KUNG iniiwasan niya si Jaime bago ang pangyayaring iyon ay lalong higit pagkatapos. Ni hindi niya gustong magkasalubong man lang ang tingin nila. Kung hindi nga lang magtataka ang mga magulang ay hindi siya sasabay sa pagkain. Bagaman ganoon na lamang ang pasasalamat niya sa ina dahil monopolado nito ang usapan sa mesa.
"Bakit hindi ka yata kumakain, Lara?" Si Roberto.
Nag-angat siya ng mukha at nasalubong ang mga mata ni Jaime na matiim na nakatitig sa kanya. Agad siyang umiwas ng tingin at itinuon sa ama.
"Nag—nag-snack ako kanina, Pa..."
"May problema ka ba, Lara," si Aurora. "You've been acting strange lately. Nag-away ba kayo ni Emil?"
"H-hindi, 'Ma," sagot niya. "I-ilang linggo na lang kasi at pasukan na uli. Yes! I—I was wondering what course to—to take..."
Ngumiti si Aurora. "Goodness, napakaaga pa para isipin mo iyon. Anyway, sa isang buwan ay luluwas tayo ng Maynila para mamili ng gamit mo."
SUBALIT maraming nangyari bago dumating ang isang buwan.
"Hindi ba kayo papasok, Papa?" tanong niya sa ama nang ihinto nito ang bagong-bagong four-wheel-drive pickup sa may bukana ng gate ng bahay. Bumaba siya mula sa sasakyan. Sinadya ng ama iyon sa kabisera at sumama siya dahil ipinagmamalaki nito ang bagong sasakyan.
"Mauna ka na, hija. Susunduin ko muna ang mama mo sa clinic ni Dr. Luis. Ang sabi ko'y dadaanan ko siya roon. Tuloy maiikot ko itong pick-up bago ko ipasa sa driver natin," nasisiyahang wika nito.
Nagkibit siya ng mga balikat at nilakad ang bahay. Nilingon ang ama na iniliko ang sasakyan sa daan patungo sa kabilang farm.
Papanhik na siya sa silid niya nang mapahinto sa tapat ng guest room. Doon natutulog si Jaime at bahagyang nakabukas ang pinto. Nasa orchard ang binata at marahil ay naiwan nitong bukas ang silid. Humakbang siya patungo roon upang isara nang marinig ang tinig ng ina.
Ang unang pumasok sa isip ay tumalikod. She didn't want to eavesdrop. Nangyari na minsang nanubok siya ng hindi sinasadya at hindi niya gustong maulit iyon. Pero nanaig ang kuryosidad. Ang akala ba niya'y nasa clinic ang ina. Kung naroon ang ina at nagsasalita ay si Jaime ang tiyak na kausap nito. She inched closer.
At sa ikalawang pagkakataon ay nanlaki ang mga mata niya at napasinghap. Lamang ay nagawa niyang huwag magpakawala ng anumang ingay. Si Aurora ay nakayakap kay Jaime at ganoon din ang binata sa Mama niya.
"Hindi niya malalaman, Jaime..." wika ni Aurora na tumingala at sinapo ang mukha ng binata, kinabig payuko at hinagkan sa pisngi. "Kung alam mo lang kung gaano kita pinanabikan..."
Kung paano siya nakalabas ng bahay ay hindi niya alam. Kinasuklaman niya pareho ang dalawa sa oras na iyon. Gusto niyang sumigaw at tumili. Paano nagawa ni Aurora iyon sa papa niya. Ni Jaime sa kanilang lahat. Si Jaime at si Lalie. Si Jaime at ang mama niya. Si Jaime at siya sa muntik na nitong pagsasamantala.
Oh, how she hated him! How she hated her own mother!
Nang gabing iyon ay kinausap niya ng sarilinan ang ama.
"Papa, gusto kong paalisin mo rito sa atin si Jaime," wika niya na lumakad-lakad sa harap ng ama.
Nagsasalubong ang mga kilay ni Roberto. "Ano na naman iyan, Lara? Bakit ba mainit ang ulo mo sa taong iyon. Mabait si Jaime, mapagkakatiwalaan at—"
"Mabait? Mapagkakatiwalaan?" baling niya sa ama. "Hindi mo alam ang sinasabi mo, Papa. Nadadaya kayo ng lalaking iyon!"
"Tumigil ka sa kalokohang ito, Lara," nasa tinig na Roberto ang galit. "Pumanhik ka na sa silid mo."
"Papa, that man almost raped me!" Lumabas sa bibig niya iyon bago pa niya napigilan ang sarili.
Natilihan si Roberto at lihim siyang nasiyahan. Hindi man niya gustong malaman ng ama ang nangyari sa kanila ni Jaime, marahil ay mapapaalis na nito ang lalaking iyon sa kanila.
Ang pagka-shock sa mukha ni Roberto ay nahalinhan ng panlulumo. Bumuntong-hininga at umiling. "Huwag kang gumawa ng usap para lang siraan si Jaime, Lara," wika nito sa tonong hindi niya kailanman narinig sa ama na ginamit sa kanya.
"Nagsasabi ako ng totoo, Papa," giit niya. "At kayo, bakit kayo nagbubulag-bulagan gayong nakikita na ninyong lagi na lang malapit ang Mama sa kanya!"
"Tumigil ka, Lara!" Napatayo si Roberto. "Lumalabis ka na. Hindi ko alam na sa pagpapasunod namin ng Mama mo sa iyo'y iyan ang naging pag-uugali mo."
Napapikit siya. Pero wala siyang balak na tumalikod at magpatalo. "Sisirain ni Jaime ang pamilyang ito, maniwala ka, Papa. Ang Mama—"
"I haven't laid a hand on you, Lara," mapanganib na banta ni Roberto. "Pero huwag kang magsasalita ng anumang bagay sa Mama mo. Hindi mo alam ang sinasabi mo!"
Hindi makapaniwalang lumabas ng library si Lara. Pati ang ama ay hindi gustong pakinggan siya. Sa may puno ng hagdan ay nakasalubong niya si Jaime. Isang nakamamatay na titig ang ibinigay niya sa binata bago siya tumakbo papanhik ng hagdan.
Sa buong magdamag na iyon ay nakabuo siya ng pasya.
BINABASA MO ANG
Sweetheart 5 - All My Love (COMPLETED)
RomanceSiyam na taon si Lara nang una niyang makita si Jaime, ang binatilyong ampon ng lola niya. Kinaiinisan niya ang pagiging malapit nito sa sarili niyang ina. Sa pakiramdam niya'y lahat ng mahal niya'y nakuha na ni Jaime ang atensyon. She was seventeen...