"DIOS mio! Ang init!" himutok ni Beverly. Malayo pa ang summer pero kahit hatinggabi na ay napaka-alinsangan pa rin ng pakiramdam niya. Halos ayaw na nga niyang umahon sa paliligo ngunit ilang minuto lang matapos na mahiga siya ay pawisan na naman siya. Padaskol siyang bumangon.
Isinumpa niya sa sariling oras na magkapera siya nang malaki ay bibili na siya ng bagong air conditioner. Sira kasi ang unit na nakakabit sa kuwarto niya at mas praktikal pang bumili na lang ng bago kaysa ipagawa niya iyon.
Itinapat muna niya ang sarili sa bentilador bago humakbang at namintana. Bahagya lang siyang napreskuhan sa simoy ng hanging-gabi. Kinalas niya ang ilang butones ng suot niyang pantulog.
Maano ba kung halos hubad man siyang nakapamintana roon? Wala namang ibang tao bukod pa sa madilim ang kinaroroonan niya. Magpapahangin lang siya sandali at mayamaya ay matutulog na rin.
Ngunit ilang sandali pa lamang siyang nakatindig doon ay nakadama na naman siya ng alinsangan. Isang paghinga ang pinawalan niya. She knew why. Iyon ang isa sa mga pagkakataong nakadarama siya ng pangungulila kay Dave.
Kahit madilim ay nilingon niya ang litrato nitong naka-display sa headboard. Apat na taon na ang nakararaan subalit minsan ay matindi pa rin ang pangungulilang nadarama niya para dito.
Ibinaling niyang muli ang leeg sa labas. Mabuti pang damhin na lamang niya ang maramot na simoy ng hangin kaysa isipin si Dave.
Ilang sandali na siyang nakatanaw sa kawalan nang pagkuwa'y mapagtuunan niya ng pansin ang kislap ng tubig na maasul. Doon napatutok ang atensiyon niya. At sa isang iglap ay may kumislap na ideya sa kanyang utak.
Mabilis siyang bumaba ng bahay. Ilang sandali lamang ay naroon na siya sa mababang bakod na humahati sa magkatabing bakuran. Bale-walang sumampa siya roon at pumakabila.
Halos patingkayad na tinungo niya ang swimming pool ng kapitbahay niya. Madilim din doon dahil mapusyaw na ang nag-iisang bombilyang nakasindi roon. Pero wala siyang pakialam doon. Kahit yata piringan siya sa mga mata ay kabisado niya ang bahaging iyon ng bahay.
Napangiti siya nang ilublob ang mga binti niya sa pool. The water was cool. Hindi naglipat-saglit ay lumusong na siya.
Hindi naman siya bihasang lumangoy. Basta inilubog lang niya ang sarili roon. Paminsan-minsan ay ikinakampay niya ang mga kamay at tinatawid ang bahaging mababaw. Sinalok niya ng palad ang tubig at siyang inihilamos sa kanyang mukha.
Sa pagtingala niya, parang noon lamang niya napagtuunan ang likurang bahagi ng bahay.
Nasa repainting period ang pader. Halos kalahati pa nga lamang ang natatapos.
Napakunot ang noo niya. At kasabay ng pagtataka ay hindi naiwasang may gumapang ding kaba sa dibdib niya.
Hindi iilang beses na nangahas siyang maligo sa pool doon. Ang may-ari ng bahay, si Mrs. Delos Santos, ay naging kaibigan na niya nang lumipat siya roon ilang buwan matapos mawala si Dave. Two months ago nang magpaalam sa kanya ang babae. Pupunta raw ito sa Amerika. Kung magbabakasyon lang o doon na pipirmi, hindi niya sigurado kaya wala rin siyang ideya kung kailan ang balik nito.
Sanay na rin naman siyang papasyal-pasyal lang si Mrs. Delos Santos sa Amerika. Biyuda ito at ang dalawang anak ay nasa magkabilang panig ng Amerika. Kung hindi sa California ay nasa New York ito para makapiling ang mga anak.
She was free to use the pool. Pabor nga ang mababang bakod sa pagitan ng dalawang solar kaya hindi na niya kailangang umikot pa sa harap. Noong may nakatira pa sa malaking bahay, anumang oras ay puwede siyang gumamit ng pool. At iniisip niyang hindi pa rin nagbabago ang setup na iyon.
BINABASA MO ANG
Over The Bakod Lang Ang Pag-ibig
RomanceNakasanayan na ni Beverly ang mag-over the bakod sa kapitbahay para mag-swimming. Nasa kasarapan na siya ng paglalangoy nnag pag-ahon niya ay isang napakatikas at napakaguwapong lalaki ang nakita niya. Si Mitch. Ang bagong may-ari ng bahay. At masun...