"ISANG purong Hapones na lumaki sa Pilipinas si Jahiru. Anak-anakan siya ng pamilyang pinagtatrabahuhan ko noon bilang cook. Doon kami nagkakilala. Limang taon ang tanda niya sa akin," namamasa ang mga matang simula ng ina ni May.
Nasa sala sila nang mga sandaling iyon, katabi niya si Bienne. Sina Redge at Marrius ay bumalik na sa farm kanina lamang.
Isinalaysay sa kanya ni Bienne kung paano siya natunton ng mga ito.
Nang umuwi ang kaibigan niya pagkatapos ng shift nito at makita ang naiwan niyang susi sa gate ay kinutuban na raw ito ng masama. Tinawagan nito si Mariz at itinanong kung anong oras siya umalis sa Centric. Sa mga oras na lumipas, kung natuloy ang pag-uwi niya sa Zambales ay siguradong naroon na siya kaya nang tumawag ang kaibigan niya at nakausap ang inay niya at sinabing wala siya roon ay nag-panic na si Bienne. Kaagad nitong ipinaabot kay Redge ang lahat.
Kinabukasan mismo ay nasa Maynila na sina Redge at Marrius. Salamat sa guwardiya ng building na kaibigan na rin niya, sinabi nito kay Bienne na nang umalis ang taxi na sinakyan niya ay sumunod ang kotse ni Shin. Naging ugali na ng guwardiya na isulat ang mga plate numbers ng taxi na sinasakyan ng mga kakilalang Centric agents, para daw kung sakaling may mangyari ay alam kaagad ang dapat papanagutin. At nang makausap nina Redge ang taxi driver at sabihin nitong inihatid siya nito sa apartment at nagsususi na raw siya ng gate nang iniwan siya ay natiyak ni Bienne na may hindi magandang nangyari sa kanya.
Ang driver ng taxi rin na sinakyan niya ang nagsabi na may nakasalubong itong sasakyan na pumasok sa kalye ng apartment, na eksaktong nag-match sa description ng kotse ni Shin. At dahil hindi na nagpakita sa opisina ang lalaki, si Marrius na ang kumilos. Ginamit nito ang koneksiyon para makakalap ng impormasyon tungkol kay Shin. Umupa ito ng mga tao para subaybayan ang mga properties na maaaring puntahan ni Shin.
Negative ang resulta. Walang bakas ng presensiya niya sa tatlong lugar na kutob ng mga itong pinagdalhan sa kanya. Ang beach house na lamang sa isla ang natitira. At doon nga siya natunton ng mga ito.
"Matatas siyang managalog at mahal niya ang kulturang Pilipino. Lagi siyang nagkukuwento noon habang nagluluto ako," pagtutuloy ng inay niya na tila nasisiyahang alalahanin ang kabataan nito. "Limang taon daw siya nang mapadpad sa Pilipinas dahil malupit ang ama niya. Ang amo ko na ina-inahan niya ay asawa ng tiyuhin niyang maimpluwensiyang Hapones din. Hindi sang-ayon ang tiyuhin niya sa pagmamalupit ng kanyang ama sa kanya kaya isinama siya nito sa Pilipinas. Walang anak ang mga amo ko. Naging maayos ang buhay ni Jahiru kasama ng tiyuhin.
"Siguro dahil madalas kaming nagkakausap noon, nahulog ang loob ko sa kanya. Nagkaroon kami ng lihim na relasyon. Nagbunga iyon. Ikaw, May." Lumungkot ang anyo nito. "Pero natuklasan ng amo kong Hapones ang lahat. Pinalayas niya ako. Salamat na lamang at nasabi ko kay Jahiru ang pagbubuntis ko sa iyo at nasabi ko rin ang resulta ng ultrasound na babae ang magiging anak namin bago siya sapilitang dinala ng ama-amahan niya pabalik sa Japan. Noon ay tapos na sa pag-aaral ang ama mo at nagsisimula na ring sumabak sa negosyo."
"Iniwan niya kayo at hindi pinanagutan?"
"Nakipag-ugnayan siya sa akin sa isang sulat. Gusto niyang bumuo kami ng pamilya pero ako ang tumanggi."
"Bakit ho?" tanong niyang hindi maintindihan ang ina.
"Napakaganda ng buhay na naghihintay sa kanya at mawawala lahat iyon kung pipiliin niya tayo, anak." Nangilid ang mga luha nito. "Idagdag pang malupit ang tunay niyang ama na noon ay nakita na ang potensiyal ni Jahiru sa pagnenegosyo. Hindi siya magdadalawang-isip na burahin sa landas niya ang sinumang hahadlang sa plano niya para sa anak. At ang tiyuhin naman niya, hindi ako gusto para sa ama mo."
Napabuntong-hiningang napasandal siya sa kinauupuan.
"Siguro, nasaktan siya sa ginawa kong pagtanggi. Hindi na siya nakipag-ugnayan sa akin mula noon. At nang lumipad na sa Japan ang pamilyang dati kong pinaglilingkuran, tuluyan ko nang pinutol ang ugnayan natin sa kanya, kaya sinabi ko sa iyong patay na siya. Pero ang totoo, paminsan-minsan kong nakikita sa diyaryo at telebisyon ang mukha niya. Isa na siyang kilalang negosyante." Ngumiti ito. "Naabot niya ang kanyang mga pangarap kaya hindi ko pinagsisihan ang naging desisyon ko noon."
"'Nay..."
"Naalala mo ba noong tumawag ako sa iyo?" tanong nito. "Noong sinabi kong naisip ko ang tatay mo?"
Tumango siya. Natatandaan niya iyon.
"Kaya ako naiiyak noon dahil napanood ko sa balitang ilang araw na pala siyang naililibing."
"'Nay, sa Centric Tech ho ako nagtatrabaho, isa sa kompanyang pag-aari niya."
"Nasabi na nga ni Bienne. Sayang at hindi man lang kayo nagkita bago siya namatay..."
"Sa halos anim na buwan ho namin sa kompanya, hindi siya kailanman tumuntong sa Pilipinas. Siguro dahil may sakit na siya." Huminga siya nang malalim. "Ang bagong boss ho namin," aniya at sinulyapan si Bienne. "Si Shin na anak-anakan niya, ang nagmana ng lahat ng yaman niya. At bago namatay si Jahiru—si Tatay, ibinilin ho niya kay Shin na hanapin tayo sa Pilipinas."
"Para ibigay ang parte natin sa mga ari-arian niya?" nakakunot-noong tanong ng ina niya.
"Hindi ho. Para pakasalan ako ni Shin. Iyon ho ang dahilan kung bakit niya ako kinidnap at dinala sa isla."
"Pakasalan!"
"Naniniwala ho si Jahiru—si Tatay na mabuting tao ang anak-anakan niya kaya hindi siya nag-aalalang iwan kay Shin ang lahat. Alam niyang gagawin nito ang habilin niya. At kapag nakasal kami, mapupunta rin sa atin ang yaman na dapat ay sa atin."
"Paano si Resty?" tanong ng ina niya sa nag-aalalang tono. "Alam mo bang kahapon pa iyon narito at labis-labis ang pag-aalala sa iyo?"
"Hindi ho mahal ni May si Resty, Nanay Belinda," tila hindi nakatiis na sabad ni Bienne.
Siniko niya ito.
"O, hindi ba totoo naman?" nakataas ang isang kilay na sabi nito. "Naaawa ka lang sa kanya kaya ayaw mo siyang saktan."
Napapikit siya sa katotohanang sinabi ng kaibigan. "At si Shin, 'Nay, sigurado akong kahit ang makipagpatayan ay gagawin niya, matuloy lamang ang huling habilin ni Tatay..." Napahinga siya nang malalim. Nasasaktan siya sa katotohanang huling habilin lamang ang nagtutulak dito para lumapit sa kanya. "Pero kung dahil lang sa habilin kaya niya ako pakakasalan, ayoko ho. Hindi ako magpapakasal sa kanya."
ensiya 5*(
BINABASA MO ANG
May's Fairy Tale COMPLETED (Published by PHR)
RomanceMay's Fairy Tale By Victoria Amor "One thing I know, I'm miserable without you. At kung hihingin mong i-give up ko lahat ng mayroon ako, gagawin ko, basta nasa tabi kita." Ang tanging nais ni May ay mahanap ang kanyang Prince Charming and fulfill he...