Nagtatakang pinanood ni Socorro "Coco" Magaspac ang lalaking patakbong umaalis ng talon.
Paahon na siya nang maramdaman niyang parang may nakatingin sa kanya kaya lumingon siya at nahuli niya nga ito na matamang nakatitig sa kanya na parang hindi makapaniwala. Sapo pa nito ang dibdib sa tapat ng puso.
Iniisip na niyang nabighani ito sa ganda niya nang bigla itong natauhan at nagtatakbo.
"Ano problema n'un?" kunot-noong sabi ni Coco. Kung makatakbo ang estranghero, aakalain ng makakakita na maligno ang nakita nito at hindi siya. Nainis tuloy siya. "Haller, ang ganda ko namang malign," ismid niya.
Itinuloy na niya ang pagtutuyo ng sarili at dahil wala namang comfort room doon kung saan siya puwedeng magpalit, ipinatong lang niya ang maluwag na t-shirt sa sarili. Inipit lang niya ang shok-shok ang basang buhok, saka binitbit ang maliit na knapsack na tanging dala niya nang magtungo roon.
Nakagawian na niyang magtungo sa falls na iyon sa hapon pagkatapos ng kanyang trabaho at bago umuwi sa bahay niya. Walang masyadong tao kapag ganoong oras kaya mas gusto niya.
Pagkagaling sa falls, sumakay siya sa kanyang scooter at nagtungo naman sa paborito niyang kapehan.
Iyon ang advantage sa maliit nilang isla, ilang minuto lang na biyahe at mararating niya na ang gusto niyang puntahan. Sa liit ng buong Siquijor, maiiikot ang palibot nito sa loob lang ng humigit-kumulang isang oras. At maganda ang paligid, malinis ang hangin hindi gaya sa Maynila, kung saan siya lumaki at namuhay nang ilang taon.
Pagdating sa maliit na coffee shop, nag-park lang si Coco ng motor sa harap niyon at pumasok na. Napakunot siya nang makitang agad hinawi ni Bruce ang tauhan nitong nakatao sa kaha pagkakita sa kanya.
"Hi, baby," bati nito.
Nakataas ang kilay na pinagmasdan niya ang lalaki. Nakangisi pa ito sa kanya, with matching pa-cute ng mga mata. Dahil masyadong malaki at matigas ang katawan nito at halos ganun din katigas ang mukha, hindi bagay sa lalaki ang pagpapa-cute. Parang young version ni Max Alvarado na nagpapa-charming. Ganoon.
Ito ang mismong may-ari ng isa sa pinakabago at pinakahindi-crowded na cafe sa lugar nilang iyon sa San Juan, Siquijor. At madalas, palakad-lakad lang ito roon o kaya ay sa opisina lang nananatili. Puwera na lang kapag nandoon siya. Pagkaganoon, pupuwesto ito sa harap niya, bitbit ang sandamukal nitong kakornihan.
Wala sanang problema kung corny lang ito; ang nakakainis ay iyong angas nito iyong sobra-sobrang bilib sa quote-unquote kaguwapuhan nito—na kung siya ay tatanungin ay kwestiyunable pa nga ang existence.
Kung di ba naman bastos, basta na lang hinawi iyong cashier para lang makapagpa-cute sa kanya!
"So would you like some coffee, tea... or me?"
"Coffee. Definitely coffee," mabilis niyang sagot sabay tingala sa menu na nakasulat sa itaas ng counter. "Venti caramel macchiato, to go."
Nabura ang ngiti ni Bruce at naglungkot-lungkutan. "Coco naman..."
"I'm sorry. Medyo giniginaw na ako kaya puwedeng pakidalian?" Pinalambot niya nang kaunti ang boses, pambawi sa kasungitan.
Bumuntong-hininga ang lalaki at tinawag ang dalawa sa mga tauhan nito para ayusin na ang order niya. Nagpapalit na rin ito bilang cashier at isang babae na ang kumuha ng kanyang bayad. Medyo nakonsyensya naman siya.
Inaamin niyang medyo suplada siya pero hindi naman masama ang ugali niya. Kung hindi siguro siya nainis kanina sa talon noong magtatakbo iyong guwapo—yes, napansin niya iyon—na lalaki, baka nakaya naman niyang paalpasin na lang ang kakornihan nitong si Bruce. Medyo sanay na rin naman kasi siya roon. Kasalanan talaga ng walanghiyang sinuman iyon ang sirang mood niya.
BINABASA MO ANG
Under Her Spell (published By Bookware MSV)
Romance* published by Bookware, under MSV Desire. ** Raw, unedited Nagtungo si Warren Benitez sa Siquijor para hanapin at pakiusapan ang dati niyang kaklase na bawiin nito ang sumpa na walang babaeng magmamahal sa kanya nang totoo at hindi siya magiging m...