Mukha.
Iba't ibang mga mukha.
May masaya.
May luhaan.
May nagpupuyos sa sama ng loob.
Ngunit ang pinakapaborito ni Mimi?
Ang mukhang takot na takot.
Gimbal na gimbal.
Puno ng pangingilabot.
Napabuntong-hininga siya. Tanging ang mahinang paglagitik ng orasan ang maririnig sa silid niya ngayon. Dis-oras na ng gabi pero hindi pa siya makatulog.
Pinagmasdan niya at tahimik na binilang ang mga obra sa kanyang pader. Sadyang kay gaganda nga ng mga ito.
Kuhang-kuha ang bawat detalye.
Kitang-kita ang iba't ibang emosyon.
Nadako ang paningin niya sa pinakabagong karagdagan sa kanyang koleksyon. Napahagikhik siya.
"Ito ang unang beses... kaya sabik na sabik na ako para bukas."
Pagkatapos noon ay gumuhit ang isang kakaibang ngiti sa mukha n'ya—
Sa kanyang mukha sa ngayon.
•••
"Okay guys, let's pray. Close your eyes and..."
Napabuga na lamang ng hangin si Adriana at napanguso nang bahagya. Humarap siya sa bintana ng sinasakyang bus at napahalumbaba.
Hinawi niya ang kulay itim niyang buhok na may puting highlights sa unahan patungo sa likod ng tainga niya at itinutok ang paningin sa senaryo sa labas ng sasakyan.
Tirik na ang araw sa silangan kaya naman kumikinang ang malalawak na palayan na puno ng patubig. May mga puting tagak ring makikita sa di-kalayuan at mga maliliit na kubo na malamang ay sa mga magsasaka.
Nasisinagan ng araw ang mukha ng dalaga na hindi maikakailang maalindog. Mahahabang pilikmata, ilong na matangos, mga labing nagpapakawala ng mapang-akit na ngiti at siyempre, ang paborito niyang parte: ang mga matang parang nakikita ang budhi mo sa talim ng mga titig.
Napabuntong-hininga ang dalaga.
"Enjoying the view? Hindi ko alam na naturalist ka pala, Addie." Napukaw siya nang marinig ang mahinang boses ng katabi. Naningkit ang kanyang mga mata sa pagharap dito.
"Shut up, Yaz. At least, medyo refreshing sa labas kaysa naman dito," maarte ngunit mahina pa ring tugon ni Adriana bago inilipat ang tingin sa harapan. Nakaupo kasi sila sa pinakadulong bahagi ng bus at maliban sa kanilang tatlong magkakaibigan, lahat ng iba pa ay mga estudyante mula sa dalawang paaralan na ang destinasyon ay sa isang camp para mag-team building.
"They look so cheap. Puro scholars na mahihirap." Kasunod noon ay ang pag-ikot ng mata ng dalaga.
"Ano ka ba, baka marinig ka nila. Pinasakay na nga tayo for free 'no," litanya naman ni Cindy, ang isa pa nilang kasama. Medyo nag-aalala ang mukha nito at sinusulyapan ang ibang estudyanteng nagdarasal.
"Whatever. If only that stupid Timothy didn't take my car keys with him, we would've been partying in my car right now. Not like this one hell of a ride." Napangiwi na lang sina Yaz at Cindy sa winika ng kaibigan. Talagang walang sinasanto ang dila nito, kahit pa ang sariling ama.
Hindi na nagsalita pa ang dalawa dahil alam naman nilang hindi sila mananalo. Natapos na ring magdasal ang guro sa bandang unahan kaya namayani ang payak na katahimikan.
Matagal nang magkakaibigan sina Adriana, Yazrie, at Cindy. Mula elementarya hanggang ngayong magtatapos na sila ng kolehiyo ay magkakadikit pa rin sila dahil ang kanilang mga pamilya ay may kaya at nag-aaral sila sa mamahaling paaralan. May taglay rin silang katanyagan dahil sa pagiging social media influencers at pagiging modelo rin ng ilang produktong pampaganda, lalo na si Adriana.
BINABASA MO ANG
Mimi [ONE-SHOT]
Mystery / ThrillerMaaaring siya'y matalik mong kaibigan. Puwede ring mortal na kalaban. Baka nga katabi mo lang siya sa upuan. Basta, ang lagi mong tatandaan... Mag-ingat kay Mimi. •••