LARO TAYO

32 6 1
                                    

Ilang minuto din pala akong natulala dahil tinangay ng hangin ang diwa at imahinasyon kong malaya.

Ang kaninang mainit na kape ko’y nanlamig na. Nagising ako sa aking ulirat biglang naalala na may
pupuntahan pala, kaya dali daling naligo at nag ayos ng sarili.

Akoy sumakay na ng jeep at dahil ako pa lang mag isa ang laman ay kelangan pa munang maghintay pa
ng iba para mapuno bago umalis. Para hindi mainip, kinuha muna ang earphone at tsaka nakinig ng
paborito kong kanta.

Ilang minuto din ang lumipas ay may dumating na isang babae at kanyang anak na batang lalaki. Pansin
ko na sa kamay ng bata ay may hawak syang smart phone. Abala lang ako sa pakikinig ng kanta habang
pinag mamasdan ang ginagawa ng bata. Mababakas moa ng saya sa mukha ng bata habang patuloy na
naglalaro sa kanyang cellphone.

Akoy napailing nalang at napaisip na ganito na sila ngayon, malayong malayo kung ano kami noon.

Marami sa mga kabataan ngayon ay nahihilig sa mga nauusong laro gaya na lamang ng Mobile Legends,
Rule of Survival at marami pang iba, samantalang kami noon Space Impact at Snake lang masaya na.

Naalala ko pa noon na handa akong mapagod at masaktan nang dahil lang sa habulan. Uuwi ng
madungis at basing basa pa ng pawis, wala pang problema at tanging pamalo lang ni ina ang tanging
pangamba.

Noon kaya kong patumbahin ang lata ng sardinas sa isang tira lang ng aking tsinelas. Noon kaya kong
tumakbo ng mabilis para lang hindi maabot para wag lang maging taya kahit sobrang lawit na ang aking
dila. Nangingiti ako kasi namiss ko yun bigla.

Noon hindi pa uso ang kuryente kaya naman masarap magtago sa ilalim ng bilog na buwan at kelangan
sa bilang ng sampo dapat ikaw na ay nakatago. Sisiksik sa lugar na masisikip, o kaya tatago sa likod ng
puno. Lahat gagawin para lang makapag kubli at para hindi ka mahuli.

Lalabas ang pangmalakasan mong tumbling sa paglalaro ng Chinese garter at minsan pa ay tatalon talon
sa pinagdugtong dugtong na lastiko kasabay sa saliw ng sabayang pagbigkas ng 10..20..30.

Alam mong mas cute ka pa kay Jollibee kapag ikaw na ang sumayaw ng “I want to be a tutubi”. Tiyak na
mapipingot kang talaga kapag sa bilang ng palakpak ng Nanay Tatay ay nagkamali ka. “Langit lupa
empyerno, saksak puso tulo ang dugo”, ewan ko ba pero nakakatakot pala ang lyrics ng larong ito.
HAHAHA

Sa dami ng alam mong tricks sa Jackstone, pwede ka ng maging varsity player. Minsan din naman sa
jolen kapag ika’y natalo, pipitikin ka ng pamato sa kamay pero handa mong tiisin ang sakit kahit
namumula ng ang kamay mo. Yung bayabas na bubot pa, pwede syang gawing Jolen kapag wala kang
pambili.

Minsan ka nadin bang nandaya? Yung magkaparehong teks ay pagdidikitin para maging doble  para sa
tuwing ibabato ay hindi ka natatalo.

Kung bibigyan ako ng pagkakataon, gusto ko sanang bumalik sa panahong musmos palang ang aking
isipan na ngayo’y hinubog na ng panahon dahil sa mga kaganapan ng nakaraan. Pagkaway sa lahat ng
mga eroplanong nagdaan at naaliw sa mga nakakatuwang kwento ni Pedro at ni Juan. Sikyu, Syato,
Patentero at iba pa na ang saya saya. Maghapon lamang na naglalaro sa labas at ang pagod sa mukha ay
hindi alintana, ilan lamang yan sa mga matatamis na alaala na syang  dahilan kung bakit pagkabata koy
nagging kumpleto.

Ang simple lang ng buhay noon, parang ang bilis lang natin mapangiti. Kapag may 25 sentimo ka na, may
pambibili ka na ng kending hubad. Simple ng buhay kasi wala pa masyadong gadget kaya aminin mo man
o hindi, alam kong ika’y napapangiti tuwing naalala moa ng simple pero puno ng masasayang kwento
ang iyong buhay nung ikaw ay bata pa.
Masarap talagang balikan ang ating malayang nakaraan.

-----

Hindi ko na namalayan na malapit na pala ako sa aking pupuntahan.

“Kuya para!”

Akoy bababa na.

PANAPANAHONTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon