CHAPTER ONE (Part 2)

5.4K 195 31
                                    


"P-PANGIT ako?" ulit ni Vincent. "Pangit ako? Pangit ako! Pangit ako!" Palakas nang palakas ang pagsasalita niya hanggang sa sumisigaw na siya.

Hindi niya matanggap na pangit siya. Sinuntok niya ang salamin at nabasag iyon. Hindi pa siya nakuntento at binuhat niya iyon at itinapon sa isang sulok. Nagsisigaw siya at lahat ng gamit na kaniyang mahawakan ay ibinabato niya.

Maganda si Sanya. Pangit siya! Hindi sila bagay!

"Ayokong pangit ako! Ayoko!!!" Patuloy na pagsigaw at pagwawala ni Vincent.

Tumigil lang siya nang biglang bumukas ang pinto ng kaniyang kwarto at pumasok ang nanay niya. Walang habas na binato siya nito ng baso na yari sa plastik. Sapol siya sa ulo at nasaktan siya. Napayuko na lang siya nang tingnan siya ng nanay niya ng ubod ng talim.

Ang nanay lang niya ang nakakapagpatiklop sa kaniya. Kapag sumigaw na ito at nagalit ay tumitigil na siya dahil kahit matanda na siya ay pinapalo pa rin siya nito na parang isang batang paslit.

"Anong putang ina ka at nagwawala ka na naman diyan?! Ha?!" galit na sigaw nito sa kaniya. "Putang ina ka! Ang ingay mo na naman!"

"S-si S-sanya kasi--"

"Sanya na naman?! Tigilan mo na ang pagpapantasya sa Sanya na iyan dahil kapag ako nabwisit sa iyo, kukunin ko na 'yang cellphone mo! Naiintindihan mo ba?!"

"O-oo..." sagot niya habang nakayuko.

"Tumigil ka diyan, Vincent! Sinasabi ko kung gusto mong bugbugin pa kita. Nagluluto ako ng ipapalamon ko sa iyo tapos ang ingay mo. Nagkalat ka pang tarantado ka!"

"P-pasensiya na po, nanay--"

"Bakit kasi nakakulong ka na naman ditong tarantado ka?! Doon ka na lang sa shop at baka may customer para may pakinabang kang animal ka!" turan pa nito bago ito umalis. Malakas nitong isinara ang pinto ng silid niya.

Ang shop na tinutukoy ng nanay niya ay ang computer repair shop na nasa harapan lang ng bahay nila. Iyon ang kakayahan niya na minsan ay pinagkakakitaan nila. Marunong siyang mag-ayos ng mga computer at laptop dahil sa tambay siya noon sa isang repair shop din ng mga computer. Naaaliw kasi siyang manood ng mga inaayos na computer. Pero madalang lang ang nagpapagawa sa kanila dahil medyo tago ang kinaroroonan ng kanilang bahay.

Nang wala na ang nanay niya ay sumiksik sa isang sulok si Vincent at doon ay tahimik siyang umiyak. "Pangit ako. 'Di kami bagay ni Sanya. Pangit ako! Ayokong pangit ako!" paulit-ulit niyang nguyngoy.

Mula sa pag-iyak ay tumigas ang mukha ni Vincent. Isinusumpa niya, kahit pangit siya ay makukuha niya rin si Sanya. Darating ang araw na magkakasama rin silang dalawa at hindi na sila magkakahiwalay pa. Ngunit paano naman iyon mangyayari kung hindi siya nito napapansin at sa social media niya lang ito nakikita? Mukhang kailangan na niyang kumilos upang magkaroon ng katuparan ang pangarap niya na iyon!

Walang mangyayari kung magmumukmok lang siya dito sa kwarto niya. Kulang kasi siya kilos.

"Siguro ay kulang pa ang pagpapapansin na ginagawa ko kay Sanya! Dapat siguro ay galingan ko pa para kapag napansin na niya ako ay pwede ko na siyang ligawan!" Tumawa pa siya at puno ng pag-asa na kinuha niya ang kaniyang cellphone.


-----ooo-----


LABIS ang lungkot na naramdaman ni Sanya nang magpaalam na sa kaniya si Maxine sa pamamagitan ng isang video call. Tumawag ito sa Viber niya habang bumabyahe ito kasama ang mga magulang nito. Kalahating oras din silang nagkwentuhan bago nila iyon tinapos dahil medyo inaantok daw si Maxine. Ganoon talaga ang kaibigan niya. Palagi itong inaantok kapag bumabyahe.

Nakadapa lang si Sanya sa kaniyang malambot na kama habang nakaharap sa kaniyang laptop. Nag-e-edit siya ng video blog niya na ia-upload niya mamaya sa Youtube kapag natapos na niya. Nasa tabi niya ang kaniyang cellphone.

Ang gagawin na lang niya ay magba-vlog at magiging abala na lang siya online para kahit papaano ay maibsan ang kalungkutan niya dahil sa hindi niya makakasama sa buong bakasyon si Maxine.

Abala siya sa kaniyang ginagawa nang sunud-sunod na tumunog ang kaniyang cellphone. Huminto muna siya sa pag-e-edit upang tingnan ang cellphone. Mga notifications lang pala sa kaniyang Instagram account. Chi-neck niya iyon at medyo na-weirduhan siya nang makita niyang may nag-flood likes sa post niya sa Instagram. Ang nakakapagtaka lang ay mga old post niya ang pinusuan ng user na iyon na may username na "VVVincentLovesSanya". Ang display picture nito ay picture niya. Super fan siya siguro. Nagpapapansin lang kaya nila-like ang old post niya.

"Weird..." turan niya sabay kibit ng balikat.

Binalikan niya ang pag-e-edit. Kailangan na niya itong matapos ngayon dahil marami na ang nagre-request na magpost na ulit siya ng bago niyang vlog sa Youtube dahil last month pa 'yong huli niyang post. Kumikita rin naman siya kahit papaano sa Youtube dahil sa mga advertisement sa videos niya. Marami na rin naman siyang subscribers at viewers doon.

Tumunog na naman ang cellphone niya. This time ay mga notifications naman sa Facebook ang natanggap niya. Puro heart reactions sa post niya mula sa user na si Vincent Loves Sanya. Ito rin iyong sa Instagram dahil parehas lang ng pangalan. May comment pa ito sa sampung post niya na puro "Hello, Sanya. Notice me, please...".

Sanay na naman si Sanya sa nagpa-flood reactions or likes sa post niya kaya hinayaan na lang niya iyon. Hindi na lang niya binigyan ng pansin dahil mas gusto niyang matapos ang ine-edit niya.

Naantala na naman ang ginagawa ni Sanya nang may kumatok sa pintuan. Ayaw sana niyang tumigil sa ginagawa ay napilitan siyang tumayo muna at buksan ang pinto.

"Mommy, bakit po?" tanong niya nang mabungaran ang ina.

"Gusto ko lang kitang iinform na next week ay pupunta kami ng daddy mo sa Taiwan for a business meeting. Three weeks kami doon dahil isasabay na rin namin ang vacation after. Gusto mo bang sumama?"

Kumibit-balikat siya. "No. Mas gusto ko po dito na lang ako sa bahay. Saka sanay naman po ako na palagi kayong wala dito." Hindi niya napigilan na magtampo dito.

Malungkot na kinuha ng mommy niya ang isa niyang kamay at masuyo iyong pinisil. "Alam namin ng daddy mo na nagtatampo ka sa amin dahil palagi kaming wala. Alam din namin na wala na kaming time sa iyo. Don't worry, starting next month ay tapos na ang business trips na ito. Ikaw naman ang bibigyan namin ng time. Babawi kami sa iyo, Sanya. We promise! Sana maintindihan mo na ginagawa namin ito for you... only for you. Para magkaroon ka ng maginhawang buhay..." sincere na wika nito.

"I know that naman po kaya lang hindi ko lang talaga maiwasan na magtampo sa inyo. Pero it's okay. Basta, 'yong pomise ninyo, ha."

"Oo naman, anak. Tutuparin namin ng daddy mo iyon. Kahit saan mo gustong pumunta, pupunta tayo."

"Nah... Wala naman po akong gustong puntahan. Kahit dito lang sa bahay. Mag-bonding tayo. Okay na po iyon sa akin."

Isang matamis na ngiti ang isinukli ng mommy niya sa kaniya. Mahigpit siya nitong niyakap. "Basta, be careful kapag wala na kami dito. Kasama mo naman dito sina yaya mo..."

"I will, mom. Thank you!" sagot naman niya.

Matapos ang maikling usapan nila ay umalis na ang mommy niya. Siya naman ay bumalik sa ginagawa. Itinuon na lang niya sa pag-e-edit ng video ang kaniyang atensyon para hindi niya masyadong maramdaman ang lungkot na aalis na naman ang parents niya next week. Maiiwan na naman siya dito sa malaki nilang bahay kasama ang mga kasambahay.

Mabuti pa talaga ang mga online friends niya at mga followers, palaging nandiyan para sa kaniya. Hindi siya nakakalimutan na kumustahin. Walang palya ang mga ito sa pag-like sa mga post niya, sa panonood ng Live videos niya at pagsuporta sa kaniya sa online world. Sa pamamagitan ng mga iyon, kahit papaano ay nararamdaman niya na importante siya at hindi balewala. Kaya naman minsan, iniisip niya na sana naman ay maramdaman din niya sa totoong buhay na importante siya lalong-lalo na sa mga taong mahalaga para sa kaniya.





TO BE CONTINUED...

He's WatchingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon