3. Crush Mo Na Ba?

4.1K 110 15
                                    


Gulat na gulat si Winona sa iniuutos ng Tita Guada niya. Ilang linggo rin siyang nagpabalik-balik sa opisinang iyon upang sumailalim sa mga tests at interviews bago siya natanggap. Ngayon ay uutusan siya nitong basta na lang mag-resign? “Pero bakit po, Tita?”

“Ipapasok kita sa ibang trabaho.”

“Pero hindi ko naman po kailangan ang ibang trabaho. Mahal ko po ang trabaho ko ngayon.”

“Gaga! Mas madali ang trabahong papasukan mo kaysa sa trabaho mo ngayon.”

Umaandap-andap na ang kalooban niya. Bakit kailangang paalisin siya nito sa isang trabahong stable naman? What was the catch? “Eh, Tita Guada, ano po bang trabaho ang gusto n’yong pasukan ko at saan?” 

“Magiging personal secretary ka ng isang sikat na tao.”

“Naku, hindi ko po kayang maging secretary, Tita.”

Kumunot ang noo nito. “Anong hindi mo kaya? Clerk ka naman sa opisina n’yo. Bakit hindi mo makakaya, eh, pareho lang 'yon?”

“Eh, Tita Guada—”

“Basta mag-resign ka na. Ako mismo ang maghahatid sa 'yo doon sa papasukan mo.”

“I-ihahatid po?”

“Oo. Dahil sa Bataan pansamantalang tumitira ang magiging boss mo.”

Napakagat-labi siya. Malayo iyon sa Maynila. Mapapalayo siya sa mga ito at sa mga kaibigan niya.

Wala naman siyang magawa kundi sundin na lang ang iniuutos ng Tita Guada niya. Malungkot siya nang magpaalam kay Ruby. Nalungkot din ito. Tinanong siya nito kung kailan sila magkikita. Kung puwede raw ba siyang dalawin nito sa Bataan.

Wala naman siyang maipangakong kahit na ano. Hindi pa niya nakikita ang magiging boss niya. Kahit nga pangalan nito ay ayaw sabihin ng tiyahin niya. Basta ang sabi lang nito ay sa isang sikat na tao siya magtatrabaho.

Nang dumating ang araw ng paghahatid sa kanya ni Tita Guada sa Bataan ay pinagdala siya nito ng maraming damit. Baka raw matagalan siya roon.

Nanlumo si Winona. Hindi niya alam kung ano ang dapat asahan sa bagong trabahong papasukan niya. Wala siyang ideya kung ito ay masungit o mabait. Kung babae ba ito o lalaki.

Tuwing tatanungin naman niya ang Tita Guada niya ay palagi lang sinasabi nitong malalaman din niya. Ang mga hindi tiyak na sagot ng tiyahin niya ay lalo lang nagbibigay sa kanya ng alalahanin.

Ito mismo ang naghatid sa kanya sakay ng van ng mga ito. Isa pa iyon sa ipinagtataka niya. Hindi na lang siya nito ipinahatid sa kakilala nilang driver. Ang driver na iyon ang madalas na kinukuha ng tiyahin tuwing may mga out-of-town trips ang pamilya o kahit sino sa mga ito.

Naging kainip-inip para sa kanya ang biyahe nila. Naisip niyang ganoon siguro dahil unang-una, labag pa rin sa loob niya ang ipinilit na trabaho ng Tita Guada niya sa kanya.

Medyo nabawasan lang ang pagkainip niya nang pumasok na sila sa bisinidad ng Subic Bay Freeport Zone. Kakaunti ang motorista at maluwang ang kalsadang binabagtas nila. Napakaraming puno roon. May nadaanan pa silang kalsada na kinailangan nilang huminto upang bigyang-daan ang mga unggoy na tumatawid.

Nang mapadaan sila sa coastal area ay tuluyan nang nawala ang pagkainip ni Winona. Napakaganda ng view. Nagtatayugang puno sa kaliwa at sa kanan ay ang magandang view ng karagatan at napakalawak na bulubundukin.

Wala pang sampung minuto silang dumaan sa coastal area nang pumasok ang sinasakyan nila sa isang maliit na village na may malalawak na solar. Napakaganda rin ng view roon. Lalo na ang nilikuan nilang kalye na ang gitna ay nayuyungyungan ng malalabay na sanga ng mahabang linya ng acacia.

Braveheart Series 23, Winona Alviar (Torn Dove) COMPLETEDTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon