Ang ganda ng pangalan ni Ethan pero papapangitin ko dahil isa siyang malaking NAIA Terminal 1.
Nandito na kami sa kanila. Hindi, mali ka. Walang malaking gate na kasingtaas ng noo ni Ethan. Walang dalawang maid at isang mayordomang ala militar kung magmartsa para pagbuksan kami ni Jojo. Wala ring mala-Sky Gardeng hardin at isang kilometrong lakaran bago makarating sa mismong pintuan.
Wala. Walang gano’n. Pinto agad. Mayaman?! Mayaman?!
Nakita kong papalabas na si Ethan. Amputa. Nakangiti pa. Hindi ko na napigilan, sinugod ko siya at sinuntok sa kanang panga. Nabalya niya pa ang pinto bago mapaupo habang sapo ang natamaang panga. Nang makabawi, nanlilisik ang mga matang tumingin sa akin si Panotski. Tumayo siya at in-uppercut ako.
“HOY! Tinatanong kita kung bakit ka nandito,” kunot-noo, simangot ang mukha, at iritadong tanong sa akin ni Ethan.
Shet! Ang sarap totohanin n’ong sapak!
Dahil sa bulyaw ni Panoters, bumalik ako sa huwisyo---imagination lang na nag-upakan kami. Pangarap, mga gano’n.
Hindi ko alam pero hindi ko siya kayang pagbuhatan ng kamay. Naaawa ako kasi baka magmukha na siyang noo na tinubuan ng facial features kapag binugbog ko pa siya.
Nakita ko sa peripheral vision ko na dumistansiya sa amin si Jojo. Huminga muna ako nang pagkalalim-lalim bago nagsalita.
“Brida. 2K,” walang kagana-gana kong sagot sa kanya. Sino ba naman ang gaganahang harapin at kausapin ang taong inayawan ka? Maisip ko pa lang na ako, noong kami pa, eh, todo-lambing at todo-effort sa relasyon namin, siya pala, unti-unti nang bumibitiw. Maisip ko pa lang na 'yong mga sagot niya sa “I love you’s” ko ay puro pilit at pakitang-tao na lang, nasusuya na ako. Madali naman kasi akong kausap. Hindi siya makakarinig ng kahit anong sumbat mula sa akin. Hindi ko siya pipigilang makipaghiwalay. Masakit, oo. Pero hindi mo naman mapipilit ang kahit sino na gustuhin ka nang buong-buo. Ang gusto ko lang, sabihin niya sa akin ang totoong dahilan. Hindi ko matanggap na dahil lang sa ayaw niya sa ugali ko, eh. Like, duh! I’m so bait kaya! Punong-puno ako ng modo! Psh!
“'Yon lang ba? 'Yong Brida, ipadadala ko na lang kay Katty tutal officemates naman kayo. Hiniram ng pinsan ko, eh. 'Yong 2K, tsk… Ibabalik ko 'yon 'pag sumuweldo si Mama, baka bigyan ako.”
“Ethan, bakit? Hindi ko maintindihan, eh. Ayaw mo sa ugali ko? Bakit? Alam mo no’ng umpisa pa lang na ganito na ako. Alam mo, sa umpisa pa lang, na mahadera ako. Na balahura ako. Alam mo 'yon. Sumobra na ba? Nakakahiya na ba? Ano? Bakit?”
Nakita ko namang medyo lumambot ang ekspresyon ng mukha ni Ethan. Sa itsura niya, mukhang nahihirapan din siyang sabihin sa akin ang dahilan kung bakit siya umayaw sa relasyon namin. Ah, hindi. Nahihirapan siyang sabihin sa akin ang dahilan kung bakit umayaw siya sa akin.
Pasimpleng lumingon si Ethan sa paligid---sa mga pinto at mga bintana ng mga kapitbahay. Tinitingnan niya siguro kung may mga matang nakadungaw at kung may mga taingang nagluluga---este, nakikinig. Nang masigurong wala, tumingin siya ulit sa akin at saka sumagot sa pang-MMK kong pagdadrama.
“Laya, alam kong matalino ka. Maganda. Sexy---“
“Eh, putangina! Bakit ka nakipag-break?!”
“Teka, puwede?! 'Yan! 'Yang ugali mong 'yan! Masyadong mainitin ang ulo mo, Laya! Palagi akong mali sa 'yo. Palagi na lang gusto mo ang dapat masunod. Palaging dapat ikaw ang tama! Bawal kang kontrahin! Tangina! Dalawang taon at kalahati tayong magkarelasyon, Laya! Sa loob ng mga taong 'yon, wala ka nang ibang ginawa kundi magbunganga! Mura dito, mura do’n. Expression? Hindi, eh! Nakakainsulto ka na kasi! Minahal kita, Polyana. Sobra. Pero sana, hindi ka naging self-centered. Sana naging sensitive ka man lang. Kahit kaunti lang. Kahit kaunti, Polyana. No’ng nag-stop ako sa pag-aaral, no’ng mga panahong hindi agad ako nakapasok sa college, tangina, nakipag-break ka! Sinabi mo na magfo-focus ka sa pag-aaral, pero akala mo ba hindi ko alam kung bakit ka talaga nakipag-break? Alam ko! Mahirap ako pero hindi ako tanga! Inayawan mo ako dahil hindi mo matanggap na magiging tambay na lang ang boyfriend mo! Pero ano? No’ng nalaman mong nagawan ng paraan ni Tita na makapag-aral ako ulit, parang himala---bumalik ka. Tinanggap kita dahil mahal kita. Pero wala. Sa tuwing magkasama tayo, hindi lilipas ang araw na hindi ako nakakatanggap ng mga pasimpleng insulto galing sa 'yo. Galing sa babaeng mahal ko.”
I was stunned. Kitang-kita ko sa mga mata ni Ethan ang hinanakit. Ang pagkainsulto. Ang pigil na pigil na galit para sa akin---para sa isang katulad ko.
Hindi sumagi sa isip ko na naging insensitive ako noon. Oo, aaminin ko na nakipaghiwalay ako kay Ethan dahil sa paghinto niya sa pag-aaral. Pero masisisi mo ba ako? Hindi lang naman sarili ko ang iniisip ko noong kami pa ni Ethan. Iniisip ko rin kung paano siya matatanggap ng mga magulang ko. Not that my parents would look down on him, pero gusto kong maipagmalaki sa mga magulang ko ang sino mang lalaking mamahalin ko. No, that’s not being lame. That’s being practical. At, pasimpleng insulto? What the hell? Parte 'yon ng palabirong ako. Parte 'yon ng paglalambing ko. I swear I never intended to insult anybody. Well, yeah, sometimes when people act stupid. But not him. Not my man.
Nakita ko ang pagpipigil ni Ethan ng inis na nararamdaman niya. Ako, nakatanga lang sa kanya. Wala akong masabi. Hindi ko maidepensa ang sarili ko.
“'Yon lang ba? Pumunta ka ba dito para lang singilin ako sa utang ko? 'Wag kang mag-alala. 'Di kita tatakbuhan.” Iyon lang at tinalikuran na ako ni Ethan.
Naramdaman ko ang marahang pagtusok ni Jojo sa pisngi ko. “Hoy, friend. Ayos ka lang? Supalpal ka, ah. Hehe.” Tingnan mo 'tong lukaret na 'to. Natutuwa pang nasopla ako ni Panoters.
PANOT BA SI ETHAN? Well, medyo? Uh, parang oo? No, hindi siya pangit. As if namang papatol ako sa pangit, 'no! (Wow! Ang ganda ko lang, 'di ba?) Siyempre guwapo si Ethan! Hindi na nga ako sobrang ganda—magandang-maganda lang nang kaunti, kaunti lungs—papatol pa ba naman ako sa not so guwapo?
Guwapo si Ethan. No, hindi mala-Cross Sandford na palaging naghuhubad at may sobrang sarap na abs. Hindi rin mala-Troy Harris Smith na puwede kong maging fake Facebook boyfriend. Hindi rin mala-Lance Mariano na isang sadista. At hindi rin mala-Owwsic na sobrang guwapo sa personal (at ka-dictionary ko pa yata). Simpleng lalaki lang si Ethan. Five feet, six inches tall. Kulay tsokolate ang balat—Goya Dark Chocolate na hinaluan ng Magnum Gold. Ang mga mata niya ay parang sa isang anghel sa aking labi na nakalutang sa ulap at nangingiliti. Kung ang alat at asim ng buhay ay tulad ng hain ni Inay, suspetsa ko buong mundo’y magiging mapayapa at masaya. Kinanta mo, 'no? Kung oo, magkahenerasyon tayo—henerasyon ng Maggi Sinigang Mix sa Miso. Going back to Ethan, emenggard, I’m sarrey! May ilong siya na may dalawang butas. Ang mga labi niya naman, natural na mapupula. Masarap. Sobrang sarap. Rawr.
At sure na may dalawa siyang ulo—taas at baba.
“Tara na nga! Dinramahan pa 'ko makalusot lang sa utang niya! Peste!” Hinatak ko na si Jojo palayo sa sinumpang bahay na 'yon na may sinumpang lalaking may dalawang ulo!
“Oh, eh, ba’t affected ka? Drama lang pala. Ba’t hindi ka nakapagsalita? Asus.”
“Kasi peste siya. Anong insulto ang pinagsasabi niya? Sinabi ko lang naman noon no’ng nadapa siya sa isang basketball match nila na tatanga-tanga siya, eh. Tas no’ng na-late siya nang dalawang oras no’ng minsang nag-date kami, pinagsabihan ko lang naman siya na tatamad-tamad bumangon, ah? Tas no’ng minsang hindi niya ako na-text nang isang buong araw, sinabi ko lang namang matuto siyang mag-ipon ng pang-load at huwag nang magwaldas. Nasa’n ang insulto do’n?! NASA’N?!” Lumalabas na ang dalawang vertical ugat sa noo ko dahil sa sobrang pagkagigil kay Ethan. Makapagdrama kasi akala mo, aping-api. Ayoko pa naman sa mga taong paawa. Nakakabuwisit.
Idinikit ni Jojo ang hintuturo niya sa dibdib ko. Poker-faced habang taglay ang pang-Flappy Bird na nguso.
“Oh, ano 'yan?” tanong ko habang nakatingin sa hintuturo niyang nakadutdot malapit sa left fluffy mountain ko.
“'Yan. 'Yang existence mo ang insultong hinahanap mo, Polyana.”
***