Prologue

414 15 1
                                    

Nabitawan na lang niya ang smartphone sa ibabaw ng kama. Mababaliw na siya sa takot. Magsi-six na ng hapon pero wala pa ring gumagawa ng ipinakiusap niya. Isang positibong sagot na lang ang kailangan niya. Naligtas niya ang mga magulang pero mukhang hindi siya suswertehin.

Napaiyak na lamang siya at isinubsob ang mukha sa mga palad. Noon niya naalaala na nag-apply siya ng maskara sa mahahaba niyang eyelashes. Napabangon siya sa pagkakasalampak, sa may paanan ng kama at tinungo ang kanyang dresser.

Sa ibabaw ng dresser ay isang vanity mirror; dito ay na-confirm niyang kumalat ang maskara niya pababa sa mga pisngi niya. Nilinis niya iyon ng tissue at pagkuwa'y napatitig sa hugis puso niyang mukha.

Napakaganda pa rin niya kahit luhaan. Nangungusap pa rin ang tsinita niyang mga mata at sadyang mapupula ang mga pisngi niya at mga labi. Nasapo niya ang kulay mais niyang buhok. Kakapagpa-dye pa lang niya para mas maging maging kaakit-akit.

Tumayo siya nang tuwid para sipatin pa ang sarili sa repleksyon ng salamin. Nakapaka-seksi at kinis niya sa suot na white sleeveless at shorts. Napangiti siya sandali pero kaagad din iyong napawi.

Pangarap niya ang maging artista balang araw. Pero tila hindi na iyon mangyayari dahil mamamatay na siya.

Dumako ang mga mata niya sa kanyang hair iron. Nakapatong ito sa ibabaw ng dresser kasama ang makeup at iba pa niyang mga abubot. Naisipan niyang ayusin ang buhok. At least kung mawawala na siya sa mundo, dapat maganda pa rin siya.

Dinampot niya ang pamplantsa para muling madismaya. She remembered, sira na nga pala ito. Hindi na kontrolado ang pag-init nito, delikado na at dapat nang itapon -!

Biglang umihip ang malamig na hangin. Naisipan niyang isarado ang pinto ng balcony niya; pinangilabutan na siya. Narito na siya!

"Mommy!" palahaw niya. Nagtaasan ang mga balahibo niya sa magkabilang braso. "Help me -!"

Sumama ka sa akin... His voice was icy cold. Narinig niya ang boses nito sa isipan niya. Oras na..!

At nakita niya ang aparisyon. Nasa repleksyon iyon ng kanyang vanity mirror. Natulala na siya. "He's here," nasambit niya.

"Hija?!" Boses ng kanyang mommy. Paakyat na ito sa kuwarto niya at tila may kasama – ang katulong nila marahil. Pero balewala na sa kanya... Okay na...

Okay na mamatay na siya! Payapa ang pupuntahan niya at maliligtas ang mga mahal niya. It's a small sacrifice to pay...

Nakatingin pa rin sa kaluluwa, isinaksak niya ang hair iron. Mabilis itong nag-init. Nadama niya ang pagsambulat nito sa kanyang kamay; pero hindi niya ito binitawan. Nakatitig lang siya sa repleksyon. Balewala ang kirot!

Itinaas niya ang pamplantsa ng buhok sa pisngi niya at idiniin dito. Habang nagtitili sa hapdi ang puso niya, ang bibig niya ay nanatiling tikom. She can feel herself floating away; patungo sa multo. Sa pagkawala niya sa sarili, tuluyan nang nalapnos ang mukha niya. Nag-ooze ang dugo sa nasusunog na parte nito. Kung nasa wisyo pa siya... masisindak siyang tingnan ang mukha niya.

Inulan ng katok ang pinto niya. Nang hindi siya tumugon, bumukas ito. Sa pagpasok ng ina, sumabog ang pinagsasaksakan ng pamplantsa at umakyat ang mataas na boltahe sa kanyang katawan. Nagkikisay siyang bumagsak sa sahig.

Nabulabog ang tahimik na kalye nila sa malakas na tili ng mommy niya.

__________

*Image photo credit: See external link.

The Cursed Chain Letter (Published by Bookware)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon