December 2, birthday ng nag-iisa niyang anak, ang kaniyang unica ihja, si Kissy. Hindi niya alam kung gaano na katagal ang ngiti sa labi habang pinagmamasdan ang anak na dahan-dahang pumapalakpak sa awiting happy birthday.Hinipan ng may kaarawan ang maliliit na kulay pink na kandila kasabay ng palakpakan ng mga bisita. Hindi lubos maisip ni Madison na anlaki na ng kaniyang anak, sampung taong gulang na. Naaalala niya pa noon kung gaano pa kaliit ang baby na binubuhat at hinehele niya, ngayon... malapit na itong maging dalaga. Ang bilis talaga ng panahon.
Hindi niya maalis ang paningin sa kanyang anak na yumakap sa kaniya. Hinimas-himas pa ang mahabang buhok nito na kinulot sa salon.
"My, nasaan na si daddy? Ang tagal naman niya.''
Oo nga pala, nakalimutan na niya ang asawa. 'Nasaan na nga ba siya?' Sa isip niya.
"Wait, anak.'' Nagmamadali niyang binuksan ang handbag saka kinuha ang cellphone. May message galing sa asawa niya.
'Honey, malapit na ako, nandito lang ako sa entrance may kinakausap lang na kakilala.'
Hindi na siya nagreply dahil nandito na ang hinihintay. Sa function hall ng hotel ginanap ang birthday ng anak ni Madison, malapit kasi sa ospital kung saan sila nagtatrabaho ng asawa niya. Wala din naman silang ginastos sa party dahil ang lolo at lola niya ang umasikaso nito bilang surpresa sa nag-iisa nilang apo.
"Baby, nasa entrance na raw ang daddy, may kinakausap lang,'' sabi niya sa anak sabay ayos sa bangs nito. Pinagpag niya rin ang laylayan nang malambot nitong pastel dress. Pinagmasdan niya rin ang mahahabang pilikmata ng anak pagkatapos ay ang maliit na ilong. Hindi niya mapigilang tingnan ang bawat anggulo ng mukha ng anak.
'Napakaganda ng anak ko.' Sa isip niya.
"My, susunduin ko na lang siya para sabay na kami umakyat. Excited ako kung anong gift niya.'' Napansin niys ang hindi mapigilang gigil ng anak kaya't pinayagan na niya ito.
"Mga bata talaga." Bulong niya. Bago siya bumalik sa party para asikasuhin ang mga bisita ay tinanaw muna niya ang anak na pumasok sa elevator.
Lumipas ang ilang minuto, isinalansan na muna niya ang bulto ng mga regalo galing sa mga kakilala habang hinihintay ang kaniyang mag-ama. Narinig niyang bumukas ang elevator. Nilingon niya 'yon agad, napatayo, para salubungin ang mag-ama. Ang ngiti niya ay napalitan ng pagtataka. Ang asawa niya lang ang lumabas sa elevator, wala si Kissy.
Sinalubong naman siya ng halik sa labi ng nakangiting asawa.
"Si Kissy?'' tanong nito sa kaniya.
"Hindi mo ba kasama?'' Nagtataka siyang tinanong ng asawa na parang walang ideya na dapat ay susunduin niya ang anak nila.
"Ang sabi niya susunduin ka niya sa entrance, excited siyang bumaba para makita ka.'' Nag-umpisang sumibol ang kaba sa dibdib ng ina. Hindi siya mapakali sa pagpisil sa mga daliri.
"'Wag kang magpa-panic, honey, relax baka nagkasalisihan lang kami. Ako na ang hahanap sa kaniya.'' Tinapik muna niya ang balikat ng misis bago ito bumalik sa elevator.
Hindi matiis ni Madison na pisil-pisilin nang mariin ang palad dahil sa kaba na baka may nangyari na sa anak, pero mas nangingibabaw sa isip niya na sana ay wala. Unti-unting namuo ang malagkit na pawis sa kaniyang noo at likod, umiinit ang pakiramdam niya na hindi niya maintindihan. Ang asawa naman niyang si Kervin ay hinihintay bumukas ang pinto ng elevator, makailang ulit pa niyang pinipindot ang buton noon para magbukas na.
Nang tumunog ang bell ng elevator ay tarantang lumapit doon si Madison, hinihintay kung sino ang ilalabas ng pinto. Umangkla siya sa asawa at kabadong kinagat-kagat ang bagong linis na kuko. Mga empleyado ng hotel ang nakaharap sa kanila, mga aligaga ang itsura at hindi malaman ang sasabihin.
"Ang anak niyo po..." Paglalakasoob na sambit ng lalaking empleyado.
Nang marinig ng babae ang salitang 'yon ay agad siyang sumakay sa elevator. Hindi na niya hinintay ang asawa at pigil hiningang naghintay sa pagbaba. May kung anong kuryente sa dibdib niya na pumipigil sa paghinga. At nang tumunog ang elevator ay napatakbo siya sa mga nakakumpol na mga tao.
Binubuhat na sa stretcher ang kaniyang anak. Napako ang mata ni Madison sa bahid ng dugo sa magandang pastel dress na binili niya para sa anak. Natulala siya, bumagsak ang balikat hanggang sa manginig ang kamay. Ayaw tumulo ng luha niyang namuo na sa mata.
Nagawa niyang lumakad palapit sa may hagdan kung saan kanina nakahandusay ang anak. Kinuha niya ang cellphone na basag na ang screen. Pinindot niya ito para tingnan kung gumagana pa. Nanlaki ang mata niya nang makita kung ano ang meron sa screen.
▪️
Sa ospital...
"Kissy, anak!" Yakap ni Madison ang batang nakahiga sa kama. "Open your eyes, anak, malapit na ang 25th birthday ni mommy, di ba sabi mo gusto mong mamasyal tayo sa Japan? Promise, hindi na kita pagagalitan, open mo lang eyes mo."
Inayos niya ang buhok ng anak. 'Kanina, inayos ko lang 'tong bangs mo.' Tumulo naman agad ang luha niyang kanina pa namuo sa mata.
'Kanina, ang saya-saya mo pang nginingitian ako.' Hinahaplos-haplos niya ang malamig na pisngi ng anak.
'Bakit nangyari sa'yo to? Bakit?!'
"Anak! Gumising ka na." Hagulgol niya sa harap ng wala ng buhay na anak. "Nandito na ako, kaya gumising ka na? Saan ang masakit, iki-kiss ni mommy para mawala na, gumising ka, Kissy! Kissy!"
Halos mamaos ang ina sa kaiiyak. Bumabalahaw sa kwartong 'yon ang boses ng naghihinagpis na ina. Kung saan ang masayang araw ay naging trahedya. Hinayaan na lang muna siya ng kanilang kaanak na mapag-isa.
Ilang minuto ang lumipas ay naririnig na lang nila ang pagkanta niya. Kinakantahan ni Madison ng isang lullaby ang anak.
"Apo..." Pumasok ang lola ni Madison.
"Sshh... mama, baka magising si Kissy, kakatulog lang niya, napagod siya sa birthday party kaya pinatulog ko muna," sabi ng babae habang tinatapik ang nakahigang anak.
Pinunasan ng matanda ang mata, kagat-kagat ang ibabang bahagi ng labi, pigil na pigil ang hindi maiyak.
"Halika na, apo."
"Hindi po, dito lang ako, baka kasi magising si K-Kissy... -nanginginig ang labi niya- hanapin niya ako." Pagpikit niya ay tumulong muli ang luha niya. Doon na siya niyakap ng lola. Muli na namang humagulgol si Madison... nang matagal.
▪️▪️▪️
BINABASA MO ANG
THE LADY FROM ANOTHER WORLD
FantasíaA WOMAN FROM ANOTHER WORLD TRANSMIGRATED FROM A KINGDOM. WOKE UP AS THE QUEEN THEN LATER ON SHE WILL BECOME THE EMPRESS. ▪▪▪ THE LADY FROM ANOTHER WORLD 🌸 HiraethCat ©2020, HiraethCat All Rights Reserved