Part 1

23.9K 386 14
                                    

"RACHEL, gumising ka na't baka mahuli ka na sa duty mo," wika ng mommy niya habang bahagya siyang niyuyugyog.

May ngiti sa mga labing nag-inat siya. Maganda ang gising niya nang araw na iyon sapagkat maganda rin ang napanaginipan niya. Si Doctor Matthew Hernandez.

"Bumangon ka na't napakabagal mong kumilos." Iyon lamang at lumabas na ito ng kanyang silid.

Ngunit hindi pa rin siya bumangon. Sa halip ay niyakap niyang muli ang pahabang unan na tila iyon ang taong pinapangarap niya. Magtutuluy-tuloy pa sana ang pagde-daydreaming niya nang maalala niyang kailangan nga pala niyang pumasok nang maaga sa ospital. Magkasabay sila ng duty ni Doctor Matthew. Tatlo ang pasyente nito sa ward kung saan siya naka-assign.

Apat na taon na siyang nagtatrabaho bilang nurse sa ospital na iyon sa kanilang lugar. Kahit maliit ang kinikita niya ay masaya siyang naglilingkod doon. Nagbalak din siyang magtrabaho sa ibang bansa ngunit hindi rin naman siya nagpupursige sa pag-a-apply.

Kung ang mga magulang niya ang masusunod ay mas gusto ng mga ito na tumigil na lamang siya sa pagtatrabaho bilang nurse. Malakas kasi ang kita ng video rental na negosyo nila at mayroon pa silang ilang commercial spaces na pinapaupahan.

Sa edad na beinte-singko ay single pa rin siya. Binigyan na siya ng go-signal ng mga magulang niya para mag-asawa dahil siya na lamang ang nahuhuli. Panganay siya sa apat na magkakapatid at ang dalawa na sumunod sa kanya ay pawang may mga pamilya na. Siya at ang bunso na lamang nila ang single.

Pagkatapos ng nakaraang dalawang pakikipag-relasyon niya na hindi nag-work out ay ayaw muna niyang sumuong sa kahit anong relasyon. Maliban na lamang siguro kung talagang mai-in love siya at makikita niya ang lalaking sa tingin niya ay karapat-dapat sa pagmamahal niya. Trabaho muna ang pinagkakaabalahan niya. Ang mga nagpapalipad-hangin ay hindi niya gaanong pinapansin. Marahil ay dahil na rin sa sobrang pagkakatuon ng pansin niya kay Matthew na crush niya. Ang bata at guwapong manggagamot na galing ng Manila.

Sa una pa lamang ay nakuha na nito ang kanyang atensiyon. Ang dating routine at boring niyang buhay na bahay-ospital lamang ay nagkaroon ng kulay. Sa tuwina ay may excitement siyang nadarama bago pumasok sa trabaho dahil alam niyang makikita niya ito.

Nang makapagbihis ng uniporme ay minasdan niya nang mabuti ang sarili sa salamin. Marami ang nagsasabi na may hitsura siya. Cute daw siya, lalo na kapag ngumingiti sapagkat lumalabas daw ang dimples sa magkabila niyang pisngi.

Naniniwala rin siya na talagang may appeal ang taglay niyang ganda dahil kahit kailan ay hindi naman siya nawawalan ng manliligaw. Iyon nga lang, talagang nagiging mapili siya at naghihintay ng lalaking mamahalin niya.

Muling sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi nang maalala ang guwapong doktor. Malakas ang palagay niyang dumating na ang pagkakataong hinihintay niya.

Inabutan niyang nag-aalmusal na ang kanyang mommy at daddy. Naupo siya at hinigop ang kapeng iniabot ng kanyang mommy. Abala naman sa pagbabasa ng diyaryo ang daddy niya.

"Dad, sasabay na ako sa inyo," aniya rito nang maibaba ang tasa ng kape at sinimulang kainin ang tinapay.

Bahagya naman nitong ibinaba ang binabasang diyaryo at napatingin sa kanya. "Bakit ang aga mo naman yatang nakagayak ngayon?" nagtatakang tanong nito. Karaniwan kasi ay nauuna ito sa kanya dahil maaga itong nag-iinspeksiyon sa mga puwestong pinapaupahan nila. Ito na rin ang nagbubukas ng video rentals nila at bandang tanghali pa pumupunta ang mommy niya para makasama itong tumao roon.

"Wala lang. Gusto ko lang makisabay sa inyo ngayon para libre sa pamasahe," biro niya sa kanyang daddy.

"O, siya, bilisan na ninyong mag-ama. May tuberong mag-aayos ng CR doon sa dulong puwesto. Isu-supervise pa iyon ng daddy mo," singit naman ng mommy niya.

This Man My EnemyTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon