UNO

209 4 0
                                    

"CHECK," deklara niya matapos galawin ang isang piyesa ng chess.

Tumawa si Giuseppe at nagkamot sa ulo. "Hindi ko talaga kayo matalo sa chess."

Tumaas ang isang sulok ng mga labi niya.

Tumingin si Giuseppe sa bintana. "O, mukhang malapit na tayong mag-landing, boss."

Tumingin din siya sa bintana ng sinasakyan niyang private jet. "So, this is the Philippines, huh," wala sa loob na wika niya habang nakatingin sa kapuluan sa ibaba nila.

Sa wakas, matapos ang ilang taong paghahanap, malapit na niyang matagpuan ang nag-iisang Arcana na pinalad na mabuhay.

Hindi niya mapapatawad ang mga ito. Matapos nilang magpakumbaba at magdeklara ng truce laban sa Arcana at pagkatiwalaan ang mga ito, nagawa pa ng mga itong traydurin sila. Sinamantala ang mga ito ang tiwala nila at pinaslang ang lolo niya, ang nag-iisang kadugo niya.

Talagang marumi ang laro ng mga mafia. At kung ganoon lang din, makikipaglaro siya sa mga ito.

Napatingin siya sa lalaking nasa katapat niyang upuan. Tumingin din si Giuseppe sa kanya at ngumiti.

Utang-na-loob niya ang lahat kay Giuseppe, dating miyembro ng Arcana. Ito ang nagsabi sa kanya ng lahat ng pinaplano ng kalabang mafia. Sinabi nitong balak ni Druce na paslangin ang lolo niya. Sinubukan niyang balaan ang abuelo pero hindi ito nakinig sa kanya. Sinabi nitong hindi dapat siya maniwala kay Giuseppe.

Kumilos siya sa sariling paraan upang protektahan ang abuelo, pero hindi naging sapat ang lakas niya. Isang gabi, natagpuan na lang niya ang lolo niya na wala nang buhay sa sariling silid, naliligo sa sariling dugo.

Ipinaimbestiga niya ang nangyari at napag-alaman niyang si Druce ang may pakana ng lahat. Sumumpa siya sa lolo niya na ipaghihiganti ito. Uubusin niya ang angkan ng Arcana pati ang mga tagasunod nito.

Kulang pa ang kaalaman niya sa mafia kaya hiningi niya ang tulong ng isang eksperto, si Giuseppe. Ito ang ginawa niyang underboss mula nang maging boss siya ng Bagliore. Ito ang nagbibigay sa kanya ng impormasyon tungkol sa Arcana.

Nang maplantsa na niya ang lahat, in-ambush niya ang Arcana sa pagkakataong walang kalaban-laban ang mga ito. Nagawa niyang pasalangin si Druce at nadurog niya ang puwersa ng Arcana. Marami sa mga miyembro ng naturang mafia ang namatay. At ang ilan ay nangibang-bansa. Tuluyan nang nawala ang Arcana sa Italya.

Pero hindi siya tuluyang nagtagumpay nang malaman niyang buhay ang bunsong apo nito.

Hinalughog nila ang buong Italya mahanap lang ang palos na bata pero hindi nila iyon natagpuan hanggang sa isang impormante ang nagsabi sa kanila na dinala sa malayong bansa ang bata... Sa Pilipinas.

Kaya ngayon, naroon siya sa isang estrangherong bansa na iyon upang tuluyang angkinin ang tagumpay. Siya mismo ang papatay sa batang iyon.

Kumuyom ang palad niya. Sisiguruhin niya iyon!

HINIHINGAL na napadilat si Cielo.

That dream again.

Ilang gabi na niyang napapanaginipan ang tungkol sa isang lugar. Isang madilim na lugar, marami siyang naririnig na tili ng mga babae. Pagkatapos ay maraming putok ng baril, dagundong ng sumabog na bomba, nagliliyab na bahay, maraming patay sa paligid, at isang lalaking duguan...

Mariin siyang pumikit at marahas na umiling, pilit na binura sa isip ang muling pagbabalik ng mga eksena sa panaginip. Hindi niya alam ang ibig sabihin ng panaginip na iyon, kung premonition man iyon o sadyang morbid lang talaga ang subconscious niya, pero isa lang ang alam niya... ayaw na niyang makita pa ang panaginip na iyon.

Arcana Series book 1: Hunter's ParadiseWhere stories live. Discover now