Sa tuwing nakikita kita ay hindi ko alam kung mamamangha ako o maiinis. Hindi ikaw ang tipo ng taong gusto kong gustuhin. Deviant, iyon ang natatanging salita na naglalarawan sa isang katulad mo. Sa totoo lang, napakaraming iba diyan ang mas okay. Mula sa paraan ng pananamit, sa pag-uugali, sa pananalita, hindi ko maatim na tignan ka sa mga mata nang hindi naiisip na ikaw na ata ang ikamamatay nang lahat ng anghel sa langit, pati na rin ako.
Hindi ko gusto ang taste mo sa music. Ang nakahihiligan ko ay mga ballad o kaya pop, minsan ay rock kung nasa mood ako. Kapag kasama ang mga kaibigan, halos mabingi ako kapag ikaw ay nagsimula nang magpatugtog ng mga rap music o kaya naman ay mga trap. Naiinis naman ako sa tuwing nagsasalita ka, dahil madalas puro katatawanan at walang katuturan ang pinagsasasabi mo. Ngunit kahit na ganoon ay napapatawa pa rin ako. May isang beses pa nga na hindi ko na napigilan at napalakas ang tawa ko sa biro mo, hindi ko na maalala kung tungkol saan iyon. Mapapa-buntong hininga na lang ako sa tuwing naiisip kita, dahil sino ka ba para magustuhan ko? You are trouble waiting to happen, at hindi iyon ang ikatutuwa ko.
Siya, siya ang gusto ko. Alam mo kung bakit? Kasi ang bait niya, masipag, galante, gentleman, well-grounded, at higit sa lahat, guwapo. Crush ko talaga siya noong una ko pa lang siyang napansin. Hindi kami nag-uusap pero halata sa paraan ng pakikipag-komunika niya sa iba ang kabaitan niya. Isa siyang anghel na nahulog sa langit upang magkalat ng pagmamahal. Hindi ko alam, mabilis yata akong magkagusto sa isang tao basta't type ko. Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit ikaw, na isang taong out of my league ay makakaagaw ng aking pansin.
Nangyari na ito dati, doon sa ex ko. Hindi ko din siya gusto noong una dahil magkaiba kami ng hilig. May pagka-introvert kasi ako dati, pero hindi na ngayon. Mas napapadalas ang pakikipag-socialize ko sa mga tao noong lumipat na ako ng paaralan. Basta, iba din kasi ang ex ko. At kung ihahambing ko siya sa iyo, mas mabait yun, maintindihin at grabe din kung magmahal. Kaya nga lang ay hindi kami nag-work. Alam mo ba na ang bait-bait niya? Magaling pa iyon mag-gitara at kumanta. Kapag may mga activity sa school at inaanyayahan siya ay sumasali siya. Higit sa lahat, relihiyoso siya. Tuwing linggo ay nagsisimba, palaging nagdadasal bago kumain, minsan pa nga ay gusto niya na sabay kami magsimba pero siyempre, araw iyon para sa pamilya. Grabe iyon magpahalaga sa mga mahal niya, pakiramdam ko nga ay masama ata akong tao dahil sa kabaitan niya. Tapos na iyon, wala na kami. Dahil siguro doon ay nagkaroon ako ng standards sa susunod ko mang mamahalin, at ekis ka sa halos lahat ng mga iyon.
Ang gusto ko ay relihiyoso. Iyon bang kahit hindi naman talaga perpekto o masyadong self-righteous. Basta iyong may pagpapahalaga sa pinaniniwalaan niya. Iyong tipong sa tuwing magdadasal siya ay isasama niya ako sa panalangin niya, at kapag magsisimba ay aayain niya ako, at magpapasalamat sa Panginoon dahil nahanap namin ang isa't isa.
Ang lalaki, malalaman mo kung paano magmahal sa paraan ng pagtrato niya sa pamilya niya. Gustong-gusto ko talaga kapag family oriented ang lalaki. Ibig sabihin lamang nito, alam niya kung paano magmahal ng tao, hindi siya basta-basta na lang mananakit.
Gusto ko rin ng galante. Hindi iyong mayabang na ipagmamalaki na mayroon siya. Iyong tipo na kahit barya lang ang hawak niya ay magbibigay pa rin siya sa nangangailangan. Katulad noong isang crush ko. Magkakasama kaming mga magkakaibigan sa Jollibee. Nakita kong may isang lalaking may dalang malaking bag at nagpapamigay ng papel. Nakasulat dito na nagtitinda siya ng Otap para sa pamilya niya. Hindi bumili ng Otap si crush, sa halip ay binigyan niya ng 100 pesos ang lalaki at sinabi pang "God bless po". Halos mapamura ako sa nakita ko. Ang bait-bait niya.
Mas nakakadagdag ng pogi points kapag ang lalaki ay may respeto. Walang specifications, basta lahat ng tao iginagalang niya. Kahit sino, alam niya kung hanggang saan ang mga biro niya. Iyong nalilimitahan niya ang nasasabi niya.
Nakakatuwa kapag ang lalaki ay may sense of humor. Iyong palabiro at lagi akong patatawanin. Nakakagaan kasi sa pakiramdam kapag hindi palaging seryoso, pero siyempre hindi aabot sa puntong nakakabastos o nakakasakit na ang mga biro niya.
Gusto ko rin kapag ang lalaki ay masipag. Iyon bang determinado na maabot ang mga goals niya, kahit pa short term lang ito. Basta iyong may pangarap sa buhay.
At panghuli, ayoko naman sa lalaking sobra-sobra ang pagiging goal oriented. Gusto ko ay marunong din siya magliwaliw minsan. Iyon bang okay lang sa kanya ang makipag-inuman kasama ang mga kaibigan, pero hindi lasinggero. Alam niya kung paano makipag-socialize at umayon sa mga nakapaligid sa kanya.
Siguro kung susuriin ka, mayroon kang sense of humor, pero madalas kang sumosobra. Mayabang ka, minsan walang respeto, nangingibabaw ang kawalan mo ng pakielam sa iba. Gusto mo ikaw ang magaling, kahit pa minsan ay hindi naman. Madalas ka pang makipag-inuman sa mga kaibigan mo at wala na sa lugar ang mga pinagsasasabi mo.
Pero kahit na anong gawin ko, ikaw pa rin ang gustong tignan ng mga mata ko. Kahit napakadaming mas mabait, at mas guwapo, ikaw pa rin ang pipiliin ko. Kahit hindi mo napapansin ang isang katulad ko, hindi ka nakikinig sa mga sinasabi ko, at kahit hindi mo kayang ibalik ang nararamdaman ko, ikaw pa rin ang gusto nitong puso ko.