KABANATA 1

8.2K 141 1
                                    


---

Pauwi na si Ayame galing sa eskwelahan nang bigla niyang maramdaman na parang may mga matang nakamasid sa kanya. Sandali siyang tumigil at luminga-linga, pero nang walang makita, kibit-balikat na lang siya at nagpatuloy sa paglalakad. "Guni-guni ko lang siguro 'yun," bulong niya sa sarili.

Kaninang umaga pa siya nakakaramdam ng kaba, parang may masamang mangyayari. Pagdating sa bahay, hindi niya pinansin ang mabigat na pakiramdam na iyon.

"Ma!" tawag niya, pero walang sumagot. Sinuyod niya ang kusina at ang hardin sa likod ng bahay, pero wala roon ang kanyang ina. "Siguro nandoon na naman siya kay Ate Marissa," isip ni Ayame.

Umakyat siya sa kanyang kwarto at doon niya natagpuan ang kanyang ina na abala sa pag-iimpake.

"Ma, saan po tayo pupunta? Bakit nag-iimpake ka?" tanong ni Ayame, pero ang sagot ng kanyang ina ay nagdulot ng takot sa kanyang puso.

"Hindi anak, ikaw lang ang aalis. Nanganganib na ang buhay mo dito," sabi ng kanyang ina, nanginginig ang boses sa takot.

Hindi maintindihan ni Ayame ang lahat. "Ano pong nanganganib ang buhay ko?" tanong niya, pero ang tanging sagot ng kanyang ina ay, "Wag ka nang magtanong. Malalaman mo rin ang lahat pag naibalik na kita sa totoong lugar kung saan ka nararapat."

Hinila siya ng kanyang ina palabas ng bahay patungo sa hardin. Doon, bigla siyang pinaikot ng kanyang ina at binigkas ang isang hindi maintindihang lengwahe. Naramdaman ni Ayame ang init sa kanyang kanang balikat.

"Yan ang magiging proteksyon mo sa kanila. Para hindi ka agad nila mahanap. Kusang mawawala yan kung nasa ligtas na lugar ka na," sabi ng kanyang ina, ang mga mata nito ay puno ng luha.

"Mahal na mahal kita anak," sabi ng kanyang ina, sabay halik sa kanyang noo. Pero bago pa man makapagtanong si Ayame, isang malakas na pagsabog ang umalingawngaw sa harapan ng kanilang bahay.

"Pumasok ka na, bilisan mo! Hindi ka nila pwedeng makita!" sigaw ng kanyang ina, itinutulak siya patungo sa isang liwanag na ngayon lang niya nakita.

"Pero Ma, paano ka?" tanong ni Ayame, pero ang tanging sagot ng kanyang ina ay, "Wag mo akong alalahanin. Kaya ko ang sarili ko. Ang mga kailangan mo nasa loob na ng bag. Pumasok ka na, mahal na mahal kita."

Sa huling sandali, tinulak siya ng kanyang ina sa lagusan. Nakita ni Ayame ang kanyang ina na lumalaban sa mga humahabol sa kanila, gamit ang kakaibang liwanag na lumalabas sa kanyang mga palad. Pero nang makita niyang sinaksak ang kanyang ina ng isang nilalang na nakaitim, napasigaw siya,

"HINDI!! MA!!!" hanggang sa unti-unting magsara ang liwanag at dumilim ang kanyang paligid.

Nagising si Ayame sa patak ng tubig sa kanyang pisngi. Pagmulat ng kanyang mga mata, puro puno at malalaking halaman ang bumungad sa kanya. "Umaga na pala," puna niya nang makita ang papasikat pa lang na araw.

Napaluha si Ayame nang muling sumagi sa kanyang isipan ang mga pangyayari—ang pagsabog, ang mga taong nakaitim, ang kumikislap na itim na usok na tumama sa kanyang ina, at ang pulang liwanag na lumabas sa mga palad ng kanyang ina. Ngayon, narito siya sa isang hindi pamilyar na lugar, hindi alam kung saang parte ng Pilipinas siya napadpad. Ang mahika, na sa kanyang akala'y pawang kathang-isip lamang, ay tila naging totoo noong nakaraang gabi.

Hagulgol na lamang ang nagawa ni Ayame nang maalala ang sinapit ng kanyang ina. Wala siyang nagawa upang tulungan ang kanyang nanay.

Nang mailabas na niya ang lahat ng sama ng loob, inayos niya ang salaming tumabingi sa kanyang mukha at pinunasan ang mga luha. Tumayo siya at pinagpagan ang kanyang kasuotan. Sinimulan niya ang paglalakad, naghahanap ng labasan. Kahit hindi niya alam kung nasaan siya, nagpatuloy lamang siya sa paglalakad hanggang sa isang nakakalulang palasyo ang bumungad sa kanya—oo, kamukha ng mga napapanood niya sa mga anime. "Meron palang ganito sa loob ng gubat," bulong niya sa sarili.

Armania Academy: The Mysterious Girl And The White DragonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon