U N T I T L E D

29 1 0
                                    

Nagising ka dahil sa sari-saring boses na iyong narinig. Batid mong nasa malapit lang 'yon pero hindi mo tukoy ang pinanggagalingan.

Nanatili kang nakahiga. Nakiramdam ka. Mas tinalasan mo ang iyong pandinig lalo na nang mapagtanto mong nababalot ng karimlan ang paligid.
May' kasikipan din pero nakatutuwang hindi ka man lang nahihirapang huminga.

          Saan ka naroroon? Paano ka napunta sa lugar na iyon?

Dinagsa ka ng ilang mga katanungan. At habang abala ka sa pangangalap ng sagot ay natagpuan mo ang iyong sarili na itinutulak paitaas ng kung anong malakas na puwersang hindi mo mapangalanan.

Bahagya kang naalog. Hanggang sa hindi nagtagal ay tila may' bagay na nabuksan... at kasunod niyon ay sumabog ang nakasisilaw na liwanag.

          Iyon ba ang sandaling magtatatalon ka na sa saya?

Ibig mong tumalon kaya sinubukan mong bumangon at tumindig, pero hindi mo pala kaya.

Nabigo ka.

Pinanawan ka ng sigla sa iyong mukha. At nanlumo ka nang unti-unting umusbong sa iyong isip ang reyalisasyong matagal na panahon ka na palang napagkaitan ng mga paa. Bago ka pa man nabulag at tuluyang nabura sa mundo dahil sa isang malubhang karamdaman.

          "Tahan ka na, bunso.. Maging masaya na lang tayo dahil simula ngayon, makakasama nang muli ni Nanay si Tatay. Kailanman ay hindi na sila magkakahiwalay."

© 2018 EjMuhree  

#Untitled
#SobrangShortStory

Alingawngaw (#Dagli)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon