ALAS-QUATRO ng madaling araw gising na din si Tilly. Tinutulungan nito ang pinsan na maghakot ng ilang basket ng prutas na dadalhin nito sa Laguna para daw ipasalubong sa mga kaibigan doon. Katulong din si Tilly sa paglalagay ng mga prutas sa malaking basket, actually nagpumilit ito na siya na ang mag-ayos dahil pabalagbag na lang inilalagay ni Martin ang mga prutas. Para sa kaniya, hindi magandang tingnan iyon lalo na’t ibibigay iyon sa mga mayayamang kaibigan nito. Kaya naman nangielam na siya.
Inagaw sa kaniya ni Martin ang huling basket at inilagay sa likod ng Hilux.“Paniguradong mag-iipot ang mga kaibigan mo sa dami ng pasalubong mong ‘yan.” Ngiti ni Tilly sa pinsan.
“Bahala na sila. Gusto nila ng pasalubong. Ayan! Magsawa sila.” Sabi ni Martin habang isinasara ang likod ng Hilux.
“Dapat bukas ka na lang umuwi ng Laguna. Friday na ngayon. Kung kailan last day na ng linggo saka ka pa aalis. Para kang nag-iipot, eh.”
Martin chuckles. “Kapag nanatili pa ako ng isang araw sa bahay na ‘yan,” sinenyasan ni Martin ang malaking bahay sa likod niya. “Baka mabaliw na ako.”
“Alam mo namang welcome na welcome ka sa bahay, ‘di ba? Kahit doon ka pa tumira. Tanggap na tanggap ka ng Inay at Tatay.”
“Tilly…”
“Ano? Totoo ang sinasabi ko.”
“I know, pero…siyempre ayaw ko namang makadagdag pa sa gastusin sa bahay niyo. Bahagya na nga magkasya ang kita ng Tiyo Tonyo sa inyo. And knowing your parents, hindi nila ako papayagan na mag-abot kahit singkong duling man lang.”
That’s true. Kahit na mag-offer si Martin na siya ang bibili ng kanilang pagkain noong sinubukan nitong doon muna ng isang linggo hindi pumayag ang mga magulang ni Tilly na gumasta siya ng isang kusing. They’re so hospitable kahit na madalas na sila magkulang. Kaya naman sa ilang araw na pagtira doon ni Martin, hindi na ito nagsasabi na siya ang bibili ng ulam o ng pagkain, inuunahan na lang niya ang mga ito sa pagbili. Wala nang magagawa ang mga ito.
At gustuhin man ni Martin na doon na lang talaga tumira kayla Tilly, hindi pa din naman makakatakas si Martin sa bunganga ng Lola-lolahan niya. Paniguradong makakatanggap pa din ito ng sermon araw-araw. Dahil wala na itong ginawa kung hindi ang mangielam sa negosyo ng Daddy niya at sa buhay niya. Hindi din naman masabi ni Martin na concern ang matanda kapag sinisita nito ang pagtutuon niya ng pansin sa soccer. Baka naman sadiyang mainit lang ang dugo nito sa kaniya at naghahanap ng lusot para hindi maipamana sa kaniya ng ama ang hacienda. But Martin knows how to play.
Titiisin niya ang lahat ng masasakit na salita mula sa matanda, hindi na lang siya magsasalita. Parang dating nakagawian. Pero hindi niya hahayaang mapunta sa angkan nila ang pinaghirapan pa ng ninuno ng pamilya nila Martin. He will have the land and business not because he’s accepting the challenge, but because he really wants to. Ibinigay na din nito ang buong puso niya sa hacienda mula pa noong bata pa siya. Although, hindi niya masyadong pinapakita iyon ngayon dahil hilig niya ang soccer. Pero alam na ni Martin ang gusto niyang gawin sa buhay once na iwan na talaga nito ang kinahihiligang sport.
Tilly shrugs. “Sige na, panalo ka na.”
Natawa na lang si Martin.
“Wala ka na bang nakalimutan? Iyong unan mo? Baka mamaya niyan bigla kang mag-tantrums kapag nalaman mong hindi mo pala nadala.” Sabi ni Tilly sabay laki ng mga mata, nagpapanggap na nagulat at kunyaring inosente.
Sumeryoso naman ang ekspresyon ni Martin, kunyaring inis.
Ang tinutukoy ni Tilly ay maliit na hotdog na unan ni Martin na pagmamay-ari na nito mula pa noong baby pa siya. Aminado naman si Martin na hindi nga siya makatulog kapag hindi niya ito hawak o nasa tabi niya. Nakasanayan na niya. Dala na din siguro ng lungkot noong mawala ang kaniyang Mommy. Ang unan na ‘yon ang kasama niya noong bata pa siya at mga panahong iniiyakan nito ang pangungulila sa ina. It’s like his best friend.