Chapter 1

24.4K 249 23
                                    


Go on now go, walk out the door. Just turn around now, 'cause you're not welcome anymore...

"Naku, Margaret, maghunusdili ka anak, huwag kang kakanta sa harap ng kalan."

Agad na napalingon si Margaret sa sumaway sa kanya na si Manang Thess, ang matagal na nilang cook sa restaurant. Ibinaba niya sa kawaling pinaglulutuan niya ng kalderetang baka ang sandok na kanina ay ikinukumpas-kumpas pa niya.

Tumaas ang kilay niya. Isa na naman ba 'yon sa mga bagong ipinagbabawal ng Tita Lolita niya na gawin ng mga nasa kusina? Bawal na ring kumanta? Sobrang istrikto kasi talaga iyon. Kahit siya mismo ay hindi nito pinapayagan na hindi magsuot ng net sa buhok. Sabagay, para din naman sa kapakanan ng negosyo nila ang mga ipinapatupad nitong mga regulasyon. Pero ang pagkanta? Ano ang connect? Inaaliw na nga lang niya ang sarili pagbabawalan pa siya?

"Bakit na naman, Manang?" kunot-noong tanong niya.

Alam niyang hindi naman kagandahan ang boses niya pero nakagawian na lang kasi niya iyon. Kadalasan ay ginagawa niya iyon para mabawasan ang inip niya sa paghihintay sa pagkulo ng sinaing o paglambot ng mga karne. Ngunit ngayon, pakanta-kanta siya upang kahit papaano ay aliwin ang sarili.

Sa kasamaang-palad kasi, nawalan siya ng trabaho. Huling araw na ng pasok niya noong Biyernes. Binili ng isang mas malaking kompanya ang pinapasukan niya bilang Admin Assistant na isang food and beverage company. Okay na sana ang sahod niya doon, subalit natanggal ang lahat ng mga katulad niyang redundant ang trabaho. Siyempre pa, sa counterpart niya sa bumiling kompanya napunta ang puwestong dating hawak niya.

But yes, she will definitely survive. Hindi siya mababaliw kahit araw-araw siyang maghiwa ng karne at magbalat ng sibuyas. Pasasaan ba at makakahanap uli siya ng trabaho. Pero sa ngayon, habang tambay siya, kailangan niya munang tumulong sa restaurant nilang pinamamahalaan ng madrasta niyang si Tita Lolita.

"Makakapag-asawa ka ng matanda," ani Manang Thess.

Lumabi siya. "Sus, pamahiin na naman," aniya. Paano siya makakapag-asawa ng matanda, eh wala naman siyang boyfriend na matanda. Ang totoo, sa edad niyang dalawampu't-lima ay hindi pa siya nagkaka-boyfriend. Masyado kasing istrikto noon ang daddy niya kaya hindi niya pinapansin ang mga nagpapalipad-hangin sa kanya. Nang mamatay ang daddy niya tatlong taon na ang nakakaraan, hindi na rin niya napagtuunan ang pakikipag-relasyon dahil napakalaking responsibilidad ang naiatang sa mga balikat niya. Lahat ng oras at atensyon niya ay ibinuhos na niya sa paghahanap-buhay.

Sa pagkakaalala sa ama, parang may dumagan sa dibdib niya. Napakami nitong naiwang utang dahil nalulong ito sa sabong. Halos lahat ng sinuweldo niya ay napunta sa pagbabayad ng interes ng mga nautang nito. Araw-araw ay may pumupuntang naniningil sa restaurant nila sa sabungan. Paanong hindi, eh doon din kasi tumatambay ang mga pinagkakautangnan ng ama niya na halos lahat ay mga sabungero rin.

Gustuhin man niyang isumpa ang sabong dahil iyon ang dahilan kung bakit nagkanda-letse-letse ang buhay nila, hindi niya magawa. Ang restaurant kasi sa loob ng sabungan ang tanging pinagkakakitaan nila. 'Di hamak na mas malaki ang kita doon kaysa kung magtayo maliit na restaurant sa isang mall. Ang mga pagkaing inihahanda nila ay triple ang laki ng bayad kompara sa isang karaniwang kainan.

May derby daw ngayon kaya pihadong malaki ang kikitain nila.

Nang mahango niya ang niluluto, sumilip siya sa may kainan upang tingnan kung marami ng kustomer. Mangilan-ngilan pa lang ang mga nakaupo doon. Namataan niya ang Tita Lolita niya na may kausap na may-edad nang lalaki. Hindi niya naririnig ang pinag-uusapan ng mga ito ngunit halatang nagmamakaawa ang Tita Lolita niya dito.

My Sweet Surrender COMPLETED (Precious Hearts Romances - 2012)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon