DROGA

96 0 0
                                    

Unti-unti nang tinatagpian ang mga sugat sa sarili
Itinigil na ang mga bisyo kung saan ako nawili

Hindi na lumalagok ng mapapait na katapusan
Hindi na humihithit ng mga poot ng nakaraan

Maliliit na paghakbang para sa nangangatog na puso
Pinupulot ang maisasalba sa mundong biglang gumuho
Pero hindi pa man tapos ay may biglang nagsimula
Tila nahipan lahat ng galos mula sa lahat ng pagkadapa

Nagsimula sa unang dampi ng pagsulyap ko sa mukha mong maganda
Hanggang sa para akong namalikmata
Sinigurado ko kung totoo ka
Tumingin ako nang pangalawa
At dahil maluho ang aking mga mata
Sumipat ako nang pangatlo
Pang-apat, panlima

Hanggang sa mahalata mo na
Hanggang sa panganim, pampito
Ayun, tumingin ka rin sa mata ko
Dito na, mahal ko
Ang simula ng biglang pagkalulong ko sa iyo.

Hindi ko na ngayon mabilang kung ilang beses ka nang tinitigan
At kung ilang beses nang nagpalutang-lutang sa munti nating kalawakan
Kung saan sinusungkit tayo ng buwan, mga tala at kalangitan
Isa kang drogang sinubukan na hindi ko na matigil-tigilan

Nahahanap ko ang sarili pag naliligaw sa iyong kaluluwa
Nabubuo ang mga kulang kapag tinutunaw ng iyong mata
At sa daming ulit na pananakit na ginawa sa akin ng mundo
Sa isang tao na lang ako ngayon hindi takot magtiwala – sa iyo

Bisyo kita
At hinding-hindi ako magbabagong buhay.

Spoken Word PoetryTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon