"I have loved you. "
'Yan lang ang tanging salita na lumabas sa bibig ko habang kaharap si Megan, para akong isang de pihit na radyong nawalan ng baterya. Dala nga siguro ng takot na pwede pa lalong masira ang relasyon namin na simula pa lang ay sira na.
Nanatili kaming nakatayo sa gilid ng bakal na tulay, magkaharap ngunit isang dipa ang pagitan sa isa't isa. Kahit pa gaano ka-ingay ang tunog ng mga sasakyan na tila ba kulog na nagbabadya ng isang malakas na ulan ay nanatili kaming tahimik, nakatikom ang bibig at di man lang nagku-krus ang mga tingin.
Binukas nya ang kanyang mga labi.
Nag-focus akong tunay sa kung anong maari nyang sabihin.
Heto na nga.
"Thank you."
Tumalikod sya sa akin. Di man lang nya ako tinignan sa mata at dumiretso na sya sa paglakad.
Sa isip-isip ko, "Tang ina! 'Yun na 'yon?! Salamat?!"
Daig ko pa ang nag pa-utang at di nabayaran. Hindi ko naman kasi gusto na iwan nya na para bang wala akong pakinabang, na para bang s'ya pa tong di nanghihinayang.
Pero nagmatigas ako, tumalikod na rin ako at nagsimulang maglakad papalayo hanggang sa marating ko ang kabilang dulo ng tulay. Mula sa isang dipang distansya, ngayon ay isang mahabang tulay na. Nagsimula nang dumaloy ang trapiko kasabay ng paglalim ng gabi.
'Di ko alam kung tama ba ang desisyon ko na 'di sya habulin, kung tama ba na bumitaw na nga lang ako. Sya ang una ko sa lahat. First girlfriend. First date. First love. First kiss. First hug. First heartbreak.
Gano'n nga siguro talaga. Minsan 'di sapat ang pagiging una sa lahat. Minsan 'di sapat ang tagal ng pagsasama para masabi nating hanggang dulo na. Minsan 'di ka talaga sapat para sa kanya.
Wala naman s'yang iba, nag-iba lang din talaga sya. Siguro di sapat ang tatlong taon para makilala mo ng lubusan ang isang tao. Di magiging sapat ang ilang taon dahil patuloy tayong natututo. Nagbabago. Kaya malamang natuto na nga sya na di sapat ang isang lalaking katulad ko para sa isang babaeng katulad nya.
Masakit na harapin ang katotohanan. Pakiramdam ko gusto kong sumabog, magpasagasa, umiyak. Pero ni isang patak ng luha, di man lang tumulo mula sa mga mata ko.
At saka ko napagtanto na napalayo na ako ng paglalakad.
"Arin! Uy! Wait lang."
Isang boses ng babae and narinig ko kasabay ng mahinang pagtapik sa kaliwang balikat ko.
Tumigil ako sa paglalakad at humarap sa pinanggalingan ng boses.
"Kanina pa kita sinusundan. Ang bilis mo kasi maglakad e." hinihingal na pagkakasabi ng babaeng nasa harapan ko. Sigurado ako na halos ka-edad ko lang sya pero di ako sigurado kung paano nya ako nakilala.
"Sorry?" Nalilito kong pagtatanong sa kanya.
"Sabi ko, ang bilis mo maglakad."
"Magkakilala tayo?"
"Ahh. Oo. Marie Vienne Luis. Grade 4." Masaya nyang pagkakasabi na tila ba nang-aasar.
"Marie Vienne Luis?"
"Oo. Ako to, si Mavie. Yung crush mo nung grade 4." Nakangiti nyang sinabi sa akin.
Hindi ko na sya matandaan. Siguro sa dami ng mga nangyari sa buong buhay ko kasabay pa ng sakit na nararamdaman ko ngayon kaya wala na akong maalala. Basta ang tanging alam ko lang, nasasaktan ako ngayon at kaharap ko ang isang babae na nagpapakilala bilang crush ko nung grade 4 ako.