Baliw

1.6K 33 45
                                    

"Umalis na kayo dito mga kaluluwang ligaw!" sigaw ng isang matandang lalaki. Maruming-marumi at puno ng punit at sira ang damit na suot nito. Tila ilang linggo na rin itong hindi naliligo.

"Ano ba 'yan! 'Andito nanaman ang baliw na 'yan," naiinis na sabi ni Aling Tinay habang nagwawalis sa harap ng tindahan niya.

"Isa nga pong bote ng toyo," sabi ko kay Aling Tinay. Malapit na mag-alas singko ng hapon at hindi pa ako nakapagluluto ng aming hapunan. Malapit nang dumating sina nanay at tatay mula sa bukid kaya't kailangan ko nang maluto ang adobo. Matutuwa si JR. Paborito niya ang ulam na ito.

Akmang kukunin ko na ang bote ng toyo nang biglang sumigaw ulit ang lalaking baliw.

"Mga kaluluwang ligaw! Lubayan niyo ako! Umalis kayo dito!" sigaw nito.

"Ikaw ang umalis dito! Baliw!" sigaw naman ni Aling Tinay. "Dadayo dito para lang manggulo. Umuwi ka na nga, Theresa. Baka ikaw pa ang mapagdiskitahan niyang baliw na yan."

Agad ko namang sinunod ang sinabi ni Aling Tinay at naglakad na pauwi. Habang naglalakad ay nilingon ko ang baliw at nakita kong nilapitan na siya ng mga tanod. Kinausap nila ito upang umalis na pero tila naman ayaw nitong pakinggan ang mga tanod at tinakpan pa ang tenga nito at patuloy na sumigaw na layuan siya ng mga kaluluwa. Iwinawasiwas nito ang kanyang mga braso kaya naman hindi ito malapitan ng mga tanod.

Nang kumalma ito, nakita niyang nakatingin ako sa kanya. Nagkasalubong ang aming mga mata at nakita ko ang takot na nakapinta sa kaniyang mga mata. Tumindig ang balahibo sa aking buong katawan.

"Malapit ka nang kunin nila! Kukunin ka na nila!" sigaw nito at agad na akong tumakbo pauwi.

Pagdating ko sa bahay ay wala pa rin sina nanay, tatay at JR. Marahil ay nasa bukid pa rin sila. Binuksan ko ang ilaw subalit ayaw nitong sumindi. Naku, mukhang brownout pa.

Sinindihan ko ang lampara sa kusina at sinimulan na ang pagluluto. Hindi pa rin mawala sa isip ko ang sinabi ng baliw. Habang nagluluto ay narinig kong bumukas ang pinto.

"JR?" tanong ko. Pumunta ako sa sala at nakita kong bukas ang pinto. Napailing ako. Mukhang iniwan nanaman niyang bukas ang pinto. Sinilip ko ang kuwarto ni JR subalit wala siya doon. Nakapagtataka. Sigurado akong isinara ko ang pinto.

Muli kong isinara ang pinto at nagtungo sa kusina upang maghain na. Habang nakaupo ay naaninag ko ang isang anino na dumaan sa aking likuran.

Hindi ako nag-iisa.

Ilang sandali lamang ay narinig ko naman ang mahinang tinig ng isang taong umiiyak. Napakunot-noo ako. Sino ang makakapasok sa bahay namin? Isinara ko naman ang pinto, 'di ba?

Pinakinggan ko kung saan nagmumula ang tunog at napagtantong nanggaling ito sa kuwarto ng aking kapatid. Kahit na kinakabahan at natatakot ako ay nagtungo ako sa kuwarto nito. Naririnig ko ang iyak ng isang taong tila nasasaktan. Bahagya akong tumigil bago ko binuksan ang pinto. Lalong lumakas ang pag-iiyak ng jung sinuman ang nasa loob ng kuwarto.

Pinihit ko ang hawakan ng pinto at nang buksan ko ito ay isang pares ng nanlilisik na mata ang sumalubong sa akin.

"Susunduin ka na nila! Kukunin ka na nila!" bulyaw ng lalaki. Namukhaan ko ito bilang ang baliw na nakita na nakita ko kanina. Nanlaki ang aking mga mata nang akma itong lumapit sa akin. Tumakbo ako palabas ng bahay upang humingi ng saklolo subalit paglabas ko ng bahay ay -

"Aaaah!" sigaw ko.

Napakaraming multo. Mga duguan. Nakapalibot sila sa harapan ng aming bahay at unti-unti silang lumalapit sa akin. Mga multong walang mata, duguan ang bibig, putol ang mga kamay. Ang mga tinig nila ay tila galing sa hukay at nanghihikayat na sumama sa kanila.

"Panahon mo na..."

"Sumama ka na..."

Tumakbo akong muli papunta sa aming bahay subalit nandoon ang lalaking baliw.

"Kukunin ka na nila!" sigaw nito.

Nadapa ako nang dahil sa pagkataranta. Wala na akong ibang maisip pang gawin kundi ang pumikit at magdasal. Nagdasal ako at nagdasal na sana dumating na sina nanay at tatay...na sana dumating ang saklolo.

"'Andoon siya!" rinig ko.

May tao? Binuksan ko ang aking mga mata at nakita ko ang dalawang lalaki na naka-uniporme ng pang-ospital. Sa wakas!

"Tulungan niyo ako!" sigaw ko at tumakbo ako papalapit sa kanila. Hindi na ako lumingon. Tumakbo lang ako palayo sa mga kaluluwang hindi matahimik at sa baliw na lalaking iyon.

"Mga kaluluwang ligaw!" narinig kong sigaw muli ng baliw. Malapit na ito sa akin at tila napansin ito ng dalawang lalaki kaya naman agad nila itong nilapitan.

"May mga multo..." namamagaw na sambit ko subalit paglingon ko ay wala na ang mga multo. Naroon lamang ang dalawang lalaki na hinuli ang lalaking baliw at sinuotan ito ng isang jacket upang di na makapumiglas. Inineksyonan nila ito ng pampatulog kaya naman ito ay kumalma na.

"Salamat po," sabi ko nang lumapit sa kanila. Tila di naman nila ako narinig dahil mahina ang tinig ko.

"Bumalik nanaman pala siya dito." kuwento ng isang lalaki sa kanyang kasama.

"Nanaman?" tanong ko.

"Paulit-ulit siyang bumabalik dito. Ito kasi ang bayan niya," patuloy na kuwento ng lalaki.

"May nakaligtas pala dito," sagot ng isa.

Nakaligtas? Anong ibig sabihin nila?

"Balita ko, nasa kabilang bayan daw siya nang mangyari ang trahedya. Nakikipaglaro siya ng basketball sa kabilang bayan. Pagbalik niya rito, wala na ang lahat. Ang bahay niya, ang nanay at tatay niya at ang ate niya."

"Nakakaawa naman pala siya. Anong pangalan niya?" tanong ng isa.

"Gerardo Santos, Jr. Iyan ang nakasulat sa dokumento niya. JR ang palayaw niya."

Hindi.

Napaatras ako sa sinabi nila.

Hindi maaari ito. Hindi siya si JR.

"Anak."

Lumingon ako. Nasa likod ko sina nanay at tatay subalit duguan sila. Sunog ang kanilang mga damit. Nakalahad ang kamay nila at hinihintay nilang kunin ko ito.

"Sumama ka na," sabi ng isang tinig mula sa aking likuran. Nakatingin sa akin ang lalaking baliw. Naluluha ang mga mata nito at sinabing, "Ate, sumama ka na. Kailangan mo ng umakyat."






(Edited: 05 Nov 2014 and 24 Sep 2017)

PS: Nakakahiya ang dialogue tags at grammar ko sa unang draft nito. Hehehe.

BaliwTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon