Ang Asong Bundok at ang Tagak
Minsan, habang gahamang kumakain ang asong bundok, bumara sa kanyang lalamunan ang isang buto. Hindi ito makahinga at halos mamatay sa hirap na nararanasan.
Nagkataon namang napadaan ang isang tagak na namamasyal noon. Humingi ng tulong ang asong bundok sa tagak.
"Tagak, tulungan mo akong alisin ang butong nakabara sa aking lalamunan. Kapag naalis mo ito, ikaw ay aking gagantimpalaan," nagmamakaawang wika ng aso sa tagak.
Bagama't nagdadalawang-isip ay sumunod na rin ang tagak. Dahil sa mahabang tuka nito, sandali lamang niyang naalis ang nakabarang buto sa lalamunan ng asong bundok. Ngunit nang hingin ng tagak ang ipinangakong gantimpala ng asong bundok ay umangal ito.
"Hindi pa ba sapat na pinayagan kong alisin mo ang iyong ulo sa aking bibig?"
"Sinasabi ko na nga ba," sa loob-loob ng tagak. "Pag nagsilbi ka sa isang masama, huwag kang maghihintay ng gantimpala."
BINABASA MO ANG
Pabula Collection
Non-FictionAng Pabula ay isang uri ng panitikan kung saan ang mga tauhan ay mga hayop na kumikilos at nag-aasal na parang tao. Ito ay nagbibigay ng moral na aral sa mga batang mambabasa. Patuk na patok sa mga bata ang ganitong uri ng kwento sapagkat napupukaw...