AGAD na napuno ng guilt ang dibdib ni May nang makita niyang tahimik na nakaupo sa balkonahe ng bahay nila si Resty. Sa pagod marahil ay naidlip sila ni Bienne. Ginising siya ng kanyang ina dahil sa pagdating ng bisita niya.
"Res..." mahinang tawag niya sa atensiyon nito. Nginitian niya ito nang humarap sa kanya.
Umaliwalas ang mukha nito, tumayo at sinalubong siya ng yakap. "Nag-alala ako. Ano'ng nangyari? May pinsala ka ba? Sinaktan ka ba—"
"I'm okay, Res." Iginiya niya ito paupo. "Mag-usap tayo, please."
Natigilan ito at napatitig sa kanya.
Nag-iwas siya ng tingin. Iyon ang pinakaiiwas-iwasan niyang sandali, ang araw na masasaktan niya ang kababata at kaibigan.
Mahabang katahimikan ang namagitan sa kanila. Hindi niya alam kung paano niya sisimulang sabihin dito ang lahat.
"Res—"
Ginagap nito ang kamay niya. Ilang sandaling tinitigan siya nito. "Okay na, May," anito at pinilit ngumiti pero nababasa niya nang malinaw ang sakit sa mga mata nito. "Huwag mo nang sabihin ang mga salita, naiintindihan ko na."
"Sorry..." Napaiyak na siya.
"No. Don't be," anito at tinuyo ang mga luhang hindi niya napigilang tumulo. "Alam ko at naramdaman kong pinilit mong gustuhin ako. Pero siguro nga, talagang hindi na hihigit pa sa isang kaibigan ang tingin mo sa akin. At kahit natuloy ang pagkikita natin sa restaurant, alam kong pareho pa rin ang magiging sagot mo. Nagbulag-bulagan lang ako sa katotohanan dahil... dahil mahal talaga kita."
Walang masabing inilayo na lamang niya ang tingin sa mukha nito.
"Mababaw na yata ang mga luha mo ngayon," pansin nito.
"Marami kasing nagpapabigat sa dibdib ko, pasensiya ka na. Nakakainis nga, eh. Tinatakasan na yata ako ng tapang." Pinilit niyang ngumiti rito.
Bumuntong-hininga ito. "'Paano, magkaibigan pa rin tayo, ha?" sabi nito. "Sayang talaga, hindi mo ako matitikman, May."
Natawa siya. Alam na alam talaga nito kung paano pagagaanin ang usapan. Niyakap niya ito. After all, ito pa rin ang kababatang kasama nila ni Bienne pati sa kalokohan noon. "Salamat, Res. Of course, walang ibang papalit sa espasyo mo sa puso ko."
"Kaibigan at mananatiling kaibigan forever," anito habang tumutugon ng yakap. "Basta maging masaya ka, ha?"
"Okay," aniya, saka kumalas ng yakap dito.
Nang magsimula itong humakbang palayo ay naramdaman niyang bahagyang gumaan ang dibdib niya, nabawasan ang isa sa mga tinik na nakabaon sa puso niya.
Nang magising si Bienne at yayain siyang magpunta sa farm ay agad siyang sumama.
BINABASA MO ANG
May's Fairy Tale COMPLETED (Published by PHR)
RomanceMay's Fairy Tale By Victoria Amor "One thing I know, I'm miserable without you. At kung hihingin mong i-give up ko lahat ng mayroon ako, gagawin ko, basta nasa tabi kita." Ang tanging nais ni May ay mahanap ang kanyang Prince Charming and fulfill he...