Palubog na naman ang araw pero nasa dagat pa din kami. Isa ito sa mga araw na ayokong dumadating, ang araw ng paglalakbay. Dahil ilang araw akong dapat nasa kwarto lang. Wala akong kalayaan dahil sa karagatan na nakapaligid sa amin.
Humugot ako ng hininga habang nakatingin sa madilim na karagatan. Habang nakatingin sa malalaking alon, hindi ko maiwasang matakot sa mga kwento ng aking ama sa akin tungkol sa mga halimaw ng dagat. Hindi pa ako nakakakita nito ngunit base sa aking ama ito ay doble ng laki o higit pa ng barkong sinasakyan ko.
"Lia, alam kong gutom ka na kaya dinalhan kita ng pagkain." sabi ni Yoh. Hindi ko namalayan na nakapasok na pala sya sa aking silid. Isa ito sa aking mandirigma. May angking kakayahan sya pagdating sa pakikipaglaban gamit ang espada.
"Malapit na ba tayong dumaong sa pantalan?" tanong ko sa kanya.
"Ilang oras na lang at dadaong na tayo kaya kumain ka na at maghanda para mamaya." tugon nya sakin. Sya ang pinaka mapagkakatiwalaan ko sa lahat ng mandirigma. Sya din ang pinaka unang kong naging kaibigan sa kanila, bukod kay Talina, sa kabila ng kanyang pagka suplado.
"Kung gayon ay lalabas na ako para magbantay." tugon nya
Tiningnan ko sya hanggang makalabas sya. Pakiramdam ko ay may mali sa kanyang kinikilos. Parang may problema sya dahil di sya makatingin ng diretso sa aking mga mata.
Maya maya lamang ay tinawag na ako ng kapitan na nag mamaniobra ng barko, si kapitan Drago. Nakarating na kami sa pantalan ng Syudad ng mga Anghel kung tawagin nila.
Isa isa kaming bumaba upang hanapin ang aming pakay, ang puting bula. Hindi ito isang ordinaryong bula dahil dito inilalagay ang alaala ng sinumang naisin mo. Hindi rin ito pumuputok kahit anong gawin. Sa pamamagitan nito naililipat ng may hawak nito ang kanyang alaala sa bula at pagkatapos ay mawawala sa isip ng taong iyon ang alaala na inilagay nya. Isa lamang ito sa kapangyarihan ng bula. Marami itong kakayahan ngunit tanging ang may kakayahan lamang na espiritwal ang makakagamit ng bagay na ito.
Ang dahilan ng paghahanap namin nito ay dahil sa aking matalik na kaibigan at kababata na si Talina, isa rin ito sa aking mandirigma na may kakayahang makakita ng hinaharap. Isa ito sa kagamitan na kailangan nya para mapalakas ang kanyang kapangyarihan.
"Ayon sa impormasyong nakalap ko, sa kweba sa kabila ng bundok na iyon natin makikita ang puting bula" saad ni Talina, sabay turo sa bundok sa harap namin.
"Paano tayo makakarating don kung gayon?" tanong ni Leyon.
"May inihandang mga kabayo ang mayor para sa atin. May mga daanan naman para sa mga kabayo ang bundok na iyon. Aabutin ng isang araw bago tayo makarating sa kabila kaya mabuti pang umalis na tayo." sagot ni Yoh. Tumingin ito sakin at pagkatapos ay tumalikod na para pumunta sa pinuno ng bayan na iyon.
Sumunod kami sa kanya dahil mas kabisado nya ang lugar na ito. Ito ang pinagmulan nyang bayan bago sya matagpuan ng mga kawal ng hari. At sa pagkakaalam ko ay may naiwan sya ditong pamilya. Sabi nya ay dadaan muna sya doon bago kami maglakbay.
Nakarating kami sa isang magarbong tahanan. Kumpara sa kabahayan dito na maliit at simple lamang, agaw pansin ang tahanan ng mayor dito. May mga bantay din sa labas na masuri kaming tinitingnan. Binabantayan ang kilos namin na parang may masama kaming pakay.
"Nais naming makita si Ginoong Saavedra. Kami ang manlalakbay na ipinadala ng Hari sa Norte." saad ni Yoh. Matapang lamang syang tiningnan ng tagapagbantay at sinuri kaming nasa likod nya.
"Ano ang katunayan na kayo nga ang manlalakbay?" mahinahon ngunit may diin na saad ng isa pang tagapagbantay. Kumpara sa kasama nya mas mukhang mabait ang isang 'to.
Pinakita ni Yoh ang kasulatan na pinadala ng Hari sa kanya. Binasa ito sandali ng isang tagapagbantay at pagkatapos ay naglabas ito ng apoy sa kanyang kamay at sinunog ang kasulatan.
Nanlaki ang mata ko sa ginawa nyo ngunit mahinahon lamang ang mga kasama ko. Nagtataka lamang sila sa ginawa ng tagabantay kaya tiningnan nila ito ng kuryoso.
"Marami na ang naglipanang manggagantso sa ngayon, sinisiguro ko lamang na hindi ito basta gawa gawa lang." saad ng mas mukhang mahinahon na gwardya.
"Sa paanong paraan mo nakita kung totoo nga ang kasulatan na iyon o hindi?" tanong ko sa gwardya. Napangiti ang gwardya sa tanong ko at tumingin sa akin.
"Kapag ito ay nagkulay asul habang sinusunog, ibig sabihin ito ay nagmula sa masama samantalang pag normal na nasunog ito ibig sabihin ay totoo ang sinasabi ninyo." saad nya sa amin.
"Isa lamang ito sa aking kakayahan bilang gwardya ng mayor." nakangiti nyang saad ngunit seryoso pa din ang kasama nyang gwardya.
"Kung gayon, papasukin nyo na kami. Mahaba pa lalakbayin namin ng aking mga kasama." saad ni Leyon. Mainipin pa naman ang taong ito, ayaw nya ng paligoy ligoy pa. Iyan din ang dahilan kung bakit di sila magkasundo ng aking ikatlong mandirigma.
"Nakarating na pala ang aking mga bisita. Falcon! Cicero! Ano pang ginagawa nyo? Papasukin nyo ang aking mga bisita mula sa Norte!" sigaw ng Mayor. Nasa katandaan na rin ito ngunit matikas pa rin ang tindig. Naalala ko ang lolo ko sa kanyang mahabang puting balbas na lagi kong hinihila nung bata pa ako.
Nginitian kami nito at inanyayahan upang mananghalian sa hapag. Mananatili kami dito at ipagpapatuloy ang aming paglalakbay sa susunod na tatlong araw. Kailangan naming mag ipon ng lakas na nagamit namin sa aming dalawang linggong paglalakbay mula sa Norte.
Hindi namin alam ang nakaambang panganib o kung mayroon nga bang panganib na nakaabang sa amin sa bundok ng mga ulap. Ayon sa kwento ng nadaanan naming matanda, may nagbabantay daw doon na isang diwata na galit sa mga tao, lalo na sa mga lalaki. Kakaiba man ngunit mabuti na ang sigurado.
"Mukhang napagod nga kayo sa inyong paglalakbay kaya't mamaya na lamang tayo mag usap mga ginoo at binibining Mahalia. Sana mamaya ay masigla ka na at nang makita ko naman ang angking ganda ng mga babae sa Norte." ngiting pahayag ng Mayor. Iniwan na kami nito sa hapag pagkatapos magpaalam dahil marami pa daw itong kailangang gawin.
"Nais mo bang magpahinga muna Lia?" tanong sakin ni Yoh.
"Magpapahinga ka na rin ba?" tanong ko sa kanya.
"Meron akong importanteng pupuntahan." sagot nya.
"Samahan na kita!" masiglang sigaw ni Leyon. Ang dali talagang magbago ng ugali nito. Kanina lang mainipin tapos ngayon masigla na ulit sya.
"Hindi maaari. Nais kong lakarin ito mag isa. Magpahinga na lamang kayo." pinal na sagot ni Yoh.
Wala na kong nagawa kundi sumunod. Hinatid muna namin ang aming gamit sa silid na binigay samin ng Mayor bago umalis si Yoh. Pumikit ako sandali upang magpahinga ngunit imbes na makatulog ay naalala ko kung paano nagsimula lahat ng ito.
Kung paanong ang tahimik naming buhay ng aking lolo ay nawala na parang bula nang kinuha ako ng palasyo. Hindi ko alam kung paano ako naging itinakdang sagisag ng Norte. O kung paano nila nalaman na ako nga ang sagisag na sinasabi nila. May parte sa akin ang nagsisisi ngunit labis din akong natutuwa dahil dito ko nakilala ang aking mga mandirigma na sya rin aking matatalik na kaibigan. At..... ang taong nagpapatibok ng aking puso.
Unang kita ko pa lamang sa kanya ay hindi na ko mapakali ngunit kailangan kong isantabi ang nararamdaman ko dahil hindi ito ang nakatakda kong gawin. Mas maraming importante akong responsibilidad na kailangan gawin, na mas importante pa kaysa sa sarili ko.
Ang hindi ko alam ay iyon din pala ang pagsisisihan ko.
"Patawad, Lia."