pa. Sana binigyan ko siya ng panahon...kahit ako ay busy. Sana nagawa ko ang mga dapat kong gawin para nailigtas pa siya.

Buhos ang tulong sa kanyang lamay at libing. Pakikiramay ay nadama ng pamilya mula sa mga kamag-anak, katrabaho, kaibigan at iba pang tao na naging bahagi ng aming buhay lalo na ng kapatid ko.

Naisip ko tuloy na ang buhay natin ay ganoon na lang. Kapag napabayaan...kamatayaan ang nakalaan.

Patawad kapatid ko....sa aking pagkukulang sa iyo. Sana ay malaman mo kung gaano kami nasaktan sa pagkawala mo. Di na buo ang pakiramdam ko sa sarili ko sapagkat ang mahalagang bahagi -ikaw yon kapatid ko- ay wala na.

Nawala ka man, subalit ang sakit sa puso ko kailan man ay di mawawala. Ang iyong alaala ay lagi kong  kasama sa tuwi- tuwina. Tatanggapin ko ang parusa ng Dios sa aking pagkukulang. At sana, saan ka man naroroon ngayon...mapatawad mo ako, kaming lahat na napabayaan ka sa iyong paghihirap. 

Kung maibabalik lang sana ang kahapon...at kung bakit ang pagsisisi, ay laging nasa-- huli AT...kung kailan ...WAKAS. 

Kuwento Mo, Kwento Ko, Kwento Nating LahatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon