End
Three years later.
Hindi na siya nagparamdam. Hindi na siya nagpakita pa. Hindi ko alam kung bakit o kung ano ba talaga ang nangyari.
Kahit na tatlong taon na ang nakalipas, di ko parin siya nakakalimutan. Mahal ko parin siya at hindi na magbabago yun. Sinubukan kong hanapin siya ngunit wala akong napala, hindi ko alam ang tunay na pangalan niya, wala rin akong picture niya, halos wala akong mga bagay na pwedeng makapagturo kung saan siya makikita. Tanging ang saglit na alaala lamang na kasama siya ang natira sa akin.
Hindi ako umiyak sa tatlong taon na iyon. Alam kong babalik siya.
Sa mga araw na unti unti ko na siyang nakakalimutan, isang sulat ang natagpuan ko. Nakita ko ito sa drawer ni mama. Sulat ito ni Blue tatlong taon na ang nakakalipas.
"Ma, ano to?" agad akong bumaba para ipakita ito kay mama.
Kita ko sa mukha niya ang gulat at takot sa nakuha kong sulat.
"Ma!?"
Huminga muna siya ng malalim, "Ito na siguro ang tamang oras para sabihin to sa'yo."
Umupo siya sa sofa habang ako'y nag hihintay sa sasabihin niya. Sa totoo lang, ayaw kong malaman kung ano man ang sasabihin niya. Alam kong hindi ito maganda. Pero, gusto ko paring malaman kung ano ba talaga ang totoo. Kung ano ba talaga ang mga nangyari.
"Wala na siya anak. Tatlong taon na rin, akala ko maitatago ko ito sa'yo ng matagal," malungkot ang mukha niya. "Patay na siya."
Napaluhod ako sa mga sinabi ni mama. Gusto kong umiyak pero walang luha ang tumutulo sa aking mga mata. Niyakap ako ni mama.
"Ayaw kitang masaktan anak kung kaya itinago ko sa'yo ang lahat. Noong araw na pumunta siya dito sa bahay, ipinagtapat niya sa akin ang lahat. Nagpakilala siya sa akin at sinabing mahal ka daw niya. Madali ko naman siyang nakilala at napagkatiwalaan dahil sa kaibigan ko ang nanay niya. Papayagan ko na sana siyang ligawan ka pero may iba pa siyang sinabi sa akin. May sakit daw siya at ilang buwan na lang ang itatagal niya. Hindi ko alam ang sasabihin ko noong araw na yun. Sinabi ko sa kanya na paano ka kung mawawala siya, alam kong masasaktan ka anak. Alam niyang masasaktan ka kung kaya't gumawa siya ng kundisyon.
"Liligawan ka niya at ipaparamdam niya sa'yo ang pagmamahal niya at sa oras na sasagutin mo na siya, hindi niya ito tatanggapin at aalis siya ng walang pasabi. Sa ganong paraan, hindi ka masasaktan, wala kayong commitment sa isa't isa. Sa halip na malungkot ka sa pagkamatay niya, mabuti pang magalit ka sa kanya. Yun ang mga sinabi niya sa akin. Hindi ko tinanggap ang mga kundisyon na iyun dahil ayaw kong paglaruan ang damdamin mo, anak. Pero lumuhod siya sa harap ko at nagmakaawa. Wala akong naisagot at hinayaan ko nalang siya.
"Naisabi ko na sa'yo ang itinago ko ng tatlong taon. Ang hindi ko lang alam ay ang laman ng sulat na yan, anak. Patawarin mo sana ang mama mo sa mga nagawa ko. Sorry talaga anak."
Hindi ko alam kung magagalit ako kay mama pero hindi na importante yun. Agad akong pumunta sa kwarto ko. Naupo ako sa kama habang hawak-hawak ang sulat niya.
Binuksan ko at binasa ito habang tuloy-tuloy na bumabagsak ang mga luha ko. Doon ko nalang napansin na ito ang luhang naipon ko sa loob ng tatlong taon.
Tama nga siya sa isinulat niya dito. Ang selfis- selfish niya.