Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya. Inilibot niya ang paningin sa loob ng kanyang opisina. She has a spacious workplace. Maganda ang pagkakadesinyo nun. Malamig sa mata at pormal tingnan ang dingding na nilagyan ng sky blue na wallpaper. Ang mesa na yari sa narra ang nagsisilbing working table niya. Sa isang sulok ay may pinakareceiving area na mayroong couch at lameseta para sa sinumang bisita.
Pinaikot niya ang upuan para humarap sa glass window ng opisina. Makikita mula sa kanyang kinatatayuan ang nagtataasang gusali sa siyudad. Karamihan sa mga buildings na iyon ay gawa ng kompanya na pag-aari ng mga magulang.
Walang araw na hindi siya abala mula nang tanggapin niya ang alok na Papa niya na magtrabaho sa kompanya nila. Nang nagdaang gabi ay tatlong kontrata ang ginawa niya para sa mga bagong kliyente nila at dalawang kontrata naman ang nireview niya.
“Don’t you ever get tired?” anang baritonong boses mula sa likuran niya. Pagpihit niya ay prenteng nakaupo sa couch si Jayr. Kababata at matalik na kaibigan niya ito. Ito ang head ng production ng Continuum, isang kilalang International Engineering Firm na may satellite office sa Pilipinas. Kahit na dalawang bloke ang layo ng building na pinagtratrabahuan nito ay hindi pa rin ito nawawalan ng oras na bisitahin siya simula nang maging Company lawyer siya ng Architectural firm nila five months ago.
Hindi niya namalayan ang pagpasok nito sa opisina niya.
“I do. Ano na naman ang masamang hangin na nagdala sa ‘yo dito?” nagtaka pa siya. Halos tatlong beses sa isang linggo niya ito panauhin sa opisina niya.
"Tambak na naman ang trabaho mo,"komento nito nang mapuna ang pile ng folder sa mesa.
"Natapos ko na ang mga iyan. Engineer Lim ano ang sadya mo sa 'kin?"
Inginuso nito ang supot na nakapatong sa mesa sa harap nito. “I cooked this morning."balewalang sagot nito. Pinagtaasan niya ito ng kilay. Nagdadala ito ng pagkain sa opisina niya pero hindi ito ang nagluto. Ano naman kaya ang naisipan nito at nagawa nitong maghanda ng sariling pagkain.
"Bago ka mag-isip ng kung anuano, sinubukan ko lang lutuin ang dalawang putahe na paborito mo, Afritada at adobo,”defensive na paliwanag nito na parang
Napailing nalang siya.
"Don't pretend that you don't like it. Pinaglaanan ko ng panahon iyan at nung isang linggo mo pa gustong kumain niyan."
Spoiled siya dito. Kung hindi lang siguro nito alam na patay na patay siya sa Kuya nito ay iisipin niyang siya ang dahilan kung bakit hindi pa ito nagkakanobya.
Excited na lumapit siya dito. Para siyang bata na nabilhan ng bagong laruan. Ito na ang naglabas ng pagkain na dala. Sa amoy pa lang ng dala nitong pagkain ay sigurado siyang mabubusog talaga siya. Ilang sandali pa ay nagsasalo na sila sa isang masarap na tanghalian.
“Hmm…Sarap…Kuhang-kuha mo ang timplang gusto ko,” sabi niya sa pagitan ng pagnguya. Sunud-sunod ang subo niya samantalang ito ay panaka-nakang tumitingin sa kanya.
“May dumi na naman ako?”bigla siyang naconscious.
"Wala. Parang isang taon kang hindi pinakain eh,"kantiyaw nito sa kanya. Hindi niya nakontra ang sinabi nito dahil puno pa ang bibig niya.
Inirapan niya lang ito at nagpatuloy sa pagkain.
“Dahil sa pagiging workaholic mo, kailangan mo nang tagahatid ng pagkain. Baka kasi hindi pa natatapos ang isang taon mo dito ay buto’t balat ka na.”
“OA lang. Give me one year to adjust.”Inisang lagok niya ang dala nitong lemon juice. Kumuha siya ng table napkin sa supot na pinaglagyan nito ng pagkain. Pinunasan niya ang paligid ng bibig. Pagkatapos ay ito naman ang inabot niya para punasan.