Nine-thirty na pala. Ang sakit ng ulo niya.
Ano bang nangyari kagabi?
Hay, ang hirap mag-isip kapag ganitong parang sasabog ang utak niya. Malamang si Carl na naman ang umalalay sa kanya para dito siya mahiga sa sofa nila Dean. Maasahan pa rin talaga ang mokong na iyon.
May nagawa kaya siyang kabaliwan kagabi? Paano kung nakita ni Elaine? Nakakahiya. Hindi naman kasi talaga uminom yun. Patikim-tikim lang sila ni Kiara kagabi. Daldalan nga lang yata ang ginawa ng mga iyon magdamag.
"O ano? Sakit ng ulo mo ano?"
Si Kiara. May dala itong kape at magic tablet.
"Opo, lola." Birong tugon niya.
Akala mo kung sinong makapanermon. Lagi itong ganyan. Tagapag-bawal ng mga bagay na alam nitong makakasama sa kanya.
"Okay lang namang uminom. Pero dapat moderate lang. Kung uminom ka kasi parang wala nang bukas. Hindi ka na nahiya kay Elaine."
Natigilan siya sa sinabi nito.
Si Elaine?
"Ano bang ginawa ko kagabi?"
"Naglasing. Ano pa nga ba?"
"Ang ibig kong sabihin, may ginawa ba akong hindi maganda?"
"Ewan ko sa'yo. Ang hirap mo na talagang sabihan."
Nilingon niya ito. Umagang-umaga ang asim ng mukha. Wala yata ito sa mood palagpasin ang kakulitan niya. Pagod na din kaya itong pagtiyagaan siya? Kasi lahat yata sila pagod na sa kanya.
"Eh bakit nakasimangot ka diyan? Sayang pa naman yung sinabi ko sa'yo kagabing gumaganda ka."
Biglang nagliwanag ang mukha ni Kiara Saka ito nangingiting tumingin kay Noah.
"Talaga bang gumaganda ako?"
"Siguro nagpapacute ka kung kanino?"
Hindi ito sumagot pero halatang kinikilig. Tignan mo itong babaeng ito.
"Sino yan???"
"Bakit ko sasabihin sa'yo? Ikaw baa ng tatay ko?"
"Ang daya mo naman. Samantalang ikaw alam mong lahat ng sikreto ko."
"Hindi pa pwede. Basta malalaman mo din naman in time."
"Ano??? Hindi pwede. Dadaan muna sa akin yung unggoy nay un bago niya mahawakan ang dulo ng daliri mo."
Natawa ito.
"OA. Na-meet na siya nila dad."
Natigilan siya sa sinabi nito. May ganitong ganap nap ala sa buhay ng kaibigan niya wala man lang siyang kaalam-alam.
"O, bakit natameme ka na diyan?" Tanong ni Kiara nang mapansing natahimik siya.
Hindi siya suamgot bagkos ay tinalikuran niya ito.
"Sige na nga. Gusto mong malaman kung sino?"
Bigla siyang lumingon pabalik dito at parang asong tumango.
"Kilala ni Elaine. Itanong mo sa kanya."
Saka ito tumawa at dali-daling bumalik sa kusina.
Asarrr.
"Hay, buti naman at gising na itong si Noah. Kakain na tayo."
Si Dave, kuya ni Dean at tanging kasama nito sa bahay. Parehong may sarili nang buhay ang mga magulang nila Dean. Nasa Dubai ang papa nito bilang engineer at nasa Canada naman ang mama nila bilang nurse. Tulad ni Dean ay may pagka-cool din itong si Dave. Ayos lang dito na mag-inuman sila sa bahay at tumambay buong araw. Mas okay daw iyon kesa sa kung sang lugar pa mapadpad ang kapatid. Busy din kasi ito sa med school kaya hindi na rin masyadong matutukan ang kapatid.