Siya si Johaimah Campong, Jhoey for short. Nangungupahan sa isang maliit na apartment, may disenteng trabaho at may damulag na dapat bantayan???
Nang magsabog siguro ng kamalasan sa mundo ay siya lang ang gising dahil sa loob lamang ng isang linggo ay nangyari na ang lahat ng kamalasan sa kanya. Natanggal siya sa trabaho, iniwan siya ng kanyang nobyo, at posibleng mawala pa ang kanyang inuupahan na apartment.
Pero hindi talaga yata siya pinapabayaan ng nasa itaas dahil eksaktong pagkatapos ng isang linggo ng kamalasan ay may liwanag ng pag-asa siyang nakita- email mula kay Joy, barkada niya nung college. Magbabakasyon daw sa bansa ang pinsan nitong Fil-Am- si Marcus Isaac Williams- at may ihihingi ito na pabor sa kanya.
Well, hindi na siguro pabor ang tawag sa hinihiling nito dahil susuwelduhan naman siya nito ng tumataginting na 40,000 pesos for two months. Malaki ang 40,000 pesos pero kakaibang pabor ang hinihingi ng kaibigan- ang patirahin at maging chaperone siya ng pinsan nito habang nasa bansa.Okay na sana ang lahat.
Nakaligtaan lang banggitin ng kaibigan na ang pinsan nito na kasingguwapo ni Zayn ng One Direction ay ubod lakas ang karisma. Ang nakasama pa, sa proseso ng pagtira ng binata sa kanila ay mukhang ang puso naman niya ang magkakaproblema. Mas malakas yata ang kapangyarihan ng mga nakaw na halik at yakap ng binata kaysa sa mala-Miss Tapya niyang pagsusungit.
MALAKING problema pa yata dahil hindi na niya alam kung saan ang reyalidad at kung saan ang produkto ng mga pantasya niya...