Love Worth Waiting (from Wani Publishing's Valentine Diaries)

174 2 0
                                    


"Elaina!" sambit ng boses mula sa kabilang cubicle. Lumingon ako at napagtanto kong si Debbie na aking bestfriend pala ang tumawag sa akin. Si Debbie Hizon ang lifestyle editor ng The Mountain Chronicles, isa sa mga sikat na magazines sa Baguio City. Minamadali namin sa araw na iyon ang blueprints para sa February edition ng magazine.

Abala ako sa pagpu-proofread ng isang Valentine-themed feature article sa cubicle ko. "Oo bes, saglit lang tinatapos ko pa kasi 'to," tugon ko. Isa-isa kong sinuri ang mga blueprints at saka inilagay sa brown envelope. Hindi ko namalayang nakatingin pala si Debbie sa akin habang hinihintay ako na mailagay ang brown envelope sa mesa ng aming boss.

Ngumiti siya at saka sinabi, "Bes, tara na! Kanina pa nagrerebolusyon ang tiyan ko. Mag-lunch na kasi tayo. Alas-dos ng hapon na kaya." Sabay turo sa orasan ng opisina at himas sa kanyang tiyan.

"Kahit naman hindi pa lunchtime lagi kang gutom eh. Sige na nga, lalabas na tayo. Ilibre mo ako, ha?" pabirong sabi ko kay Debbie.

"Oo na lilibre na kita, basta gora na tayo. Tomguts na talaga ako girl. As in!" sambit niya. Dali-dali kaming lumabas ng opisina at saka lumulan ng elevator pababa. Sa sobrang abala namin sa deadlines para sa magazine, hindi namin halos napansin ang oras.

Makulimlim ang langit nang lumabas kami ng opisina. Tila nagbabadya ang ulan pero sa di kalayuan, natanaw namin ang sikat ng araw. Nasamyo ko ang simoy ng hangin na may halong amoy ng pine trees. Parang ang sarap maglakad-lakad at mag-"me time" dito mamaya pagkatapos ng trabaho, naisip ko habang papunta kami sa Pizza Rio, ang pinakabagong fastfood chain sa tapat ng opisina namin. Basta kapag si Debbie ang kasama, asahan mong kabi-kabilaan ang food trips.

Halos sampung taon na kaming matalik na magkaibigan ni Debbie. Simula high school hanggang college at pati ngayon sa trabaho ay magkasama kami. Kabisado na namin ang mga ugali at topak ng bawat isa. Sa totoo lang, mas nagtitiwala ako kay Debbie kumpara sa aking mga kapatid lalo na pagdating sa lovelife ko.

At mukhang malakas ang radar nga talaga ni Debbie dahil natunugan niya agad ang nasa isip ko. "Teka maiba tayo, bes. Kamusta na pala kayo ni Paolo?"

Napatingin ako bigla sa aking plato at saka lumagok ng juice. Si Paolo Montalbo ang isa sa mga pinakamalapit kong kaibigan sa opisina bukod kay Debbie. Ang totoo ay crush ko talaga siya simula noong nasa 2nd year college palang kami ni Debbie. Nauna ng isang taon sa amin si Paolo at nakilala ko siya sa Acquaintance Party namin sa university noong February 2010 sa pamamagitan ng isang mutual friend namin sa Facebook. Iyon ang unang beses na nakilala ko siya. Hindi ang kagwapuhan at pisikal na tindig niya ang una kong napansin kundi ang pagpapatawa at pagka-gentleman niya sa akin noong gabing iyon. Sobrang amazing ang personality ni Paolo kaya nga siya ang itinuring na campus heartthrob noong college days ko.

Magpipitong taon na rin pala kaming magkakilala ni Paolo, at hindi ko akalain na pagkatapos ng college ay sa iisang opisina kami uli nagkita.

"Beshie! Hoy!" Tinapik ako ni Debbie sa braso. Namula ang pisngi ko nang ma-realize kong ilang minuto na pala akong tahimik at nag-iisip.

"Ha? Ah...ano nga uli tanong mo, bes? Sorry ah."

Tumaas ang isang kilay ni Debbie saka ako tinitigan na para bang naghahanap ng kasagutan sa aking mukha. Inulit ni Debbie ang kanyang tanong at sa puntong ito medyo napalakas ang kanyang pagkakasabi, "Sabi ko, kamusta na kayo ni Paolo..."

"Uy, ano ka ba?" binulungan ko si Debbie sabay tumingin sa paligid. "May makarinig pa sa iyo diyan eh. Baka mamaya nandiyan lang sa tabi-tabi si Paolo o yung ibang mga kaibigan niya sa opisina..."

"Eh kasi naman, friend. Tulala-ers ka na naman kanina. Siguro kapag may nag-landing na UFO dito, hindi ka pa tatayo sa sobrang lalim ng iniisip mo."

Love Worth Waiting (Published under Wani Publishing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon