Seventy-Six

21.7K 1K 177
                                    

NAGPAKA-Siamese twins kaming dalawa sa elevator habang paakyat sa bahay.

Tinuyo lang ni Mere kanina 'yung mukha ko n'ung nakabawi na ako. Hinalikan niya ako 'tapos hindi na niya binitawan 'yung kamay ko hanggang sa maka-uwi kami. Hindi pa kami nagsasalita mula kanina.

Pagpasok namin sa bahay, giniya ko siya sa laundry room para iderecho na namin sa washing machine 'yung mga damit namin. Sumunod lang si Mere sa 'kin.

"Ikukuha kita ng tuwalya," sabi ko bago ako nagmadali papunta sa banyo sa kuwarto namin.

Pagbalik ko, nakatayo pa rin si Mere kung saan ko siya iniwan. Basang-basa siya, namumutla at yakap-yakap ang sarili habang maya't maya eh nangangatal. Ang sakit-sakit ng dibdib ko sa hitsura niya. Lumapit ako at pinunasan 'yung mukha niya. Kinuha niya 'yung tuwalya sa 'kin.

"Magbihis ka na," tahimik kong sabi. Lumayo ako sa kanya para maghubad na rin. Nilagay ko sa washing machine 'yung polo ko saka ko siya ulit binalingan para kunin 'yung mga damit niya pero hindi pa rin kumikilos si Mere. Nakatingin lang siya sa 'kin.

"Meredith?"

Nag-angat siya ng namumulang mga mata sa mukha ko. Nang magsalita siya, nangangatal ang boses niya at halos pabulong lang 'yun. "Alam ko naman 'yung nakaraan mo eh. Hindi naman mahalaga na maraming nauna sa 'kin kasi alam ko naman na ako na lang ngayon." Humikbi siya. "Hindi ako naniwalang ngayon lang nangyari 'yung nasa video pero alam mo 'yun? Ang sakit-sakit pa rin na mapanood siya, na makita kong may kasama kang ibang babae 'tapos ginagawa mo sa kanya 'yung ginagawa mo sa 'kin."

Tinakpan niya ng tuwalya 'yung mukha niya at tuluyan na siyang humagulgol. Tumungo na siya na parang masakit ang sikmura niya. Nagmadali kong lumapit. Hinapit ko na siya sa baywang at niyakap ko na siya ulit ng mahigpit.

Hindi ako nagsalita. Hindi ako nagsimulang magpaliwanag. Hinayaan ko lang siyang umiyak. Ang sakit din sa 'kin. Parang paper cut sa puso 'yung bawat hikbi niya.

Mapapatawad ko pa si Liz na pinakain niya ako ng na-red tide na tulya o na manyak siyang nanghihipo ng di dapat hipuin o na naglabas siya ng video na magpapahiya sa 'kin sa mundo, pero itong sinaktan niya si Meredith, hindi ko 'to mapapalampas. Ipapagawa ko talaga kay Alessa 'yung banta niya... Si Alessa na dahil wala akong balak lumapit sa kahit anong bahagi ng katawan ni Liz.

Ako na 'yung nagtanggal ng mga damit ni Mere pero siniguro kong walang malisya 'yung hawak ko. Hindi ngayon ang oras para mananching. Ibinalot ko 'yung tuwalya sa katawan niya saka ako naman ang naghubad. Ibinalot ko lang din 'yung sarili kong tuwalya sa baywang ko saka ko siya ulit giniya palabas ng laundry room.

Doon ko siya dinala sa sleeping bag sa sala. Pinaupo ko siya sa gitna n'un saka ako naupo sa likuran niya. Nakatungo siya at bagsak ang mga balikat habang tinutuyo ko 'yung buhok niya. Alam kong umiiyak pa rin siya kasi sumisinghot-singhot pa rin siya.

Hindi ko alam kung paano ko pagagaanin 'yung loob niya, kung anong klaseng paliwanag ba 'yung gagawin ko. Hindi ko talaga alam ang gagawin. Hindi ko nga rin makuhang magpatawa kasi talagang wala. Ibinalot ko 'yung mga braso ko sa kanya at hinila siya pasandal sa dibdib ko. Ibinaling niya ang ulo niya at idinikit ang mukha niya sa gilid ng leeg ko.

Hindi ko binuksan 'yung ilaw sa sala kaya madilim. Ilaw lang sa foyer ang nakasindi. Pero okay lang kasi mas gusto kong nababalot kami ng dilim ni Mere. Para kasing pag may ilaw, magiging malinaw na sa 'kin lahat ng kagaguhang nangyari sa 'kin ng araw na 'to. Kahit sandali lang sana gusto ko naman ng kapayapaan.

Ngayon, habang tahimik, habang madilim, habang yakap ko siya, okay ako. Iyon na lang ang panghahawakan ko.

"Ash, I'm sorry," bulong niya.

A Love Like This (FFTB #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon