Chapter 1

38.9K 598 10
                                    


NAG-ANGAT ng mukha si Agripina o Ging mula sa brochure ng mga alahas. Isa sa mga sidelines niya ang magbenta ng pahulugang alahas.

"Bakit?" tanong niya sa kaibigang si Glenda. Mukhang santa ito dahil kulut-kulot ang buhok, hugis-puso ang mukha. Pero ang katawan, pang-bold star.

"Puwedeng humingi ng favor?" malambing nitong sabi at naupo sa tabi niya, nakisilip sa brochure. "Medyo malaki—"

Hindi sigurado ni Ging kung alin ang tinutukoy nito, ang pabor na hihingin o ang brilyante sa singsing na naka-feature sa brochure.

"Ano 'yon?" Pero kahit malaking-malaki ang pabor na hihingin ni Glenda, mahihirapan siyang tanggihan ito dahil may atraso pa siya rito. Huwag nga lang siyang uutangan dahil "ina-Augusto" ang pitaka niya, sabi nga ng matatanda. Dahil talaga raw taghirap ang mga tao kapag buwan ng Agosto.

"Kailangan kong umuwi sa Cagayan," anito, nakatingin pa rin sa brochure pero halatang wala roon ang isip.

"Bakit?" Ang alam niya, dalawang taon nang hindi ito umuuwi sa Cagayan de Oro dahil itinakwil na ito ng sariling pamilya, o ito ang nagtakwil sa mga iyon—hindi siya sigurado. Tatlong taon na silang magkakilala pero parang hindi pa rin niya lubusang kilala ang kaibigan. Kadalasan ay mahiwaga ito at siya naman ang tipong hindi usisera sa personal na buhay ng mga nakapaligid sa kanya, kahit pa kasama na niya ito nang halos isang taon sa apartment.

"May sakit daw ang mama ko. Sinulatan ako ng ate ko. Hindi naman niya dineretsa pero parang malala ang lagay ni Mama. Kung puwede raw na umuwi ako, ASAP. Nakokonsiyensiya naman akong hindi pagbigyan ang ate. At saka, baka... baka nga mamatay ang mama—"

Isinara niya ang brochure at pinagmasdan ang babae. "Paano ang bakasyon mo sa Alvarossa?"

Isang buwan nang bukambibig ni Glenda ang tungkol doon. Ni hindi niya alam kung nasaan ang Alvarossa. Basta ang alam niya, isang isla iyon at may bahay roon ang current boyfriend nito.

Sumandal ito sa sofa, itinaas pa ang mga paa. "'Yon nga ang ipapakiusap ko sa 'yo. Maghihintay si Aris sa akin. Kaso, wala namang cell site doon. Wala ring linya ng telepono. Kung magtetelegrama ako, malamang, hindi rin agad makarating iyon sa kanya. Malayo kasi 'yon—"

"Ano'ng gagawin mo?" tanong niya.

"Baka puwedeng ikaw ang pumunta roon. May sulat akong ginawa para kay Aris. Hindi naman problema ang pamasahe dahil ipapasundo naman niya ako ng helicopter—"

"Bakit hindi ka na lang pumunta muna roon, 'tapos, i-explain mo sa kanya na hindi ka puwedeng magtagal doon? May helicopter naman pala siya." Naiinis si Ging na tuwing babanggitin nito ang pangalan ng boyfriend ay parang lagi nitong ine-emphasize kung gaano kayaman ang lalaki.

"Mamayang gabi na ang flight ko papunta sa Cagayan. Ayaw pumayag ni Ate na magpalipas pa ako nang ilang araw. Kaya nga malakas ang kutob kong hindi na maganda ang lagay ni Mama."

"H-hindi ka ba puwedeng mag-radio sa boyfriend mo?" Ang alam niya, sa ganoong malalayong lugar, radio ang means of communication.

"Hindi ko kasi alam ang frequency. Hindi ka naman magtatagal doon, eh. Ibibigay mo lang kay Aris ang sulat ko, then, siguro, mag-stay ka overnight, then, ipapahatid ka na uli niya. Wala kang gagastusin, I swear. At saka just in case, pahihiramin kita ng pocket money."

Halatang planado na ni Glenda ang suggestion nito at alam din naman nitong hindi siya makakatanggi. Pormalidad na lang ang pagsasabi nito sa kanya.

Señorito Series 3: Aristeo COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon