Tuwing ika'y nakikitang nakatitig,
Naguguluhan pagkat puso'y bumibilis ang pinting,
Bakit mga mata'y tila mayroong ipinahihiwatig ?
Puso'y sinisita, pagkat batid na ika'y mayroon ng iniibig.
Kakaibang nadarama'y pilit na pinipigilan,
Ako sanay tulungan pagkat diwa't puso labis ay naguguluhan,
Pakiusap huwag na akong tingnan.
Unti-unting puso'y di na nalalabanan,
Unti-unti nang lumalabo ang malinaw na isipan,
Bawat kislap ng mga mata tila may malalim na kahulugan,
Pakiusap huwag na akong tingnan.
Batid kong palagi ay tinitingnan,
Bakit puso ay labis na naguguluhan,
Di mawari ang kaba tuwing ikaw ay nariyan,
Pakiusap huwag na akong tingnan.
Tuwing sinasambit itong pangalan,
Puso'y nagagalak sapagkat kay sarap pakinggan,
Bakit nakakalimutan na maaaring ako'y masaktan,
Pakiusap ako'y huwag ng tingnan,
Pakiusap huwag ng sambitin ang pangalan,
Pakiusap itigil na ang sa aki'y pakikipagmabutihan,
Pakiusap ni ngiti ay huwag na akong gawaran,
Sapagkat sakit ay unti-unti ng nararamdaman.
Batid kong nadarama ay di na tama,
Subalit, bakit tila wala akong magawa,
Tulungan mo sanang kakaibang nadarama ay mawala,
Batid kong alam mo ang mali sa tama.
Mundo ko'y biglang gumulo,
Puso'y binalot ng pagkalito,
Anong dahilan ng iyong pagbabago ?
Nadarama ko bay siya ring nadarama mo ?
Bakit puso'y labis na nahihirapan,
Sa mga sandaling ni sulyap ay di na ginagawaran,
Bakit labis na nahihirapan ? Marapat ngang ikatuwa,sapagkat kahilingan ay nagkaroon ng katuparan,
Kahilingan na sana'y huwag na akong tingnan,
Ni matamis na ngiti ay huwag nang gawaran,
Gayundin ang pagsambit nitong pangalan.
Puso'y labis na naguguluhan,
Ano nga bang mayroon sa ating pagitan ?
-A.C.A