It's been years. . .
Naglalakad ako palabas ng bookstore bitbit ang bagong bili kong libro. Balak ko na itong basahin habang nagpapalipas ng oras sa isang coffee shop.
Naalala ko lang kasi na ang sumulat ng librong ito ay ang paboritong manunulat ng babaeng minsan ko nang minahal at ginawang mundo ko.
Ga'no katagal na nga ba ang lumipas? Tatlo?
Hindi ko na rin maalala.
"Isang caramel macchiato," ang inumin'g natutunan kong makahiligan dahil sa kanya—na hindi ko na naalis sa sistema ko magpahanggang ngayon.
Umupo ako sa tagong parte ng coffee shop at agad na binuksan ang librong binili ko.
Mahilig din naman akong magbasa, pero magkaiba kasi kami ng hilig sa libro. Kung ako ay classics, romance naman ang gusto niya. Isa siyang hopeless romantic, at isa 'yon sa mga minahal ko sa kanya.
Pero bakit ko ba siya iniisip?
Nagsimula na akong basahin ang binili kong libro, habang tumutugtog ang mahinang tunog ng piano sa speakers ng coffee shop, at ang di kalakasang nagmistulang bulungan ng mga taong kasama ko sa loob ng lugar na 'to.
"Caramel Macchiato for Rai?"
"Baby, yung drink mo!" Inalog niya ang balikat ko nang marinig ang pagbanggit ng barista sa pangalan ko. Nakaugalian na namin ang maghati sa isang malaking drink dahil siya lang naman halos ang umuubos at nakikitikim lang ako.
Tumayo ako at kinuha ang drink ko—namin. Pagbalik ko sa tabi niya ay nagbalik nanaman siya sa pagbabasa ng libro.
"Love, oh." Nilagay ko na ang straw, tapos ay inilapit ko na 'yon sa bibig niya. Sumimsim naman siya ng hindi inaalis ang mata sa binabasa.
Ang ganda niya talaga. . .
Hindi ako nagsasawang tignan ang maganda niyang mukha. Kahit panay ang reklamo niya sa mga tigyawat, pekas, pisngi, panga, labi, mata, ilong at noo niya ay iniintindi ko nalang.
Hindi niya naman kasi nakikita ang nakikita ko.
"Ang uncomfy, wag mo akong titigan." Nakatingin na pala siya sa'kin ulit. Hindi ko napansin kasi abala ako sa pagtitig sa mukha niya.
Hindi naman kami araw araw nagkikita, kaya na rin siguro kada magkikita kami ay sinusulit ko na ang pagtitig sa mukha niya. Dahil alam ko, matagal bago ko iyon makita ulit sa personal.
"Bakit ba? Eh sa gusto kitang tignan." Lumapit pa ako ng kaunti sa kanya. Ngumiwi siya at inirapan ako, pero hindi nakatakas ang maliit na ngiti na wari mo'y pinipigilan niyang ilabas.
"Titignan, eh ang pangit pangit ko. Wag nga!" Tinulak niya pa ang mukha ko palayo. Natawa nalang ako at kinuha ang kamay nya, bago pinagsalikop ang daliri namin.
Tinignan ko siya ng diretso sa mata,
"I love you," unti unting napangiti ang kanyang labi.
"I love you." Sagot niya, bago ko naramdaman ang paghigpit ng hawak niya sa kamay ko.
"For Rai? Caramel Macchiato," naulinigan ko ang pagpapaulit ulit ng barista sa pangalan ko. Agad akong tumayo at kinuha ang inumin ko.
Nang bumalik ako sa pagbabasa ay nasa unang pahina parin ako, at tsaka ko napagtantong—lumilipad nanaman ang isip ko.
Isang taon lang naman tumagal ang relasyon namin. Masakit, oo. Pero kelangan na talagang bumitaw, kase nakakaubos na.