Chapter 3

8.4K 196 7
                                    

"MASARAP ang pagkain dito," sabi kay Margaret ni Jed nang nakaupo na sila sa pinagdalhan nito sa kanya na isang maliit na restaurant sa may bandang Timog. "I just hope you like Thai food."

Kimi siyang ngumiti. "Okay lang," aniya. "Hindi ako big fan ng maaanghang pero sige, ita-try ko."

Kinamot nito ang batok. "Dapat nga pala tinanong muna kita kanina bago kita isinama dito," anito na tila nahihiyang ngumiti.

Pinigilan niya ang kilay niyang nagpupumilit umigkas pataas. Ngayon lang niya ito nakitang umakto na tila nahihiya. Noong una ay sobrang presko nito, kaninang tanghali ay parang na-tsansingan pa siya nito at kaninang itinigil nito ang sasakyan nito sa harap niya at parang kung sino ito na nagmando ay wala na siyang nagawa kundi sumunod.

She was so amazed by the sudden change in his attitude.

Sa sulok ng mga mata niya ay napansin niya ang isang lalaking napakaluwag ng ngiti papalapit sa kanila. Pang-chef ang suot nito.

"Jedi!" sigaw nito.

Jedi?

Nilingon ito ni Jed. Ngumiti nang makita ang lalaki. Tumayo. "Macoy!" anito. "Kailan ka pa dumating? Hindi sinabi ng guard na nandito ka ngayon."

"May kudeta sa Bangkok, eh, kaya hindi na ako tumuloy," ani Macoy na tumingin sa kanya. "Hi!" anito. "Bakit 'di mo ako ipinapakilala sa magandang kasama mo?" kastigo nito kay Jed.

Kimi siyang ngumiti.

"Oo nga pala. Margaret, si Ferdinand, kaibigan ko. Macoy, si Margaret," anito.

Ngumiti si Macoy. "Hi, Margaret," anito.

"Hello," aniya na iniabot ang kamay dito.

"Your name is as pretty as your face," anito na hindi binibitawan ang kamay niya.

Jed rolled his eyes. "Wala ka bang gagawin sa kusina, Ferdinand?" tanong ni Jed dito.

Ginaya ito ni Macoy. "Okay, okay...possessive jerk," bulong nito na kumindat sa kanya bago nito binitawan ang kamay niya. "'Nice meeting you, pretty girl. 'Tell you what, ako mismo ang magluluto ng kakainin mo. Ikaw, Darth Vader, hindi kita papakainin."

Nginitian niya ito

"Bro, huwag masyadong maanghang ang Pad Thai ha? Baka iwanan ako ni Margaret," bilin nito.

"Sure, Darth Vader," singhal ni Macoy bago ito tumalikod at naglakad pabalik ng kusina.

Nangingiting sinundan niya ito ng tingin bago bumaling kay Jed. "He's kidding, right?" tanong niya.

"Na hindi ako papakainin? Oo, hind ako matitiis niyan," anito.

Umiling siya. "I meant your name," aniya. "Jedi? Jedi ang totoong pangalan mo o nagjo-joke lang 'yong si Macoy?" tanong niya.

Tumango ito. "Yep, totoo," anito. "Jedi talaga. Star Wars daw kasi ang pinanood ng mga magulang ko noon sa first date nila."

"Ows?" aniya na lumabi.

"Oo nga. At para daw the force will always be with me, pinangalanan akong Jedi," anito na tumawa.

"So lagi mo bang kasama ang force?"

Umiling ito. "Minsan kasi nakakalimutan ko ang lightsaber ko, eh," anito.

Lumabi siya. "Corny," aniya.

My Sweet Surrender COMPLETED (Precious Hearts Romances - 2012)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon