SIMULA

9.4K 153 1
                                    

Sa isang mundong hindi aakalain ng mga tao, may isang kaharian na nagdiriwang dahil sa matagumpay na pagsilang ng Reyna sa isang Prinsesa.

Ngunit ang hindi alam ng kanilang nasasakupan, ang sabi ng pinakamatandang Orakulo sa Armania ay malabong mabuhay ang Prinsesa, dahilan kaya nawalan ng pag-asa ang mag-asawa.

Kahit na malabong mabuhay ang batang nasa sinapupunan ng Reyna, ipinagpatuloy niya ang pagbubuntis sa Prinsesa. Hanggang sa dumating ang araw ng kapanganakan ng Reyna.

Nagkakagulo sa palasyo dahil manganganak na ang Reyna. Nang lumabas ang bata, laking tuwa ng mag-asawa, ngunit ilang minuto na ang nakakalipas at hindi pa rin umiiyak ang sanggol. Kinabahan ang mag-asawa dahil namumutla ang balat ng sanggol na para bang tinakasan ng dugo.

"Esmeralda, bakit namumutla ang aking anak?" nag-aalalang tanong ng Hari habang pinupulsuhan ni Esmeralda ang sanggol.

"Mahal na Hari, mahina ang tibok ng puso ng Prinsesa," sagot ni Esmeralda na may pag-aalala.

"A-akin na a-ng a-king anak," nanghihinang sabi ng Reyna. Alam niya na ang mangyayari kaya nais niyang makita ang kanyang anak sa huling pagkakataon na humihinga pa ito. Agad namang ibinigay ni Esmeralda ang namumutlang sanggol sa Reyna.

"Napakaganda niyang bata." umiiyak na sabi ng Reyna. Para namang pinagsakluban ng langit at lupa ang Hari nang makita niyang umiiyak ang kanyang pinakamamahal na Reyna.

Humihimig ang Reyna, tila ba pinapatulog ang kanyang bagong silang habang pinapakinggan niya ang tibok nito na unti-unti nang tumitigil.

Binalot ng nakakalungkot na hagulgol ang silid ng mag-asawa. Lumipas ang oras na walang tigil sa pag-iyak ang Reyna dahil sa sobrang bigat ng kanyang kalooban. Yakap ng Hari ang kanyang asawa upang bigyan siya ng lakas ng loob.

Yakap-yakap pa rin ng Reyna ang walang buhay nilang anak nang biglang lumakas ang hangin at binalot ng nakakasilaw na liwanag ang silid ng mag-asawa. Lumitaw ang isang kaakit-akit na babae na nababalutan ng liwanag at may mga ginintuang mata.

"Sino ka?" tanong ng Hari na handang protektahan ang kanyang mag-ina.

"Ako si Atarah." pakilala ng dilag, ang boses neto ay dumudoble sa bawat sulok ng kwarto.

"Anong kailangan mo dito?" tanong muli ng Hari.

"Nandito ako upang ibigay ang aking kalahating buhay sa inyong anak." sagot ni Atarah.

"Bakit?" naguguluhang tanong ng Reyna.

"Kakailanganin ko ang kanyang kakayahan sa nalalapit na digmaan."

"Magkakaroon ng digmaan?" tanong ng Hari. Tumango si Atarah bilang sagot at iniabot niya ang isang gintong libro sa mag-asawa.

"Ang gintong libro na ito ay binibigay ang gusto mong malaman, makakatulong sa inyo ito upang makapaghanda. Itago ninyo ito, dahil kapag nakuha ng kabilang panig ang libro, katapusan na rin ng mundong ito," paalala ni Atarah sa mag-asawa.

"Dalhin ninyo ang itinakda sa ligtas na lugar. Hanggang sa muli." muling lumakas ang hangin at binalot muli ng liwanag si Atarah.

Narinig ng mag-asawa ang biglaang pag-iyak ng sanggol. Tuwang-tuwa sila dahil nabuhay ang kanilang anak. Malaki ang pasasalamat ng mag-asawa kay Atarah. Nagdiriwang sila nang makarinig ng pagsabog.

BOOGSH!!

Nataranta ang mag-asawa dahil sa narinig na pagsabog. May pumasok na isang kawal sa kanilang silid at lumuhod.

"Mahal na Hari, sinugod po tayo ng mga Rogue!" pagbabalita ng kawal.

"Esmeralda!" tawag ng Hari sa nagpa-anak sa kanyang asawa.

"Bakit po, Mahal na Hari?" magalang na tanong ni Esmeralda.

"Itakas mo ang aming anak. Isama mo ang gintong libro at siguraduhing mabubuhay siya." malungkot na sabi ng Hari habang nakatingin sa sanggol na hawak ng Reyna. Tumango si Esmeralda.

"Masusunod po, Mahal na Hari." Kinuha na ni Esmeralda ang sanggol na ngayon ay tulog na tulog. Dala rin niya ang gintong libro at dumaan sa likuran ng palasyo para walang makakita sa kanya.

Takbo siya nang takbo hanggang umabot siya sa pusod ng kagubatan. Isa na lang ang naiisip niyang ligtas na lugar. Mabilis siyang nagbigkas ng kakaibang salita at lumitaw ang isang liwanag sa kanyang harapan, isang lagusan papunta sa mundo ng mga mortal.

Pumasok siya sa lagusan nang marinig niya ang mga papalapit na yabag. Bumungad sa kanya ang isang madilim na daan. Tumingin siya sa direksyon ng lagusan na agad ding nagsara.

"Sa mundong ito, dito tayo magsisimula ng panibagong buhay," sabi niya sa sanggol na natutulog sa kanyang bisig.

Armania Academy: The Mysterious Girl And The White DragonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon