Parang may napapanaginipan kong may sumasakal sa akin. Paunti-unti akong sinasakal hanggang sa nahihirapan na akong huminga. Kinabahan agad ako at naubo.
Dumilat kaagad ako. Ang unang bumalagta sa akin ay ang binti ni Laura sa leeg ko.
Naalala ko na sa iisang silid lang kami natutulog kaya't nagsisiksikan kami sa mga kutson na pinagsama-sama.
Kumunot ang noo ko at marahas na tinanggal ang binti niya. Napansin ko sa bintana namin na hindi pa nagpapakita ang haring araw. Umungol si Laura ng malakas at saka ko lang napansin na ang ulunan niya ay nasa tabi ng paa ko.
Hmm..
Nilapit ko ang paa ko sakanya at tinapik ang pisngi niya. Heto makukuha mo sa pagsira ng umaga ko!
Sinampal niya ang paa ko at nakita kong nakapikit pa siya. Tinapik ko ulit pero ito'y medyo malapit sa bibig. Tawang tawa ako sa itsura ngayon. May laway sa gilid ng labi! Pero nanlaki ang mga mata ko nang kinagat niya ang hinlalaki ko sa paa!
"Aray!!"
"Ha?! May sunog?!" Biglang napabangon si kuya Juan. Nakita kong medyo tulog pa 'yata siya dahil sa mga mata niyang inaantok pa. Napapapikit tuloy ako agad.
"Matulog... pa..." Rinig kong bulong ni ate Aurine.
Dumagdag pa ang malakas na hilik ni kuya Crisostomo na nasa pinakadulo, katabi ng pader. Napahagikhik tuloy ako.
"Sino 'yon?" Mabilis na tanong ni kuya Juan. Napatiklop tuloy ako ng bibig.
"Si.." hindi ko na narinig ang sabi ni ate Aurine at mukhang nakatulog na.
Nakahinga naman ako ng malalim pagkatapos ng ilang segundo. Ayoko silang gisingin dahil alam kong pagod sila sa trabaho. Gusto ko na sana tumayo para makapaghanda ng makakain dahil mukhang mga alas kwatro pa lang ng umaga pero nilalamon ako ng katahimikan kaya't naramdaman ko na ang antok.
Makakatulog na sana ako nang may kumagat na naman sa paa ko.
"ARAY!!" Bahagya ko tuloy nasipa ang ulo ni Laura na umungol ulit. Napaupo tuloy ako kung nasapul ko ba ang mata niya o ilong.
"Aray ko, ate.." Narinig kong sambit ni Laura na parang bahagyang umiiyak. Kinuha ko siya at niyakap.
"May magnanakaw ba?" Tanong ni kuya Juan na nakaupo na rin. Nakita kong tulog pa sila ate Aurine at kuya Crisostomo. Dahil madilim pa, hindi makakita agad si kuya Juan. Nasanay na ang mata ko sa dilim kaya't kita ko ang anino ni kuya.
"Wala, kuya... tulog ka pa.." Mahinang tugon ko. Yakap yakap ko pa si Laura na mahimbing na natutulog ulit sa bisig ko.
"Sige, Lay..." At bumagsak ang katawan niya sa kutson.
Nakita ko si Giollo sa tabi ni ate Aurine na mahimbing na natutulog. Napangiti tuloy ako.
Nasa tabi ko si Laura na ang katabi ay pader. Katabi ko si ate Aurine at si Giollo sa gilid niya. Sunod si kuya Juan at kuya Crisostomo.
Nang bumigat na ang hininga ni Laura, inayos ko ang higa niya para magkakapareha kaming lahat ng posisyon. Pagkatapos no'n ay tumayo na ako para maghanda ng isang bagong araw.
Nag saing ako at pumitas sa likod ng bahay namin ng mga gulay katulad ng kangkong para ilaga at para sa sinigang d'Avila. Pagkatapos kong kumuha ng kasangkapan, nag-ayos muna ako ng sarili bago magluto.
Habang nagluluto ng agahan, dumating si ate Aurine sa kusina. Nang tiningnan ko ang bintana, nakalabas na pala ang haring araw.
"Oh, aga mo nagising?" Panimula ni ate habang kumukuha ng sabon pang hilamos.
BINABASA MO ANG
Korona
AdventureInspired by the Selection series by Kiera Cass. 👑👑👑👑👑 She was a royalty. With her two sisters and three brothers living with her, she knew her parents didn't die in an accident. It was murder. That was when she was little. She wants t...