Hindi lahat ng matatawag na Sta. Claus ay may dalang sako-sako ng regalo at sumasakay kay Rudolf para makalipad at makapaghatid ng saya at ngiti sa mga taong humihiling sa kanya. Hindi lahat ng heroes ay may kapa, costumes at may kakayahang lumipad para magligtas nang lahat ng nangangailangan anumang oras mo kailanganin at tawagin. Hindi rin totoo na lahat ng first love ay hindi nawawala minsan para itong halaman na kapag hindi ito nadidiligan namamatay ito at naglalaho. Gaano man tayo katagal mabubuhay sa mundo darating at darating tayo sa punto na kailangan na nating magpaalam ng panpmatagalan at wala nang balikan.
Minsan may mga bagay, pangyayari at tao na kumukumpleto sa buhay at pagkatao natin, yung mga oras na basta nandiyan lamang sila sa tabi mo, ikaw na ang pinakamagiging masaya sa lahat. Madalas humihiling tayo at hinihiling natin na kung pagbibigyan pa sana tayo ng isa pang pagkakataon, susulitin natin yung mga oras na kasama natin ang pinakamahalagang tao sa buhay natin. Kaya lang wala tayong magagawa natatapos at nagtatapos ang buhay ng hindi natin malalaman at namamalayan kung kailan ito babawiin sa atin ngunit ang pinakamasakit na bahagi sa lahat ay hindi ang mang-iwan kung hindi ang maiwanan. Sa mga oras na wala kang puwedeng gawin kung hindi tanggapin ang lahat, na kahit ayaw ka niyang iwan kailangan niyang umalis kasi tapos na ang tungkulin niya sa mundo. Alam ko naman na nahihirapan na siya kaya kahit masakit at mahirap tanggapin pinayagan na namin siyang magpahinga at dito nagmula ang sakit dahil naging biglaan ang lahat sa pagbawi niya sa isang taong pinag-alayan at pinag-ukulan mo ng pagmamahal na kahit kailan ay hindi mapapantayan ng anumang kayamanan. Hindi namin napaghandaan kaya hindi pa sana kami handang makapagpaalam.
Sampung taon ako noon, namulat sa pagmamahal, pag-aaruga at pangangaral ng mabubuting magulang na nagsisilbi kong inspirasyon sa lahat ng aking ginagawa. Isa akong matatawag na ''Certified Papa's Girl'', kaya basta tungkol sa Papa ko detalyado lahat ng anggulo ng kuwento. Kailangan lahat maayos dahil perpekto siya sa paningin at puso ko kahit alam ko na lahat naman ng tao ay may kahinaan at kapintasan.
Noong mga panahong nasa elementarya pa lang ako dati, kailangan kasama ako sa mga honor students taon-taon hindi dahil inuubliga ako nila Papa at Mama kung hindi dahil gusto ko silang mapasaya sa simpleng paraan na kaya ko, dahil alam ko na pinaghihirapan niya lahat ng sentimo na dumadaan sa palad ko para makapag-aral lang kami nang maayos.
Kahit nakatira kami sa isang malayong paraiso na malayo sa kabayanan. Kahit wala kaming mamahaling gamit o sasakyan at pinaaandar lang ng baterya ang black and white na T.V at transistor na radyo namin wala akong pakialam basta ang alam ko lang masayang-masaya kami basta sama-sama iyon kasi ang tinuro nila sa simula pa lang. Kahit mahirap ang tubig at walang kuryente sa bahay na kahit 21st Century na, kapanalig pa rin kami ni Rizal tuwing mag-aaral sa gabi nakagasera o lampara. Pinalaki naman kasi kaming literal na kahit kulang sa mga high tech na gamit ay punong-puno nang pangaral, suporta at pagmamahal. Kumakain kami ng higit sa tatlong beses dahil hindi mawawala ang specialty sa meryenda ni Mama na ginataang halo-halo, sumang gabi o balinghoy, ube, butchi at palitaw na kinababaliwan naming mag-aama.
Palagi rin sa aming pinapaalala ni Papa na huwag kaming magpapaapi, magpapaapekto sa mga naririnig na mga bulungan dahil second family kami na hindi naman namin naramdaman dahil buo ang pamilya namin at batay sa kanya ang paglalaan daw ng tunay na pag-ibig ay hindi mahalaga kung sino ang nauna at basta tandaan lang namin na patuloy kaming maging mabuti sa lahat ng oras. Ngayon tuloy kapag naaalala ko ang mga oras na iyon, naiiyak ako kasi hindi ko na ulit maririnig ang lahat ng iyon sa bibig niya.
Wala na ang moody, magagalitin pero palangiti naman, seloso, gwapo, mabait, malambing, makisig, matangkad, matalino, at matampururot na Papa ko at hindi na siya babalik kahit kailan mula sa mahaba at walang hanggan niyang pagliliwaliw at paglilibot sa buong mundo nang hindi kami kasama.
Na-mimiss ko na tuloy ang outfit mo tuwing tag-ulan na kapote, bota, at salukot na ginagamit mo dahil ayaw mong mahamugan ang nalalagas at napapanot mo ng buhok at tuktok na sinamahan pa nang bitbit mong malaking alat sa likuran na para kang bida sa Samurai X na si Kenji Himura. Ang lalaking kiss at hug addict sa asawa at mga anak niya kapag darating at aalis sa bahay. Yung mahilig magpatapak at magpamasahe ng likod galing sa mahabang oras ng pagtratrabaho. Yung lalaking palaging nakangiti kahit nauubos na ang ngipin kasi hindi alam ang salitang lungkot kapag bumanat ng mga korning jokes. Yung taong papayagan kang maging superhero gamit ang mga paa niya para makalipad ka. Yung mahilig gumawa at bumuo ng sorpresa kapag birth anniversary mo. Yung genius na tutor namin pagdating sa Math at kalaro sa dama at chess na sa nth times na yata naming paglalaro ay isang beses ko pa lang natalo at may kasama pang konting daya kasabwat ang aking mga kapatid dahil gusto namin ng popsicle na pangako niya kapag natalo namin siya sa laro. Yung kapag kasama mo siya palagi kang safe at hindi mo mararamdamang mag-isa ka dahil ipagtatanggol ka niya. Yung tagagamot sa sugat mo kapag nadapa ka at habang dahan-dahan niyang nilalagyan ng betadine ang sugat may tagline pa siyang '' Malayo yan sa bituka, training lang yan kasi kung hindi ka masasaktan paano mo matututunang tumayo at lumaban'' at pagkatapos niyang hipan mawawala na rin ang sakit na parang magic. Siya ang nagturo sa akin na maglaan ng pagmamahal na walang hinihintay na kapalit. Yung nagturo sa akin na palaging mag-share, magpasalamat sa lahat ng blessing at huwag magiging madamot dahil magagalit si Lord. Yung number one fan at taga-cheer mo kapag sasali ka sa mga contest at may recital ka sa school. Yung first love, first kiss, first holding hands, first boyfriend at nag-iisang ideal man at hari ng buhay ko kahit matagpuan ko na ang magiging prinsipe ko. Siya lang naman ang Papa ko na kahit noong 7th birthday ko pa lang ay binibilinan na ko na kakaliskisan niya lahat ng lalaking magtatangkang manligaw sa akin habang sinasayaw ako sa themesong ko para sa kanya na pinalitan ko ng title at may sarili akong bersyon na ''Kahit Maputi na ang Buhok Mo'' pero ang hindi ko alam ito na pala ang una at huli naming sayaw mabuti na lang at nasulit ko pa iyong buong isang kanta.
Nakakalungkot isipin na kapag gigising ako sa umaga at maaalala kita babalik na naman ako sa time machine ng nakaraan at kahit hindi mo na ko nakitang magdalaga at wala ka nang naabutan sa lahat ng graduation march ko. Nagpapasalamat pa rin po ako isang dekada ng totoong kaligayahan kasi buo pa tayo at sama-sama na kahit maraming kuliglig ang naririnig natin sa gabi mas malakas pa rin ang halakhakan natin sa bawat kwentuhan. Naaalala pa rin kita araw-araw Papa kasi katawan mo lang naman ang nawala pero ang magagandang alaala at pagmamahal ko para sa iyo ay mananatili rito sa puso ko♥. Hindi talaga totoo ang sinasabi nilang mahirap balikan ang alaala lalo na kung malulungkot pero hindi ako naniniwala dahil ang mas mahirap balikan ang masasayang alaala na alam momg kahit kailan hindi mo na mararanasan pa kasi hindi na pwede, kasi tapos, kasi lumipas na, kasi bawal na, kasi wakas na, kasi wala na at hindi na puwedeng sundan pa.
Kaya kahit na anong mangyari ikaw ang isa sa mga mahahalagang dahilan ng lahat ng nakamit ko sa buhay. Pinalakas ako nang mga panahong nawala ka sa tabi ko. Maikli man ang panahon. Palagi mong tatandaan na hindi magkakaroon ng Mam Jhen kung wala sina Papa Boy at Mama Lanie. Bahagi ka ng simula at maging katapusan ko Papa, sana maging proud ka sa lahat ng nakamit ko sa buhay. Inaalay ko lahat ito sayo. Mahal na mahal kita Papa hanggang sa muli nating pagkikita at sa muli nating pagsisimula at pagbubukas ng mga bagong alaala.
♥♥♥Author's Note
Minsan sa haba ng panahon na kasama natin ang mga taong mahalaga sa buhay natin ay kinasasawaan na natin silang makasama. Ngunit sa larangan ng pakikibaka sa lahat ng hamon ng buhay ay wala tayong ibang kakapitan at mahahawakan kung hindi sila lamang. Mahalin at alagan natin lahat ng taong nagmamahal at nag-aalaga rin sa atin upang hindi tayo magsisi sa huli kapap dumating ang panahon na wala na sila.♥♥♥
This essay was dedicated to my late father who inspired me a lot in everything that I did in my whole exsistence...
+Felix Venzuela Villa Jr.
1951-2002