"HINDI BA dapat may opening prayer muna bago ako magsisimula?"
Narinig ni Toni na tanong ni Kristoff. Ilang sandali siyang hindi nakakilos at maang lang na napatitig dito. Hindi niya inaasahang babanggitin nito ang tungkol sa opening prayer. Mukha kasing wala sa hitsura nito ang tipong nagdadasal. Hindi talaga magandang husgahan niya ito agad. May pakiramdam siyang marami siyang madidiskubre sa pagkatao nito habang kasama niya ito sa proyektong iyon.
"O-oo nga pala. S-sure. Would you like to lead the prayer?"
Isang iling ang isinagot nito at mabilis na nag-iwas ng tingin. Hindi na lamang siya nang-usisa. Pumagitna siya at humarap sa mga bata. Nasa tabi niya ito.
"Kids, before we start, pray muna tayo ha? Hihingi tayo ng guidance kay God," sambit niya at nagsimulang manalangin. Marami siyang dapat ipasalamat sa araw na iyon. Unang-una sumipot ang representatives ng Southern Fever. Pangalawa ay marami ang mga kabataang dumalo para sa workshop. Nasa kabilang silid na ang mga interesado sa drums kasama si Jigs. Mukhang mas marami ang interesadong matuto ng drums kaya umabot lamang sa dalawampu ang participants nila. Pero ayos lang iyon. Mas mabuti nga iyon at nang mas matututukan ni Kristoff ang mga ito.
Nang matapos ang kanyang dasal ay pasimpleng nilingon niya si Kristoff sa kanyang tabi. Nanatili itong nakayuko ngunit hindi naman ito nakapikit. Nararamdaman marahil nito na may nakamasid dito kaya nang mag-angat ito ng tingin ay diretso sa kanya ang mga mata nito. Ewan kung guni-guni lang ba niya iyon o talagang may nabasa siyang pait sa mga mata nito. Agad ding naglaho iyon. Ngumiti na lang siya rito at umupo sa isa sa mga silya.
"Magandang gabi. Ako nga pala si Kristoff, ang bass guitarist ng bandang Southern Fever. Nandito ako ngayon upang turuan kayo ng basic guitar," panimula nito. "Now I want you to hold your guitars like this," utos nito sa mga kabataan. Mula sa isang sulok ay dinampot din niya ang gitarang hiniram niya sa pinsan niya. Upang magsilbing halimbawa sa mga batang naroroon ay nagdesisyon siyang pag-aralan na rin kung paano tugtugin ang gitara para naman madagdagan ang instrumentong kaya niyang tugtugin. Sinunod niya ang halimbawa ni Kristoff. Halatang nagtataka ito nang makita siya nitong may hawak na gitara ngunit hindi na lamang ito nagkumento. Nagpatuloy pa ito sa pagbanggit ng bawat bahagi ng gitara.
"Ang unang chord na pag-aaralan nating ay A. Ganito iyon," pagpapatuloy nito. Tinuro din nito kung paano ang tamang pagbasa ng chord chart. Umikot-ikot ito sa mga kabataan habang naka-strap sa balikat nito ang electric guitar. Hindi na iyon nakakabit sa amplifier kaya malaya itong nakakakilos ngayon. Ipinakita nito ang tamang posisyon ng mga daliri sa chord na binanggit nito. Isa-isa nitong inalalayan ang daliri ng mga estudyante nito bago ito huminto sa tapat niya.
Nakagat niya ang kanyang labi nang magsquat ito sa harap niya at pinag-aralan ang pagkakaipit ng daliri niya sa strings. Kumilos ang isang kamay nito at idiniin iyon sa mga daliring naka-ipit sa kwerdas ng gitarang hawak niya.
"Diinan mo pa para mas maganda ang tunog when you strum it," banayad nitong utos. Napalunok siya dahil sa munting kuryenteng tila dumaloy mula sa daliri nito tungo sa braso niya. Medyo nanibago din siya sa malumanay nitong boses. Hindi tulad kanina, hindi na halata ang pagka-irita ng boses nito. Habang nasa harap niya ito ay pakiramdam niya silang dalawa lang ang naroroon. Kontento na siyang pagmasdan ang guwapong mukha nito kahit hindi ito nakatingin sa kanya kundi sa mga daliri niyang nakaipit sa strings ng gitara.
Mahaba pala ang pilikmata niya, sambit niya sa sarili habang patuloy na pinag-aralan ang mukha nito. Mapupula rin ang mga labi nito. At naaamoy niya ang pabango nito pati na ang toothpaste na ginamit nito.
"Strum it," utos nito na pumutol sa kanyang pantasya. Gosh! What happened? Bakit pati toothpaste na ginamit nito ay pinag-iinteresan na rin niya? Ipinilig niya ang ulo upang linawin ang kanyang utak. Mabilis niyang sinunod ang utos nito.
BINABASA MO ANG
The Perfect Love Story [PHR]
ChickLitSouthern Fever Band Book 4 Sequel to LOVE WAS MADE FOR US. This is Kristoff's story. First published by PHR (Precious Pages Corporation)