kaibigan

8 3 0
                                    

Nakaupo ka lang sa iyong upuan. Nagmamasid sa mga matang nakatingin sa iyo. Naghihintay ng mga gagawin mo.

Bumukas ang pinto. Pumasok ang mga kaklase mo. Kasabay ng kaibigan mo. Nakatingin siya sa iyo habang nakangiti. Papalapit nang papalapit. Naupo siya sa iyong tabi. Katulad ng dati.

Binati ka niya. Tumingin ka sa mga kaklase mong nakatingin sa iyo, bago bumati sa iyong kaibigan na katabi mo.

"Kumusta ka?" Tanong niya sa iyo. Hindi ka sumagot. Nakatingin ka lang sa iyong mga kaklase. Muli ka niyang tinanong. Sa pangalawang pagkakataon, sumagot ka na.

"Ayos lang. Ikaw?" Sagot mo sa kaniya habang nakatingin sa kaniya. Ngumiti siya. Saka sumagot.

"Ayon, 'di na naman ako pinansin ng nagugustuhan kong lalaki." Sa kaniyang boses, mapapansin mong malungkot siya.

"Ayos lang 'yan." Sabi mo nang nakangiti.

'Rinig mo ang bulungan ng iyong mga kaklase. 'Yan na naman. Mga nakakabinging bulungan. Mga hagikhik ng mga kaklase mong babae. Mga iniisip nilang baliw kana.

Napaisip ka. Ano na naman ang problema?

Ah. Naisip mo na. Oo nga pala. Ikaw lang ang kumakausap sa kaniya dahil ikaw lang naman ang nakakakita sa kaniya. Sa iyong kaibigan.

IsipTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon