Chapter 1: Nakakapangilabot na Anghel

2.7K 128 421
                                    

"Kamatayan dapat ang hatol sa nagawa mo, Terrence

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.

"Kamatayan dapat ang hatol sa nagawa mo, Terrence."

Nais ko man sabihin ang lahat ng hinanakit sa aking puso ay pinili ko na lamang na manahimik at isawalang-bahala ang kanyang mga paliwanag. Marahan niyang hinawakan ang aking mukha upang magtagpo ang aming mga mata. Gayunpaman ay ibinaba ko pa rin ang aking paningin sapagkat ayaw ko nang makita ang mga mapanghusgang titig ng mga katulad kong anghel na kasalukuyang nagmamatyag sa kalagayan ko.

Ang duguang katawan ko na walang saplot ay punong-puno ng marka ng latigo mula sa aming pinuno. Gustuhin ko man na matakpan ang sarili ay hindi ko magawa dahil puwersahan na nilang itinali ang aking mga kamay at pakpak ng mga bakal na kadena. Sinigurado nila na hindi ako makakawala kahit hinang-hina na ako sa mga sugat na natamo.

"Buhay pa ba?" binulong ng isang kerubin sa katabi niya. "Parang naubusan na ng dugo!"

"Oo, pero kawawa naman. Ayan ang napapala kapag sumusuway sa ating mga batas kaya huwag natin siyang tutularan."

Nang mga panahong iyon ay ramdam ko ang pag-iisa at kawalan. Kinuha na nila ang lahat sa akin, maging ang kasuotan na pansangga ko man lamang sana sa lamig sa patutunguhan ko. Kahit ang kakaunting dignidad na natitira sa kalooban ko ay nanganganib na rin na mawala nang tuluyan.

"Magsalita ka, kapatid ko. Sabihin mo sa akin ang sama ng loob mo," sinambit niya gamit ang isipan upang hindi na kami marinig ng iba pang mga anghel. Bakas sa ekspresyon niya ang pagsisisi dahil sa nagawa at batid ko na handa niyang tanggapin ang lahat ng panunumbat na magmumula sa akin kung 'yun lang ang paraan upang mas gumaan ang pakiramdam ko.

Pinili ko nang hindi kumibo. Pinigil ko ang sarili na tumangis at isumbong ang kalupitan na ginawad sa amin ng konseho ng langit, na mismong si Ama ang nagtatag upang panatilihin ang kaayusan sa kaharian Niya. Kung ituring nila kaming mas mababa ang ranggo na mga anghel, para lamang kaming mga nilalang na walang kanya-kanyang isip at pakiramdam. Kapag kami ay sumuway, may nakaabang kaagad na mabigat na parusa kaya lahat kami ay napupuwersang sumunod sa mga batas.

"Iniligtas lamang kita. Mas makakabuti na iyan ang kaparusahan mo," pagpapatuloy ng kinikilala kong pinuno at kapatid. "Hindi ko maatim na tuparin ang kahilingan mo na patayin na lamang kita. Umaasa ako na pagbalik mo sa langit, maaayos din natin ang lahat. Kahit gantihan mo ako dahil sa mga latigong natanggap mo mula sa akin, tatanggapin ko basta ang hiling ko lang ay bumalik ang samahan natin katulad nang dati..."

Kahit na nanlalabo na ang aking paningin dahil sa dami ng nawalang dugo, nagawa ko pa rin na tingnan siya nang masama. Alam ko na nakita niya sa mga mata ko ang poot. Gulat, awa at lungkot ang bumahid sa kanyang mukha. Mas nanaisin ko na mamatay kaysa maitakwil at maranasan ang ganitong klase ng kahihiyan.

Ang tanging kasalanan ko ay ang magbigay ng awa sa tao. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit ako pinaparusahan katulad ng isang kriminal!

"Balang araw ay mauunawaan mo rin." Iyon ang huling mga salita na narinig ko bago ako tuluyang ipinatapon at ikinulong sa impyerno.

Terrence: Ang Bidang Kontrabida (UNDER EDITING)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon