Pinipilit kong ipakita sa kahit anong paraan ang pagmamahal ko para sayo. Pero, sa tuwing ginagawa ko iyon pinamumukha mo rin sa akin na wala akong kwentang tao. Na, malabo pa sa paningin ng lolo at lola mong makita ako bilang special na babae o kahit simpleng tao lang sa buhay mo.
Maraming beses ng sumagi sa isip ko kung bakit ikaw pa? Ilang beses ko na ring sinampal ang sarili ko at baka sakaling matauhan na. Isang beses nga sinubukan kong iwasan ka pero hindi ko rin kinaya at para akong mauubusan ng hininga. Sobrang sakit sa dibdib kapag gumagawa ako ng hakbang para talikuran at iwasan ka pero alam ko namang sa huli ako pa rin itong si tanga na babalik at muling magpapapansin sayo, hindi ba?
Sa bawat araw na lumilipas, itong si tanga hulog na hulog na. Hindi na halos alam ang mga salitang hinto, stop, quit, manong tama na!
Simula't sapul alam ko namang wala ng pag-asa. Pero, bakit? Bakit? Bakit sa tuwing nakikita kita nag-iiba ang kahulugan ko sa salitang tanga? Kahit na sa isang segundong pagsulyap mo saki'y agad kong binibigyan ng malisya. Kailan ba darating yung araw na si tanga uyyyyy! Sa wakas nakamove-on na?
Alam mo bang lahat ng pwedeng pagparisin ginawa ko na masabi ko lang na compatible tayo? Nakakatawa ano? Ang totoo nyan, sinadya ko talaga yun para kulayan 'tong drawing na imahinasyon ko.
Heto pa, naniniwala ka ba na parang seasonal ang feelings ng tao? Mayroong summer, winter, spring and fall. Paano ko nasabi? Kasi, kahit anong gawin kong pagpapainit dyan sa puso mo kasing lamig mo talaga ang pinagsama-samang yelo. Ngayon sabihin mo sa akin kung paano pa sisibol kung isa lang naman ang nagmamahal? Mahirap di ba? Kaya lang ayun si tanga fall na fall.
Pero teka... Teka... Teka... Sandali!
Hindi nga? Talaga ba?
Ako na si tanga napapansin mo na? Hindi ako makapaniwalang nagbunga na!Sa wakas totoo pala talaga ang gayuma?!
Hahahaha! Biro lang. Hindi ako kakapit sa gayuma makuha lang kita. Hindi lang talaga ako makapaniwalang close na tayo at heto kausap pa kita.
Naku! Ang saya-saya ko talaga. Literal na hindi ako makapagsalita at kulang na lang sabihin kong Lord pwede na pero syempre huwag muna.
Sa sobrang saya ko lahat na ata ng santo pinasalamatan ko. Suggest ka pa kasi baka sa sobrang tuwa ko may nakalimutan pa pala ako.
Pasasalamatan ko na lahat kasi baka mamaya may magtampo, bawiin ka pa. Aba! Hindi ako papayag ngayon pang nandito ka na? Wala ng makakaagaw sayo kahit makipag espadahan pa ako ng tinidor kay kamatayan, ano?
Kaya Lord, to all saints and angels in heaven... Thank you po talaga!!!
Pero...
Oo, may pero ulit. Akala niyo tapos na? Huwag kayong mainip ito ang mas malupit.
Sandaliang milagro kapalit ng luha na kasing taas ng talon na walang humpay sa pag-agos kasabay ng pagsambit ng mga salitang "Ginamit lang kita, sorry ha? Sorry talaga.. Friends?"
Sandali akong nanahimik... Pilit iniintindi mga salitang narinig. Ano daw ulit?
"Ginamit lang kita, sorry ha? Sorry talaga.. Friends?"
Hindi ko alam kung matutuwa ba ako kasi kahit papaano napansin at napasaya mo ako o isusumpa ka dahil sa kamanhidan at kasakiman mo?
At hindi rin naman talaga masyadong makapal ang mukha mo para sabihing pwede ba na maging magkaibigan tayo?
Tanga na nga ako dodoblehin mo pa? Kulang na nga lang ipalit sa pangalan ko Neneng Tanga! Kaya kung ako sayo huwag ka ng makulit at huwag mo ng ipilit kasi baka hindi kita matantsa at masipa ko yang buddy mong maliit. Kasi sa sobrang sakit nitong puso ko na winasak mo, hindi na mabubuo ulit dahil pinuno mo na ng galit. Galit ng pagpapa-asa mong kay pait.
Distansya ang kailangan ko at hindi simpatya, awa at panandaliang kalinga mula sayo.
Bigyan mo lang ako ng konting oras mailibing si tanga at maipasok sa utak ko na manhid ka. Kapag okay na, try mong magpakita sa akin ng ma who you?"naman kita..
Sa ngayon pahinga muna kasi sa totoo lang hindi ko alam kung saan ako mag-uumpisa.
Ayoko na!
Ayoko na ring dugtungan pa kasi tingnan mo pati sulat ko hindi ko na rin mabasa.
Kaya ikaw na nagbabasa...
Inuutusan kita.
Huminto ka na, kasi yung susunod na pahina.. blanko na.
•••This is actually my first time writing here in wattpad and this is just for fun. Naisip ko lang siya and then yeah I'm here. I'm more of a reader. So, kung nabasa mo thank you for taking time reading this. Comments and suggestions? I will appreciate it. Again, thank you!
#BeYourselfBeOriginal
#WattpadIsLife #RespectOneAnother
#WritersAreAmazing